10/14/2026
VETERAN BROADCASTER TULFO: 'MUKHANG GOON' ANG PINUNO NG BUWAG NA QC TASK FORCE
Tinawag ni veteran broadcaster Ramon Tulfo na "mukhang goon" si Quezon City Councilor Rannie Ludovica, ang lider ng Quezon City Task Force Disiplina na binuwag ni Mayor Joy Belmonte dahil sa umano'y matinding pang-aabuso sa kapangyarihan.
Ito ay kasunod ng pamamaril na ikinamatay ng tatlong kabataan na may edad na 15, 18 at 19 noong Okt. 12 sa Quezon City.
Ayon kay Tulfo, ang bumaril ay si Alvince Tolentino, isang tauhan ni Ludovica, na sinasabing "lasing na lasing" nang gamitin ang isang paltik revolver.
Sinita umano ni Tolentino ang tatlong kabataan na naglalakad sa kalye nang alas-9 ng gabi.
Kahit wala silang ginawang masama, tumakbo ang mga ito sa takot kaya't pinagbabaril, aniya. "Salot daw sila sa lipunan kaya't pinagbabaril niya," ani Tulfo.
Pinuna din ni Tulfo ang mga bagay kaugnay ng task force.
"Bakit siya may M-16? May lisensiya ba ito? Bakit may dalang mga baril ang miyembro ng Task Force Disiplina samantalang di naman sila pulis?" sabi ni Tulfo sa kanyang social media post nitong Okt. 14.
Tinanong din niya ang rason ng alkalde sa pagtatatag ng grupo.
"Anong dahilan ni Mayor Belmonte na itatag ang Task Force Disiplina samantalang may mga pulis naman sa siyudad?" dagdag ni Tulfo.
Samantala, sinabi ni Ludovica na siya ay halal ng mga tao sa District 2. Aniya, dahil sa dami ng panawagan na mag-operate na siya dahil sa laganap na krimen, nakawan, akyat-bahay at droga sa mga barangay, kaya hiniling ng mga residente na magronda siya.
Dagdag pa niya, napatunayan niyang totoo ang mga hinaing kaya ginampanan niya ang obligasyon na tugunan ang mga reklamo.
"Uulitin ko, kahit anong mangyari di ko isusuko ang laban na ito para sa tao at sa susunod na henerasyon na ma-protektahan sila sa mga salot sa lipunan," pahayag ni Ludovica.
Screenshot: Ramon Tulfo/FB