05/08/2026
TAGUMPAY PARA SA EDUKASYON! Last Mile Schools Act ni Cong. Atorni Mike Tan, Isa nang Ganap na Batas
Ganap nang batas ang House Bill No. 4745 ni Cong. Atorni Mike Tan, na ngayon ay Republic Act No. 12321 o ang Last Mile Schools Act, matapos itong lagdaan noong Hulyo 22, 2026. Layunin ng batas na tiyakin na makararanas ng dekalidad na edukasyon ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan na matatagpuan sa geographically isolated, disadvantaged, at conflict-affected areas (GIDCA) sa pamamagitan ng pagtatatag ng Last Mile Schools at pagbibigay ng mga kalsadang magdurugtong sa mga ito.
Sa ilalim ng RA 12321, inaatasan ang Department of Education (DepEd), katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng DPWH, DICT, DOE, at NEA, na maghatid ng mga kinakailangang imprastruktura at pangunahing serbisyo sa mga Last Mile School. Kabilang dito ang pagtatayo ng access roads, elektripikasyon, internet connectivity, learning tools, learner support services, at iba pang programang tutugon sa natatanging pangangailangan ng mga g**o at mag-aaral sa mga liblib na lugar.
Inaatasan din ng batas na ito ang DepEd na magpatupad ng limang taong programa sa pagpapaunlad ng Last Mile Schools at regular na suriin ang pagkatuto ng mga mag-aaral. Sa pagsasabatas ng RA 12321, inaasahang mas maraming batang Pilipino, lalo na sa malalayong komunidad, ang magkakaroon ng mas ligtas, accessible, at dekalidad na edukasyon.