21/10/2026
ILANG SIGLO NA NAGPAPAKAIN! BAKIT GINUGUTOM PARIN?
[Pahayag at Pakikiisa ng JPGS-UPD sa Pambansang Araw ng Protesta at Buwan ng mga Pesante] + [Explainer Carousel]
Ang mga kabukiran na nililinang ng mga magsasaka, mga palaisdaan na pinagyayaman ng mga mangingisda, at mga yaring-gawa ng mga pesante sa lupa at dagat, kailan kaya mabibigyan hustisya?
Ang mga pesante ay binubuo ng mga magsasaka, mangingisda, at mga manggagawa na lumilinang sa mga lupain at yumayari sa malaking bahagdang produksyon ng pagkain. Sila ang dahilan kung bakit ang bawat plato ay may laman, bawat hapag ay may pinagsasaluhan, at bawat pamilyang Pilipino ay may laman-tiyan. Bagama’t sila ang bumubuo sa malaking bahagi ng produksyon ng pagkain sa bansa, sila rin ay kabilang sa pinakamahirap na uri ng lipunan. Sila ang humuhubog sa ekonomiya, bakit sila ang nagdurusa?
Hindi likas ang kapighatian ng mga pesante sa Pilipinas, ito’y nag-ugat mula sa sistema ng kolonyalismo at imperyalismo, at sa kasalukuyan, pinananatili ito ng mga naghaharing uri sa bansa. Sila ay pinagsasamantalahan, sinasangkot sa subersibong mga kilos, ninanakawan, at ang pinaka masaklap, pinapatay. Bilang tugon sa masilmuot na karanasan, nagsaayos at nagkaisa ang mga pesante para sa kanilang karapatan. Ngunit, sa kabila ng paulit-ulit nilang panawagan, nananatiling nagbibingi-bingihan ang lahat ng nagdaang administrasyon, lumikha ng mga huwad na mga panukala, nagsunod-sunuran sa interes ng mga dayuhan, at nakikipagsabwatan sa pagsasamantala ng mga panginoong maylupa at mga naghaharing uri. Sa sistemang ito, ang pagsusulong ng kaunlaran ng mga pesante ay itinuturing na banta sa monopolyo sa lupa at kontrol ng mga dayuhan sa likas na yaman ng bansa. Sa takot na mawalan ng buong kapangyarihan, pinagtutulungan ang mga pesante, isinasantabi ang kanilang mga karapatan at ipinagkakait ang bunga ng kanilang paggawa.
Mula pa sa panahon ng pananakop at hanggang sa kasalukuyan, patuloy nanawagan ang mga magsasaka, mangingisda, at manggagawa sa mga kabukiran para sa tunay at dalisay na repormang agraryo. Ang repormang magbibigay ng kapangyarihan sa kamay ng mga pesante, ang tunay na tagapangalaga ng mga kabukiran at palaisdaan sa bansa. Ang kanilang hanay ang may busilak na pagkakakilanlan sa lupa, tunay na kakanyahan sa kabukiran at palaisdaan, at higit sa lahat, sila ang may wagas na karunungan sa paglinang. Kapag ang kapangyarihan ay ginantimpala sa kanila, tiyak na ang mga lupain at katubigan sa Pilipinas ay magiging tunay na gulugod ng kaunlarang dalubsakahan at dalub-isdaan.
Sa araw at buwan na ito, Ika-21 ng Oktubre, kasama ng mga pesante ang Junior Philippine Geographic Society-UPD (JPGS-UPD) sa paglaban para sa tunay na repormang agraryo at pagtuligsa sa huwad at karumaldumal na kilos ng pamahalaan at naghaharing uri laban sa mga magsasaka, mangingisda at manggagawa sa hanay. Ang araw na ito’y higit pa sa pagbabalik-tanaw sa Pambansang araw ng protesta ng mga pesante, dahil ito’y pagpapatuloy sa paglaban para sa kinabukasan ng kabukiran, palaisdaan, at bansa. Ang protesta ay mananatili hangga’t hindi nakakamit ang tunay na repormang agraryo. Hindi titigil ang pag kalampag sa mga may pananagutan para sa repormang dalisay at tapat na nagsisilbi para sa masa at mga pesante.