01/10/2026
KAISA ANG MGA MANGGAGAWANG BUKID SA ASYENDA LUISITA SA PANAWAGAN NG URING MAGBUBUKID NGAYONG BUWAN NG MGA PESANTE!
Ang buwan ng Oktubre ay tinaguriang buwan ng magbubukid at kaisa ang Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA) sa lahat ng magsasaka sa buong bansa sa pagpupunyagi sa mga tagumpay ng sama-samang pagkilos ng kanilang hanay at ang patuloy at walang kapagurang pakikibaka para sa lupa at kabuhayan!
Sa gitna ng tumitinding krisis ng kawalan ng lupa, kawalang-katiyakan sa kabuhayan, pangangamkam at kumbersyon ng mga lupang agrikultural, at iba’t ibang anyo ng panggigipit, patuloy nating itinataas ang panawagan para sa tunay na repormang agraryo.
Sa Hacienda Luisita, kalakhan ng lupang ipinamahagi sa ilalim ng CARPER ay wala na sa kamay ng mga manggagawang-bukid. Samu’t saring panlilinlang at iskema ang isinagawa at patuloy na ginagawa ng panginoong maylupang Conjuangco-Aquino-Lorenzo, mga dambuhalang korporasyon na Ayala at Aboitiz, kasabwat at kasangkapan ang DAR at mismong estado. Kaliwa’t kanan ang pangangamkam ng lupa ng mga kapitalista, tulad ng nagpapatuloy na pagtatayo ng 384-ektaryang TARI Estate ng Aboitiz at 290-ektaryang Cresendo Estate ng Ayala at pagkakansela ng mismong Office of the president ng Notice of Coverage ng 358 ektaryang lupang TADECO. Sa pagpapalawak ng kanilang negosyo, malawak na palayasan ang kakaharapin ng napakaraming magsasaka, manggagawang-bukid, at residente ng Asyenda upang bigyang-daan ang mga grandyosong planong nakapaloob sa Hacienda Luisita Masterplan na naglalayong burahin ang lahat ng lupang agrikultural at buong komunidad.
Bahagi rin ito ng pagtutulak sa buong lalawigan bilang Luzon Economic Corridor, kasabay ng nilalakong 1,600-ektaryang Pax Silica ng rehimeng US-Marcos sa Capas, Tarlac, na magpapalayas sa napakaraming katutubong Aeta upang maitaguyod ang mga data center at produksyon ng kagamitang pandigma ng US. Tinatayang ₱174 milyon ang aprubadong badyet ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) para sa extension ng Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEX) upang pabilisin ang akses patungong TARI Estate, hindi para sa kapakinabangan ng mga taumbaryo.
Naniniwala ang AMBALA na ang pakikibaka para sa lupa ay hindi nagtatapos sa pagkakaroon ng titulo, kundi sa pagtataguyod ng karapatang manatili, magbungkal, at magkaroon ng tunay na kontrol sa lupang kanilang pinagyayaman. Sa harap ng patuloy na pandarahas, intimidasyon, harassment, at surveillance sa mga lider magsasaka, makatarungan lamang ang paglaban ng mga manggagawang-bukid at buong mamamayan ng Luisita.
Kaya, ngayong buwan ng mga Magbubukid, patuloy tayong maninindigan at makikibaka para sa tunay na reporma sa lupa kasama ang iba pang magbubukid mula sa iba't ibang panig ng bansa, kasabay ng ating paniningil sa pahirap at papet ng US na tambalang Marcos-Duterte. Sapagkat ang sama-samang laban para sa lupa ay sama-samang laban para sa pagkain, kabuhayan, at kinabukasan ng buong sambayanan.
MABUHAY ANG MGA MANGGAGAWANG BUKID AT MAMAMAYAN NG ASYENDA LUISITA!
MABUHAY ANG URING MAGBUBUKID!
TUNAY NA REPORMA SA LUPA, IPAGLABAN!