07/10/2026
Kasama ang BAYAN Aotearoa ng mga migrante Pilipino at lahat ng migranteng mangagagawa sa Aotearoa New Zealand sa ating sama-samang laban kontra rasismo at xenophobia!
Inaanyayahan ang lahat na lumahok sa ALL WORKERS UNITED: March Against Racism and Xenophobia, sa darating na 17 October 2026, Sabado, 2-4 pm.
Sa nakalipas na tatlong taon, ang higit isang daang libong Pilipino, kasama ng iba pang migranteng komunidad sa Aotearoa New Zealand, ay nakaranas ng di lamang patinding diskriminasyon, pati na rin ang mas umigting pa na pang aalipusta at pagsasamantala sa trabaho: kabikabilang kaso ng racist discrimination and work exploitation tulad ng mga di binabayarang sahod, pananakot mula sa mga employers, hindi risonableng English skills requirement, at panggigipit sa visa. Ito ay kinikilala nating mga atake mula sa makakanang gobyerno ng National-ACT-NZ First, na mismong nagpapataw ng mga hindi patas na polisiya sa lahat ng mga manggagawa ng Aotearoa New Zealand, at siya ring gobyernong promotor ng pagiging mura at disposable ng libu-libong migranteng manggagawa sa bansang ito.
Sa hanay ng mga Pilipinong mangagawa sa Aotearoa New Zealand, sinisingil din natin ang paglalako ng rehimeng Marcos-Duterte sa milyun-milyong Overseas Filipino Workers (OFWs), at sa pagpapabaya din nito sa kanila sa tuwing may pandaidigang krisis na dulot ng imperyalistang Amerika.
Saksi tayo sa pagpabaya ni Marcos sa mga OFWs na biktima ng illegal trafficking dito at sa Cambodia, sa mga kababayan nating naiipit sa gulo sa Middle East, sa mga Pinay domestic helpers na patuloy na dumadanas ng mga pisikal at sekswal na abuso, at sa mga laksa-laksang migranteng Pilipino na unang tinatanggal sa trabaho sa bawat ekonomyang krisis ng kanilang mga host countries.
Sa halip na magpatupad ng tunay sa reporma sa lupa na siyang bubuhay sa pambansang industrialisasyon at lilikha ng disente at nakabubuhay na trabaho, mas pinairal pa ang Labour Export Policy, o ang programa ng rehimeng Marcos-Duterte na sistematikong nagluluwas ng cheap at docile labour, at tuluyang ipinasa sa remittances ng milyun-milyong OFWs ang pag pasan sa ekonomya ng Pilipinas.
Nananawagan ang BAYAN Aotearoa New Zealand sa lahat ng mga Pilipino sa bansang ito na tutulan ang programang Labour Export Policy ng administrasyong Marcos-Duterte, at tumindig laban sa rasismo at xenophobia ng makakanang gobyerno ng Nationla-ACT-NZ First!
ALL WORKERS UNITED!
Labour Export Policy, Tutulan!