13/02/2024
๐๐๐ค๐๐ฅ ๐ง๐ ๐๐๐ ๐ข๐ง๐ก๐๐ฐ๐๐๐ง
Sa bawat apak sa lansangan, sa pagbili ng kakailanganin sa malapit na tindahan, at maging sa pagpunta sa mga pampublikong lugar, hindi maiwasang mapansin ang naglilipanang plastik sa paligid. Sa Pilipinas, ang problemang patungkol sa plastik ay madalas na naipapakita sa pamamagitan ng patuloy na paggamit ng single-use plastics, partikular na sa anyo ng maliliit na plastik na pakete o sachet. Bagamat itoโy praktikal dahil sa abot-kayang halaga, hindi maikakaila ang masama at pangmatagalang epekto nito sa ating kalusugan at kalikasan. Oras na para tuluyang itigil ang paggamit ng single-use plastic at tumahak sa mas ligtas na landas, na siyang makatutulong upang mapanatili ang maayos na estado ng ating katawan at kapaligiran.
Ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansa mula sa Timog-Silangang Asya na binansagang โSachet Economyโ, bunsod ng hindi matapos-tapos na paggamit nito. Batay sa isinagawang pagsusuri ng The World Bank, tinatayang umaabot sa halos 163 milyong pirasong sachet ang kinokonsumo ng mga Pilipino sa pang araw-araw. Ang libo-libong toneladang basura na ito ay kadalasang napupunta at nakatambak sa mga bangketa, kanal, o ilog, na nagiging sanhi sa pagbaha sa tuwing mayroong malakas na pag-ulan. Ito rin ay nakasisira sa mga lupaing agraryo at mga pangisdaan, na siyang pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming Pilipino.
Bukod pa rito, ayon sa isang pag-aaral ng Ocean Conservancy noong 2017, ang Pilipinas ay nasa ikatlong pwesto sa buong mundo pagdating sa maling pamamahala ng plastik na basura, kung saan malaking porsyento nito ay nauuwi sa sachet. Bunga nito, maaaring mapinsala ang kalusugan ng mga hayop na namumuhay sa dagat sa pamamagitan ng pagkain o pagkakapulupot ng nasabing plastik sa kanilang katawan. Maaari rin itong magresulta sa pagkamatay ng mga coral reef, na siyang nagbibigay ng tirahan at pagkain sa ibaโt ibang uri ng marine life.
Sa huli, ang responsibilidad ay hindi lamang nakasalalay sa mga mamimili at maliliit na negosyo, kung hindi pati na rin sa malalaking korporasyon at policy makers. Ang mga kumpanya na may malawak na saklaw at maraming konsumer ay dapat lumipat tungo sa mas sustainable na packaging, kung saan maaari itong gamitin na higit sa isang beses ngunit hindi rin masakit sa bulsa ng bibili. Sa kabilang dako, ang mga mamimili ay nararapat na magkaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa isyung ito upang silaโy makaisip ng ibang alternatibo bilang pamalit sa plastik, partikular na sa sachet. Sa pamamagitan ng edukasyon at pagbibigay ng alternatibong solusyon, kung hindi man natin tuluyang matigil, ay maaari nating mabawasan ang pagkalat ng plastik sa kapaligiran. Ito ay hindi lamang kapaki-pakinabang para sa atin, kung hindi pati na rin sa mga susunod na henerasyon.