27/07/2026
๐๐๐ ๐๐ก๐ ๐ฆ๐๐ก๐๐๐, ๐ก๐๐๐๐๐๐๐ง๐๐๐ก ๐ก๐๐ ๐๐ก ๐๐๐ ๐.
Sa halos lahat ng usaping tinalakay sa ika-5 State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos, isa ang malinaw na mensahe para sa LGBTQIA+ community:
Wala na naman kami sa kuwento.
Hindi man lamang nabanggit ang LGBTQIA+ community, sa kabila ng katotohanang libo-libong Pilipino ang patuloy na nakararanas ng diskriminasyon sa paaralan, sa trabaho, sa mga ospital, at maging sa sarili nilang mga komunidad. Sa bawat SONA na lumilipas nang walang pagkilala sa aming kalagayan, lalo lamang lumalalim ang mensaheng tila hindi kami kabilang sa mga dapat unahin.
Ngunit paano magiging makabuluhan ang mga pangako ng pamahalaan kung may mga sektor na patuloy na hindi nakikita?
Anong saysay ng dekalidad na edukasyon kung may mga estudyanteng LGBTQIA+ na araw-araw pumapasok sa paaralan na may takotโtakot mabully, mapahiya, ma-out nang laban sa kanilang kagustuhan, o maging biktima ng karahasan dahil lamang sa kanilang pagkatao? Hindi magiging tunay na ligtas ang ating mga paaralan hangga't walang malinaw na proteksiyon laban sa diskriminasyon.
Anong saysay ng serbisyong pangkalusugan kung may mga LGBTQIA+ na Pilipinong nag-aatubiling magpagamot dahil sa takot na husgahan, bastusin, o hindi seryosohin? Ang kalusugan ay karapatan, hindi prebilehiyong nakabatay sa kasarian, seksuwal na oryentasyon, o gender identity.
Anong saysay ng pag-unlad kung may mga manggagawang hindi natatanggap sa trabaho, mga empleyadong hindi napo-promote, mga estudyanteng napipilitang tumigil sa pag-aaral, at mga kabataang nawawalan ng pag-asa dahil lamang sa diskriminasyon? Hindi magiging inklusibo ang pag-unlad kung may mga Pilipinong sistematikong naiiwan.
Sa loob ng 26 na taon, nakabinbin ang panukalang SOGIE Equality Bill sa Kongreso. Dalawampu't anim na taon ng pagdinig. Dalawampu't anim na taon ng mga pangakong "hindi pa panahon." Dalawampu't anim na taon ng paulit-ulit na pagpapaliban habang araw-araw na nararanasan ng LGBTQIA+ community ang diskriminasyon na wala pa ring sapat na pambansang batas na para dito.
Nakababahala na sa kabila ng mga panukalang isinusulong sa Kongreso tungkol sa gender-responsive legislation at anti-discrimination measures, tila hindi pa rin naging prayoridad ang usaping ito sa pinakamataas na talumpati ng bansa. Ang pananahimik ng Estado ay may kapalit: nagpapatuloy ang diskriminasyon, nagpapatuloy ang takot, at nagpapatuloy ang kawalan ng pananagutan.
Bilang mga kabataan at tagapagtaguyod ng karapatang pantao, hindi kami kuntento sa mga talumpating puno ng pangako ngunit kulang sa pagkilala sa mga komunidad na patuloy na naiiwan. Hindi kami titigil sa paniningil sa pamahalaan sapagkat karapatan naming igiit ang mga polisiyang magtitiyak na walang Pilipinong madidiskrimina dahil lamang sa kung sino sila.
Ginoong Pangulo, kung tunay na walang Pilipinong dapat maiwan, panahon nang patunayan ito. Gawing prayoridad ang pagpasa ng SOGIE Equality Bill at iba pang mga batas na magtitiyak ng pantay na pagtrato, dignidad, at proteksiyon para sa lahat.
Dalawampu't anim na taon na kaming naghihintay.
Dalawampu't anim na taon na kaming umaasa.
Hanggang kailan pa kailangang maghintay bago kilalanin na ang LGBTQIA+ community ay hindi special interest, kundi mga Pilipinong matagal nang ipinagkakait ang pantay na karapatan?
Kung ang SONA ay ulat para sa buong sambayanan, bakit tila hindi pa rin kasama ang aming kuwento?