26/11/2025
OPISYAL NA PAHAYAG NG KILUSANG SAMAL ARBs PARA SA LUPA’T KABUHAYAN
KASAKA – Kilusang SAMAL ARBs para sa Lupa’t Kabuhayan
Hinggil sa Ilegal na Pagbebenta at Panunupil sa Karapatan ng mga Magsasaka sa Aming Lupang Agraryo sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte
Kami, ang KASAKA, Kilusang SAMAL ARBs para sa Lupa’t Kabuhayan, samahan ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at kasapi ng San Isidro Libertad - San Remegio CARP Beneficiaries Multi-Purpose Cooperative (SLS-CARBMCO), ay mariing naninindigan upang ilantad, tutulan, at labanan ang malawakang ilegal na pagbebenta, pagsasapribado, at sapilitang pagkamkam sa mga lupang ipinagkaloob sa amin sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), partikular ang mga lupang nakapaloob sa TCT No. C-14100.
Ang lupang matagal naming binungkal, pinagpaguran, at pormal na iginawad sa amin bilang mga benepisyaryo ay naging biktima ng sistematikong panlilinlang at pang-aabuso sa kapangyarihan. Sa loob ng ilang taon, ang aming Collective Certificate of Land Ownership Award ay palihim na isinailalim sa ilegal na subdibisyon at bentahan, na siyang nagmistulang pribadong lupa lamang at hindi lupang nakalaan para sa kapakanan ng mga magsasaka.
Mas lalo pang nagpalala ng aming kalagayan ang kabiguan ng Department of Agrarian Reform (DAR) Region XI na gampanan ang ipinangakong tungkulin nitong protektahan ang mga magsasaka. Sa halip na imbestigahan at huwag pahintulutan ang maliwanag na ebidensya ng land grabbing, sila pa ang naglabas ng mga clearance at nagbigay-daan sa mga transaksiyong hayagang lumalabag sa batas at sa mismong layunin ng CARP.
At higit sa lahat, ang mga transaksiyong ito ay isinagawa sa pangunguna ni Barangay Captain Helen S. Perez ng Barangay Libertad, IGACOS, na ginamit ang mga huwad at pekeng dokyumento, kabilang ang pekeng Special Power of Attorney (SPA), upang mapasakamay niya ang kontrol sa aming lupa at pagkakitaan ito.
Sa harap ng daan-daang nakabinbin na agrarian cases na hindi pa nareresolba hanggang ngayon, ang ganitong kapabayaan at pakikipagsabwatan ay malinaw na pagkakanulo sa mga magsasakang kanilang dapat pinangangalagaan.
LUPANG SAKAHAN, DEPENSAHAN! PANAGUTIN ANG MGA PANGAABUSO'T PAGSASAMANTALA!
Sa harap ng lantaran at malawakan na pagyurak sa aming karapatan, kami sa KASAKA ay nagkakaisa at mariing naninindigan:
Mariin naming kinokondena ang ilegal na pagbi-benta at pang aagaw, sa lupang nakalaan para sa amin bilang mga magsasaka at manggagawang bukid, mga kamay na nagtitiyak ng pagkain at kabuhayan ng sambayanan. Hindi kami mananahimik habang pinipinsala at tinatapak-tapakan ng iilang mga kawani ng pamahalaan, pribadong interes at kanilang mga kasapakat ang aming karapatan at kabuhayan. Hindi kami uurong sa laban upang maibalik ang aming karapatan sa lupa na siyang ng matagal nang ipinagkakait sa amin!
Kami ay nananawagan sa Kongreso, Senado, at sa mga alagad ng midya na kami ay tulungan, at proteksyonan upang iligtas ang CARP lands sa IGACOS mula sa tuluyang pangangamkam at komersiyalisasyon: a) Magsagawa ng malalim, komprehensibo, at konkretong imbestigasyon hinggil sa mga kaso ng pandaraya, illegal fencing, at sapilitang dispossession ng mga lupang agraryo sa Island Garden City of Samal. b) Panagutin at ikulong ang lahat ng opisyal ng pamahalaan, kooperatiba, at mga pribadong indibidwal na sangkot, may kinalaman, nagpabaya, at nakinabang sa ilegal na pagbebenta at pagkamkam ng CARP-awarded lands. c) Pagtibayin at agarang ipanukala ng mga sumusunod na reporma: Palakasin ang mga adiya sa ilalim ng Section 27 ng R.A. 6657 upang hindi na maulit ang ganitong uri ng pandarambong. Agarang repasuhin ang R.A. 9520 upang hayagang ipagbawal at parusahan ang anumang pagtatangkang ipagbenta o ipasok sa ilegal na transaksyon ang CARP-awarded lands sa pamamagitan ng mga kooperatiba, at ilatag ang mas mahigpit na mekanismo ng pangangasiwa upang tiyakin na ang lupang agraryo ay mananatili sa kamay ng mga manggagawang bukid at magsasaka, na silang mga tunay na pinaglalaanan ng reporma sa lupa.
Ang lupa ay aming buhay, at kinabukasan. Ito ay hindi kalakal, at hinding-hindi pag-aari ng iilang makapangyarihan na siyang patuloy na nagkakamal ng yaman mula sa pagdurusa ng mga manggagawang bukid at magsasaka.
Kami ay maninindigan. Kami ay lalaban. Kami ay KASAKA.
Nagbubuklod, nagkakaisa, at lumalaban para sa lupa, pagkain, at hustisya.
Tutulan ang pangangamkam at pandarambong sa lupa, kabuhayan, at kalikasan.
LUPA PARA SA MAGSASAKA, IPAGLABAN!
# # #