17/08/2026
OPISYAL NA PAHAYAG l TAGUIG CITY POLICE STATION
Pinabulaanan ng Taguig City Police Station ang kumakalat na post na nagsasabing umabot ng 30 minuto bago nakapagresponde ang mga pulis sa naganap na shooting incident sa Brgy. Sta. Ana, Taguig City.
Sa katunayan, agad na rumesponde ang mga police patroller na malapit sa pinangyarihan at iniulat ang insidente sa Tactical Operation Center. Agad namang isinagawa ang dragnet operation at ipinatupad ang kaukulang alarm protocols upang mapabilis ang pagtugis at pagkakaaresto sa tumakas na suspek.
Nililinaw din na walang estudyanteng nadaplisan o nadamay sa insidente. Isang 40-anyos na lalaki ang nasawi, habang isang 21-anyos na lalaki ang patuloy na ginagamot sa ospital.
Hinihikayat ang publiko na huwag magpakalat o magbahagi ng mga hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng pangamba at makaantala o makapagkompromiso sa isinasagawang imbestigasyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng Taguig City Police Station upang matukoy ang kinaroroonan ng suspek at matiyak na siya ay mapanagot sa batas.