20/08/2026
MINAMAHAL NA MGA ESTUDYANTE AT MGA ANAK-AGUSTINO:
Sa Saint Augustine Academy, nais naming malaman ng bawat isa sa inyo na hindi lamang kayo mga mag-aaral na pumapasok sa aming paaralan. Kayo ay mga taong aming kinikilala, pinahahalagahan, at taos-pusong inaalagaan. Mahalaga sa amin ang inyong mga saya, pangamba, mga tanong, at maging ang mga pinagdaraanan ninyong hindi madaling sabihin sa iba. Kapag mabigat na ang inyong kalooban, hindi ninyo kailangang sarilinin ang lahat o harapin ang inyong mga suliranin nang mag-isa.
Kung may mga pagkakataong kayo ay nasasaktan, nalilito, natatakot, nagagalit, o nakararamdam na hindi ninyo alam ang susunod na gagawin, mangyaring lumapit sa isang taong inyong pinagkakatiwalaan. Makipag-usap sa inyong mga magulang, g**o, isang nakatatandang pinagkakatiwalaan, o sa amin, na inyong mga g**o at administrador ng paaralan. Hindi kayo huhusgahan dahil humingi kayo ng tulong. Pakikinggan namin kayo, seseryosohin ang inyong pinagdaraanan, at sasamahan kayo upang makahanap ng ligtas at maayos na paraan tungo sa pag-asa.
Hinihiling din namin sa bawat isa na matutong maging mapagmalasakit sa kapwa. Maging sensitibo tayo sa mga taong maaaring tahimik na nakikipaglaban sa kanilang sariling mga suliranin. Huwag nating ipagwalang-bahala ang sinumang humihingi ng tulong o nagpapakita ng senyales na siya ay nangangailangan ng kasama at pag-unawa.
Ang bawat buhay na ipinagkatiwala sa Saint Augustine Academy ay mahalaga at may dignidad. Mahalaga ka sa amin. May lugar ka sa aming pamilya. At sa oras na kailangan mo ng makikinig, may mga taong handang lumapit, umunawa, at samahan ka.
-ANG PAMUNUAN, MGA G**O, AT MGA KAWANI NG SAINT AUGUSTINE ACADEMY