18/10/2026
Naglabas ng matinding pahayag si Dr. Nuelle Duterte laban sa kaniyang pinsan na si Vice President Sara Duterte, kasunod ng pahayag ng bise presidente na hindi siya magpapatinag sa kabila ng mga pagsubok, pananakot, at pampulitikang panggigipit na kaniyang kinakaharap.
Sa kaniyang talumpati sa 52nd Philippine Business Conference and Expo, iginiit ni Sara na hindi niya hahayaang panghinaan siya ng loob dahil sa mga hamon sa kaniyang buhay at karera sa politika.
“I refuse to let adversity define me. I refuse to let intimidation silence me. And I refuse to let political pressure weaken me,” pahayag ni Sara.
Bilang tugon, kinuwestiyon ni Nuelle ang pahayag ng bise presidente at inihambing ito sa naging karanasan ni dating congresswoman Leila de Lima, na halos pitong taon na nakulong bago napawalang-sala sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
“Try niya muna to be detained the way Congresswoman Leila de Lima was detained for nearly 7 years (2,454 days) before she can say all that,” ani Nuelle.
Hindi rin nag-atubili si Nuelle na batikusin ang pahayag ng kaniyang pinsan.
“Extreme pa-victim disorder yan, gurl,” dagdag niya, na nagpapahiwatig na para sa kaniya ay labis ang pagpapakita ni Sara ng sarili bilang biktima ng mga pangyayari.
Binanggit din ni Nuelle ang pagkakadetine ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), na aniya ay unang seryosong konsekuwensiyang kinaharap ng kanilang pamilya.
Sa isa pang pahayag, tahasan niyang iginiit na dapat mahatulan si Sara at hindi na muling payagang humawak ng anumang pampublikong posisyon.
“Convict her and make sure she can never hold public office again,” saad ni Nuelle.