28/10/2017
10:33 AM
"OBRA MAESTRA"
Tumulo ang aking laway sa papel na aking kinadudukdukan, naramdaman ko ito sa aking pisngi, isang malapot at napakalagkit na likido na maging ang ilang hibla ng aking buhok ay dumidikit dito.
Pinilit ko ang sariling mamulat mula sa aking pagod at antok na kahapon pa ay tinitiis ko na, ngunit hindi ko magawa, hindi ko kaya dahil ang bawat parte ng aking katawan pati ng kaluluwa ay sumisigaw ng pag-ayaw.
Subalit iniisip ko pa lamang na ang papel na aking pinaghirapan buong linggo na sanhi ng aking kapaguran ay nabahiran ng aking laway ay nagwawala na ang aking kaloob-looban. Natanaw ko ang katiting na parte ng aking kwarto na nakabaligtad sa aking paningin dahil sa aking pagkakahilig nang magawa kong maitaas ng kaunti ang aking talukap ng mga mata. Ngunit hindi ko ito napagtagumpayan, kusa itong sumasara, nais kong ituloy na lamang ang aking pagkakapikit subalit ang puso kong manunulat ay dumadaing, kumikirot dahil sa krimeng aking balak na gawin.
Kailangan ko itong pigilan, kailangan kong kontrolin ang aking sarili, kailangan kong makipag-laban hanggang sa katapusan ng mundo, ako’y hindi patatalo, gagamitin ko ang aking pluma kung kailangan na dumanak pa ang dugo.
Hindi ko hahayaang mawasak ang lahat ng papel na aking pinagdusahan nitong mga nakaraang araw dahil lamang sa aking nararanasang matinding antok, mamatay ako sa pagkakataong mangyayari iyon, mababaliw ako, at muli ay mamamatay ako.
Iyon ang tanging bumubuhay sa akin, ang tanging bagay sa mundo na nakapagbigay ng kasiyahan sa akin, sinulat ko ito nang mawalan ako ng pag-asa. Hindi ko makakaya kung malalawayan ko lamang ito.
Inialay ko rito ang bawat butil ng aking pawis, ang mga daliri kong ngayo’y puro na may kalyo, at ang bawat oras ng aking buhay na kaysa gamitin ko para matulog ay iginamit ko para mag-sulat nang mag-sulat. Inilaan ko rito ang lahat ng aking kaalaman, ang lahat ng mga kilala kong magaganda at malalalim na salita, at mga pangungusap na alam kong makakalabit ang puso ng makakabasa.
Narito ang aking mga ala-ala ng kalungkutan, kasiyahan, paghihinagpis at pagdurusa, ang ilang linggong inilaan ko rito ay nagkakahalaga ng taon, at ang iniupo ko sa aking kwarto ay iniupo ko sa iba’t-ibang panig ng mundo, isa itong kayamanan, isa itong kayamanan na galing sa akin, anak ko ito na iniluwal ko, na nanggaling sa aking sinapupunan. At poprotektahan ko ito mula sa aking lapastangan na tumutulong laway.
Muli ay natanaw ko ang aking kwarto nang mas malinaw at naaaninag, pinikit-pikit ko ang aking mga mata, at ilang beses na binalot ng dilim ang aking paningin, para maibalik ang sarili sa wisyo. Nang sa wakas ay lumipat sa aking papel ang aking tingin ay tila gusto ko ng tumalon sa may bintana, gusto kong magsisigaw at sirain ang lahat ng bagay na makikita, dahil ito ay nasira, ang aking obra maestra.
(c) Paula Joyce Salvador Ucol