12/08/2026
𝐒𝐔𝐍𝐃𝐀𝐘 𝐑𝐄𝐅𝐋𝐄𝐂𝐓𝐈𝐎𝐍 | August 09, 2026
“Ang maganda sa pamilya ay ibalik ang pundasyon sa Panginoon.”
— Pastor Liza
Noong linggo, sa pamamagitan ng Genesis 37:1-4, 12-28, ipinagpatuloy natin ang ating pag aaral sa buhay ni Jacob o Israel. Sa kwentong ito, makikita natin kung paano naging bahagi ng kanilang pamilya ang inggit, selos, at hinanakit.
Dahil sa mga magagandang bagay na ginagawa ni Jacob para kay Jose at sa mga panaginip ni Jose tungkol sa kanyang mga kapatid, unti unting naipon ang selos at sama ng loob ng magkakapatid. Dahil dito, napagplanuhan nilang patayin, itapon, at kalaunan ay ibenta si Jose.
Ipinakita ng kwentong ito kung paano maaaring lumala ang mga problema kapag hindi bukas ang komunikasyon sa loob ng pamilya. Minsan, kahit hindi naman intensyon ng isang magulang na magkaroon ng paborito, maaaring magkaroon pa rin ng pakiramdam ng pagiging hindi pantay sa mga anak. Kapag hindi ito napag uusapan nang maayos, maaari itong mauwi sa selos, tampo, at hinanakit.
Kaya naman, mahalagang ibalik ng pamilya ang pundasyon nito sa Panginoon. Sa halip na hayaang lumalim ang sama ng loob, matuto tayong makinig, magsabi ng nararamdaman, at maging bukas sa isa’t isa. Sa kwento ni Jose, makikita rin natin na dapat tayong matuto sa karanasan ng iba upang hindi na maulit ang mga pagkakamaling nagdulot ng sakit sa pamilya.
Sa pagpapatuloy ng buhay ni Jose, makikita rin natin na sa kabila ng lahat ng hirap na kanyang pinagdaanan matapos siyang ibenta ng kanyang mga kapatid, patuloy siyang ginabayan ng Panginoon. Ayon kay Pastor Liza, “May mga bagay na ipinapahintulot ng Panginoon na maranasan natin.” Ang mga masasamang bagay na nangyari kay Jose ay naging bahagi ng mas malaking plano ng Diyos. Sa huli, si Jose pa ang naging daan upang mailigtas ang kanyang pamilya at maraming tao mula sa taggutom.
Kaugnay nito, binigyang diin din ni Pastor Liza na “All things work together for good.” Hindi man natin agad nauunawaan kung bakit may mga pagsubok na dumarating sa ating buhay, maaari pa rin itong gamitin ng Panginoon para sa isang mabuting layunin.
Hinahamon tayo ng mensaheng ito na matutong bitawan ang mga bagay na hindi nakakatulong sa atin tulad ng hinanakit, tampo, galit, at selos. Sa isang pamilyang nakasandig sa Diyos, hindi dapat manaig ang favoritism, kundi pagmamahalan, pagkakaunawaan, pagpapatawad, at pagkakaisa.
Sa huli, matuto tayong magtiwala sa Panginoon, lalo na sa mga panahong hindi natin nauunawaan ang mga nangyayari. Maaaring hindi natin makita agad ang kabutihan sa isang mahirap na sitwasyon, ngunit patuloy na kumikilos ang Diyos. Tulad ng nangyari sa buhay ni Jose, maaaring ang isang pagsubok na nararanasan ngayon ay maging bahagi ng isang mas malaking layunin ng Panginoon.