06/08/2026
Itigil ang Militarisasyon at Mapaminsalang Proyekto sa Abra! Igalang ang IHL at Karapatan ng Mamamayan!
Mariing kinokondena ng Kalikasan People's Network at for the Environment at Environmental Defenders Congress ang nagpapatuloy na malawakang operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Licuan-Baay, Abra na nagdudulot ng takot, pagkaantala ng kabuhayan ng mga komunidad, at malawakang paglabag sa karapatang pantao at International Humanitarian Law. Habang tumitindi ang pandarambong sa likas na yaman ng Abra, lalong lumalawak ang militarisasyon sa probinsya at paglabag sa karapatang pantao.
Mula pa noong Agosto 2 ay sunud-sunod na ang operasyong militar ng 50th at 98th Infantry Battalions ng 5th Infantry Division sa Barangay ng Bonglo at Lenneng. Noong Agosto 4, kinumpirma ng AFP ang engkwentro laban sa mga yunit ng New People's Army (NPA), kung saan nasawi ang mga rebolusyonaryong sina Eugene Hilaus, Jelove Davide Escobilla, at Eric Dayadante. Kasabay nito, inamin mismo ng mga awtoridad na umabot sa 307 pamilya o humigit-kumulang 705 katao ang naapektuhan ng nagpapatuloy na operasyong militar.
Dahil sa patuloy na militarisasyon, malaki ang banta at dulot na pasakit sa kabuhayan at karapatan ng mga komunidad sa Abra. Bukod sa kahirapan na dulot ng El Niño, pinapalala pa ito ng patuloy na pagkakampo ng mga militar kaya hindi makapunta ang mga magsasaka sa kanilang mga palayan. Hindi rin sila makapangaso at makagawa ng iba pang trabaho.
Labis ding ikinababahala ang patuloy na hindi pagsauli ng mga labi ng mga nasawi sa kabila ng panawagan ng kanilang mga pamilya. Ang pagkakait sa mga kaanak ng karapatang mailibing nang marangal ang kanilang mga mahal sa buhay ay tahasang paglapastangan sa dignidad ng tao at salungat sa mga obligasyong itinakda ng International Humanitarian Law (IHL). Dapat agad na isauli ang mga labi sa kanilang mga pamilya at tiyaking iginagalang ang mga karapatan ng lahat ng sibilyan at maging ng mga hors de combat, alinsunod sa IHL.
Nitong Abril lamang ay mariing tinutulan ng mga residente ng Sallapadan ang planong pagmimina ng Yamang Mineral Corporation. Saklaw rin ng Abra Copper-Gold Exploration Project ang Licuan-Baay, Lacub at Malibcong sa tinatayang 16,200 ektaryang exploration area. Kasabay nito ang bantang dulot ng mga malalaking proyekto tulad ng Abra-Kalinga Wind Power Project at TPI Baay River Hydroelectric Power Project.
Sa halip na protektahan ang mamamayan, paulit-ulit na ginagawa ng estado ang AFP bilang panangga lang ng mga proyektong nagbubukas ng mga lupang ninuno, kagubatan at kabundukan para sa interes ng malalaking korporasyon. Matagal nang inilalantad na nagsisilbing investment defense force ang mga tropang militar para protektahan ang mga mapanirang proyekto.
Kasabay ng pagpasok ng mga mapandambong na proyekto ay ang mahabang rekord ng militarisasyon at mga paglabag sa karapatang pantao sa Abra. Hindi pa nakakalimutan ng mamamayan ang pamamaslang sa mga magsasaka, mga pambobomba sa komunidad, sapilitang paglikas, at iba pang seryosong alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao at IHL na hanggang ngayon ay nananatiling walang pananagutan.
May mahabang aktibong armardong tunggalian na sa Abra para labanana ang pandarambong sa lalawigan at pangangamkam ng lupa. Ipinapakita ng iba't ibang pag-aaral na ang mga lugar na ang armadong tunggalian ay kadalasang siya ring mga lugar na may aktibong paglaban sa illigal, mapanira at mapandambong na aktibidad na pinapapasok ng estado.
Noong 2016, natuklasan ang isang bagong species ng orkidyas sa isang kabundukan sa Mindanao na itinuturing na guerilla zone. Ayon sa eksperto na si Miguel David de Leon, nakatutulong ang mga sonang ito na hadlangan ang pagpasok ng mga illegal poachers. May mga ulat ring nagsasabing ang NPA ang responsable sa pagsunog ng mga kagamitan ng malalaking operasyon ng pagmimina na pag-aari ng malalaking kumpanya ng mina, na itinuturing na nagdudulot ng panganib sa kalikasan at sa mga komunidad.
Kaya malinaw na hindi natutugunan ng opensibang militar ang panawagan para sa tunay na kapayaan, hangga’t hindi nalulutas ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa, paglabag sa karapatan ng mga komunidad, at walang habas na pandarambong sa kalikasan.
Kaya nananawagan ang Kalikasan at Environmental Defenders Congress na dapat tiyakin ang paggalang sa karapatan ng mga apektadong komunidad, pigilan ang anumang paglabag sa kanilang mga karapatang pantao, at agad na isauli sa kanilang mga pamilya ang mga labi ng mga nasawi upang mabigyan sila ng marangal na pagluluksa at paglilibing. Ang pananagutan sa anumang paglabag sa internasyunal na makataong batas ay dapat ding tiyakin sa pamamagitan ng isang malaya at masusing imbestigasyon.
Nananawagan din para sa mahigpit na pagtalima sa International Humanitarian Law, lalo na sa obligasyong pangalagaan ang buhay at seguridad ng mga sibilyan at igalang ang kanilang mga karapatan lalo na sa kasalukuyang malawakang epekto ng military operations sa lugar.
Dapat ding tumalima sa obligasyong igalang ang dignidad ng mga nasawi at tiyakin ang agarang pagbabalik ng kanilang mga labi sa kanilang mga pamilya. Nakababahala ang patuloy na mga ulat ng mga paglabag sa International Humanitarian Law kaugnay ng umano'y hindi makataong pagtrato sa mga labi ng mga napatay sa armadong engkwentro at ng pagtanggi ng militar na agad itong isauli sa kanilang mga pamilya. Dapat magkaroon ng agarang, malaya, at masusing imbestigasyon sa mga ulat na ito, panagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa internasyunal na makataong batas, at tiyaking hindi na mauulit ang ganitong mga paglabag.
Hangga't ginagamit ang pwersa ang estado upang tiyakin ang pagpasok ng mga mapanirang proyekto sa mga komunidad, magsisilbi palaging pwersang pandahas ang mga militar para sa pandarambong ng kalikasan at panunupil sa mamamayan. Ang rekurso at yaman ng bansa ay nararapat pakinabangan ng sambayanan, hindi dambungin para sa tubo lamang ng iilan. Kailangang igiit ng mamamayan ng Abra ang kanilang karapatan sa kanilang komunidad at kalikasan, at tungkulin nating samahan at suportahan sila sa makatarungan nilang pakikibaka.