17/02/2026
Ngayong Pebrero, ang panahong nababalot ng mga rosas at tsokolate, tanungin natin ang ating mga sarili: Hanggang saan ba ang saklaw ng ating pag-ibig? Kung ito man ay maihahalintulad sa ilaw, bakit tila hanggang sa panandaliang pagliyab lamang ng kandila ang sinag nito, sa halip na maging isang tanglaw sa gitna ng kadilimang bumabalot sa lipunan?
Ika nga, ang pag-ibig ay nasa paligid. Ngunit sa kabila ng mga romantikong tipanan at liham, may mga pusong hindi nabibigyan ng pagkakataong magmahal nang malaya, mga pamilyang patuloy na nakikipagbuno sa kahirapan, at mga kabataang patuloy pa ring nangangarap sa ilalim ng sistemang hindi naaayon para sa kanila.
Kaya naman nitong buwan ng mga puso, lagi ikintal sa pusoโt isipan na ang pag-ibig ay hindi lamang puro kilig at romansaโito ay konsensiya, dahil ang pag-ibig ay pakikisangkot. Hindi ito tila bulaklak na nalalanta matapos ang isang linggo. Ito ay isang binhing itinatanim sa lupa ng pagbabago.
Kung tunay tayong nagmamahal, hindi dapat tayo nananatiling tahimik sa kabila ng mga manggagawang pinandadamutan ng nakabubuhay na sahod, mga magsasakang pinagkakaitan ng lupa at makatarungang presyo, at ang mga maralitang Pilipinong kumakalam ang sikmura dahil sa sistemang pinapaboran ang mga naghaharing-uri.
Huwag nating hayaang manormalisa na hindi nakukulong ang mga kurakot, na tanging sila-sila lamang ang nananatiling nakaupo sa kapangyarihan at ipinagpapaliban ng hustisya, sapagkat ang pag-ibig na walang pakikisangkot ay pribilehiyong may kayang magsawalang-kibo. Subalit, ang pag-ibig na may paninindigan ay pumipili ng pakikiisa.
Hindi sapat ang โmahal kitaโ kung hindi ito umaabot sa โkasama ninyo akoโ. Sa buwan ng mga puso, palawakin natin ang ating pag-ibigโmula sa iisang tao tungo sa mga uring manggagawa, magsasaka, at ang bawat maralitang Pilipinong patuloy na lumalaban. Kung tayo ay nagmamahal, makisangkot tayo. Kung tayo ay nagmamahal, kumilos tayo. Dahil ang tunay na pag-ibig, hindi lamang basta-bastang nararamdamanโito ay ipinaglalaban.๐ป