28/07/2026
PAHAYAG SA MARAHAS NA PAG-ARESTO SA 51 NA KALAHOK SA 2026 SONA NG SAMBAYANAN
Mariing kinokondena ng PhilRights ang marahas na pag-aresto ng PNP sa mga indibidwal na ginigiit lamang ang karapatan nila sa mapayapang pagprotesta.
Inaresto ng Philippine National Police (PNP) ang 51 na indibidwal nitong ika-27 ng Hulyo 2026, sa pagdaraos ng taunang SONA ng Sambayanan sa bahagi ng Feria St., Commonwealth Avenue, Quezon City, ilang sandali bago nagsimula ang programa. Makikita sa mga bidyong inilabas ng iba’t ibang testigo sa social media ang marahas na paraan ng pag-aresto sa mga indibidwal. Ang ilan ay kinuyog at puwersahang pinadapa sa kabila ng daing ng mga indibidwal na sila’y nasasaktan o nahihirapan. Marahas ding tinangka ang pag-aresto sa ang isang senior citizen.
Sa kabila ng paulit-ulit na pagtatanong ng mga testigo kung ano ang basehan ng pang-aaresto, hindi nagpaliwanag ang mga pulis. Nilabag din ng mga opisyal ang protokol na ipagbigay-alam sa mga indibidwal ang kanilang Miranda Rights. Ang ginawang pandarahas ay paglabag sa Bill of Rights, sa Batas Republika Blg. 7438 (An Act Defining Certain Rights of Persons Arrested, Detained or Under Custodial Investigation), at ang Juvenile Justice and Welfare Act gayong ilan sa mga inaresto ay kumpirmadong mga menor de edad.
Ayon kay PNP Chief Jose Nartatez Jr. sa isang press con sa araw ng SONA, ang 51 ay hinuli umano dahil sa paglabag sa RA 9003 (Ecological Solid Waste Management Act), ang Batas Pambansa Blg. 880 (Public Assembly Act of 1985), at mga lokal na ordinansa. Idiniin niya ang kanilang umano’y paggawa ng bandalismo at pagsusuot ng balaclava, ngunit pareho ay wala sa sakop ng dalawang batas. Wala ring ordinansa ang Quezon City hinggil sa pagsusuot ng takip sa mukha habang lumalahok sa mga kilos-protesta.
Sa isang press conference nitong ika-28 ng Hulyo, inihayag ng PNP na 12 sa mga inaresto ay mga menor de edad at agaran na ring pinalaya, 30 ang inimbestigahan at kalauna’y pinalaya, at 9 ang sasailalim pa sa inquest proceedings kaugnay sa bandalismo, malicious mischief, disobedience to a person in authority, at obstruction of justice.
Ang bandalismo sa pader ng Meralco substation, na siyang tinutukoy na paglabag umano ng mga inaresto, ay walang perwisyong idinulot sa sinuman. Ito ay pawang may layunin na iparating sa mga awtoridad ang hinaing ng mga mamamayan sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng kuryente at pribatisasyon ng mga serbisyo—na siyang sumasalamin sa tunay na state of the nation ayon sa reyalidad ng mga mamamayan.
Ipinapanawagan ng PhilRights ang mabilis at patas na pagresolba ng mga akusasyon sa 30 na iniimbestigahan at 9 na sasailalim sa inquest; ang pagtupad ng mga karapatan ng lahat ng mga inaresto sa ilalim ng B.P. Blg. 7309, na nagbibigay ng kaukulang kompensasyon sa pinsalang natamo ng lahat ng mga natagpuang ikinulong nang walang sapat na basehan; at ang pagpapanagot sa mga opisyal ng PNP na nang-abuso sa kanilang mga tungkulin at lumabag sa mga karapatan ng mga inaresto.
Ginigiit nito ang tungkulin ng pamahalaan na pakinggan ang mga hinaing ng sambayanan at panagutin ang mga paglabag sa karapatang pantao. Dinadaos bawat taon ang SONA ng Sambayanan dahil naniniwala ang mga kalahok nito na hindi nirerepresenta ng SONA ng Malacañang ang tunay na kalagayan at mga angkop na solusyon na magsisilbi sa taumbayan. Ang reaksyon ng PNP ay taliwas sa tungkulin nila na protektahan ang mga mamamayan, at sa halip ay pumoprotekta lamang sa status quo ng sistematikong pagnanakaw ng karapatan at dignidad ng mga Pilipino.
---
Sanggunian:
ABS-CBN News. “Naaktuhan ang ilang indibidwal na nagva-vandal sa pader ng isang gusali sa Quezon City kasabay ng mga kilos-protesta.” Instagram, ika-27 ng Hulyo 2026. https://www.instagram.com/reel/DbSWqb-Cs5i/?igsh=MXBqeTF4NDcwamVyZg==.
ABS-CBN News. “Pinalaya na ng PNP ang 12 menor de edad na kabilang sa 51 indibidwal na dinala sa himpilan ng pulisya.” Instagram, ika-28 ng Hulyo 2026. https://www.instagram.com/reel/DbUg7WOD1GW/?igsh=bDlxNmhpbG5ocDRh.
Sarmiento, D. “More than 50 arrested during SONA protests for vandalism, wearing balaclavas: PNP.” ABS-CBN News, ika-27 ng Hulyo 2026. https://www.abs-cbn.com/news/nation/2026/7/28/ombudsman-to-press-forward-steadily-fairly-on-probes-1117.