10/10/2026
𝗔𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗹𝘂𝘀𝘂𝗴𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗴𝗸𝗮𝗶𝘀𝗶𝗽𝗮𝗻 𝗮𝘆 𝗸𝗮𝗿𝗮𝗽𝗮𝘁𝗮𝗻, 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗽𝗿𝗶𝗯𝗶𝗹𝗲𝗵𝗶𝘆𝗼: 𝗧𝘂𝗻𝗮𝘆 𝗻𝗮 𝘀𝗼𝗹𝘂𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴𝗮𝗻, 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗽𝗮𝗻𝗮𝗸𝗶𝗽-𝗯𝘂𝘁𝗮𝘀 𝗹𝗮𝗺𝗮𝗻𝗴.
Nitong taon lamang, muling nayanig ang bansa nang maganap ang magkakasunod na insidente ng 𝘴𝘤𝘩𝘰𝘰𝘭 𝘴𝘩𝘰𝘰𝘵𝘪𝘯𝘨 at pamamaril sa loob ng mga kampus sa Pilipinas—mula sa pagbaril ng isang mag-aaral sa kanyang kamag-aral sa isang pribadong paaralan hanggang sa marahas na pag-atake sa pampublikong paaralan sa Mindanao.
Ang mga trahedyang ito ay hindi mahihiwalay na kaso ng karahasan lamang. Ang mga ito ay malinaw at madugong sintomas ng isang mas malalim at matagal nang pinababayaang krisis sa kalusugang pangkaisipan sa ating lipunan. Sa harap ng lumalalang epekto ng depresyon, pagkabalisa, at karamdamang pang-asal sa mga kabataan, nananatiling bulag at bingi ang estado sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.
Ayon sa ulat ni Sarao (2026), mahigit 111 ang naitalang kaso ng 𝘴𝘶𝘪𝘤𝘪𝘥𝘦 sa bansa, na ang pangunahing dahilan ay depresyon, pagkabalisa, at karamdamang pang asal. Sa kasalukuyan, kapansin-pansing kulang pa sa dalawang porsyento ng kabuuang badyet sa kalusugan ang inilalaan para sa mental health, at halos tatlong milyong mag-aaral sa pampublikong paaralan ang naghahati-hati sa kakaunting 𝘨𝘶𝘪𝘥𝘢𝘯𝘤𝘦 𝘤𝘰𝘶𝘯𝘴𝘦𝘭𝘰𝘳𝘴 sa buong bansa.
Bagama't may umiiral tayong 𝗠𝗲𝗻𝘁𝗮𝗹 𝗛𝗲𝗮𝗹𝘁𝗵 𝗔𝗰𝘁 (𝗥𝗲𝗽𝘂𝗯𝗹𝗶𝗰 𝗔𝗰𝘁 𝗡𝗼. 𝟭𝟭𝟬𝟯𝟲) na naglalayong tiyakin ang abot-kaya at dekalidad na serbisyong pangkaisipan para sa lahat, ang batas na ito ay nananatiling 𝗻𝗴𝗶𝗽𝗶𝗻 𝗻𝗮 𝘄𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗴𝗮𝘁 o palamuti lamang sa papel. Hindi sapat ang pagsasaad ng mga karapatan kung ang pagpapatupad nito ay patuloy na binabara ng kakulangan sa badyet, kakulangan ng mga lisensyadong 𝘱𝘴𝘺𝘤𝘩𝘪𝘢𝘵𝘳𝘪𝘴𝘵 𝘢𝘵 𝘨𝘶𝘪𝘥𝘢𝘯𝘤𝘦 𝘤𝘰𝘶𝘯𝘴𝘦𝘭𝘰𝘳 sa mga paaralan, at kawalan ng konkretong pasilidad sa mga pampublikong ospital.
Sa halip na harapin ang pundamental na kakulangang ito, ang kamakailang pagpasa sa 𝗦𝗲𝗻𝗮𝘁𝗲 𝗕𝗶𝗹𝗹 𝗡𝗼. 𝟮𝟰𝟮𝟰 (SB 2424) o ang 𝘊𝘩𝘪𝘭𝘥 𝘖𝘯𝘭𝘪𝘯𝘦 𝘚𝘢𝘧𝘦𝘵𝘺 𝘢𝘯𝘥 𝘗𝘳𝘰𝘵𝘦𝘤𝘵𝘪𝘰𝘯 𝘈𝘤𝘵 na naglalayong magpatupad ng age-restriction at pag-ban sa social media para sa mga menor de edad, ay isang mababaw at maling diagnosis sa krisis. Para sa organisasyon, ang SB 2424 ay isang panakip-butas at pampalubag-loob na panukala na pumipigil sa kalayaan sa halip na solusyonan ang ugat ng suliranin. Ang pagtrato sa social media bilang pangunahing salarin sa krisis sa mental health ay isang anyo ng lehislatibong katamaran na umiiwas sa totoong responsibilidad ng pamahalaan.
Upang magkaroon ng tunay na reporma, kailangang patalasin at amyendahan ang sistema. Hindi natin kailangan ng higit pang mga pampulitikang gimik. Kailangan natin ng mga lehislasyong may direktang obligasyon at pananagutan. Kinakailangang magkaroon ng mandatoryong probisyon sa batas na mag-aatas sa bawat barangay at bawat pampublikong paaralan na magkaroon ng sapat at permanenteng 𝘮𝘦𝘯𝘵𝘢𝘭 𝘩𝘦𝘢𝘭𝘵𝘩 𝘱𝘳𝘰𝘧𝘦𝘴𝘴𝘪𝘰𝘯𝘢𝘭𝘴. Bukod dito, dapat tiyakin ng Korte at ng Kagawaran ng Hustisya na ang mga pasilidad para sa mental health ay accessible din sa mga nasa sektor ng marginalized at mga nasa correctional institutions.
Ang krisis sa mental health na nagbubunga ng karahasan sa ating mga paaralan at komunidad ay hindi masosolusyunan ng mga pagbabawal at paghihigpit sa batas. Bilang isang organisasyong nagtataguyod ng hustisya at legal na katwiran, nakikiisa ang The UPLB Pre-Law Society sa panawagan na gawing pangunahing pampublikong serbisyo at ganap na maipaglalabang karapatan ang kalusugang pangkaisipan sa Pilipinas. Ang kalusugang pangkaisipan ay hindi lamang isang isyung medikal o usaping pampersonal. Ito ay isang saligan at maipaglalabang karapatang pantao na itinataguyod at pinoprotektahan ng batas.
𝗧𝗨𝗡𝗔𝗬 𝗡𝗔 𝗦𝗢𝗟𝗨𝗦𝗬𝗢𝗡 𝗦𝗔 𝗠𝗘𝗡𝗧𝗔𝗟 𝗛𝗘𝗔𝗟𝗧𝗛, 𝗛𝗜𝗡𝗗𝗜 𝗣𝗔𝗡𝗔𝗞𝗜𝗣-𝗕𝗨𝗧𝗔𝗦 𝗟𝗔𝗠𝗔𝗡𝗚!
𝗜𝗣𝗔𝗚𝗟𝗔𝗕𝗔𝗡 𝗔𝗡𝗚 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗟𝗜𝗚𝗧𝗔𝗦, 𝗠𝗔𝗚𝗜𝗧𝗜𝗡𝗚, 𝗔𝗧 𝗠𝗔𝗣𝗔𝗚𝗞𝗔𝗟𝗜𝗡𝗚𝗔𝗡𝗚 𝗟𝗜𝗣𝗨𝗡𝗔𝗡 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗟𝗔𝗛𝗔𝗧!
Mga Sanggunian:
Alibudbud, R. (2023). Towards transforming the mental health services of the Philippines. The Lancet Regional Health – Western Pacific, 39, Article 100869. https://doi.org/10.1016/j.lanwpc.2023.100869
BBC News. (2026, September 18). Philippines: Three dead and eight injured in shooting at Banga high school. https://www.bbc.com/news/articles/c6x2z4dlzyr0o
BusinessWorld. (2026, October 9). Mental health group opposes blanket social media ban for minors. https://bworldonline.com/the-nation/2026/10/09/785907/mental-health-group-opposes-blanket-social-media-ban-for-minors/
Sarao, Z. (2026, October 9). Strengthened mental health programs needed amid rising su***de cases. INQUIRER.net.
https://newsinfo.inquirer.net/2203185/strengthened-mental-health-programs-needed-amid-rising-su***de-cases
SERP-P. (n.d.). Mental health issues (Socioeconomic Issue in Spotlight). Socioeconomic Research Portal for the Philippines; Philippine Institute for Development Studies. Retrieved October 10, 2026, from https://serp-p.pids.gov.ph/feature/public/index-view?feauredtype_id=1&slug=Mental-Health-Issues
TalkSaya. (2026, July 7). Mental health statistics Philippines.
https://talksaya.com/blog/mental-health-statistics-philippines