06/24/2026
Prevention Starts with Connection
“Oo, makakatulong ang pag-block ng mga violent games tulad ng GoreBox, Roblox content na may violence, at iba pang online materials na maaaring makaapekto sa isip at asal ng mga bata. Pero hindi lang ito tungkol sa pag-control ng apps o gadgets. Ang mga nangyayaring school-related violence ay hindi dapat iasa lamang sa technology filters — malaking bahagi pa rin ang responsibilidad ng mga magulang.
Sa simpleng pakikipag-usap, pakikinig, at pagmo-monitor sa ating mga anak - hindi sa paraang parang sinasakal sila sa sobrang higpit - mas mauunawaan natin kung may pinagdadaanan sila, may kinikimkim, may kinatatakutan, o may bagay silang hindi masabi.
Matuto tayong magtanong ng tamang mga tanong. Hindi lang ‘Okay ka ba?’ dahil kadalasan ang sagot ay ‘Oo, okay lang.’ Magtanong tayo nang mas malalim at may malasakit:
• Sino-sino ang mga taong madalas mong kasama ngayon?
• Ilan ang mga close friend mo? Kumusta sila?
• May nang-aasar ba o nang-aaway sa iyo?
Kung appropriate sa age:
• May nangyayari ba sa school na hindi mo sinasabi sa amin?
• Ano ang pinaka-nakakastress para sa iyo lately?
• May pagkakataon ba na naramdaman mong mag-isa ka?
• Ano ang bagay na gusto mong maintindihan namin tungkol sa iyo ngayon?
• Kung may problema ka, sino ang unang lalapitan mo?
• May nakita ka ba online na nakapagpa-feel sa iyo ng galit, lungkot, o takot?
Note: Ang goal natin ay hindi lang mahuli ang mali, kundi maging ligtas na tao ang mga magulang na malalapitan ng anak. Prevention starts with connection. Kapag kilala natin ang puso ng ating mga anak, mas maaga nating nakikita ang mga warning signs, red flags at mas maaga tayong makakatulong.
I hope it helps.
- Clinic on Wheels Mercy Bus