11/10/2026
𝗢𝗣𝗜𝗦𝗬𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗛𝗔𝗬𝗔𝗚 𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗛𝗔𝗚𝗛𝗔𝗥𝗜 𝗨𝗣 𝗧𝗔𝗖𝗟𝗢𝗕𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗜𝗞𝗔-𝟭𝟮 𝗡𝗔 𝗔𝗡𝗜𝗕𝗘𝗥𝗦𝗔𝗥𝗬𝗢 𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗚𝗞𝗔𝗠𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗡𝗜 𝗝𝗘𝗡𝗡𝗜𝗙𝗘𝗥 𝗟𝗔𝗨𝗗𝗘
Trigger Warning: Mention of Killings, Transfemicide, and Violence.
Noong Oktubre 11, 2014, pinaslang si Jennifer Laude, isang Pilipinang transwoman, sa kamay ng US Marine na si Joseph Scott Pemberton. Labindalawang taon na ang lumipas ngunit nananatiling lantad pa rin ang kawalang-katarungang nakaugat sa impunidad ng mga puwersang dayuhan at sa sistemang patuloy na naglalagay sa mga transgender sa panganib. Ang pagpaslang kay Jennifer ay hindi maihihiwalay sa patriyarkal na pang-aapi at imperyalismong US, na patuloy na humahadlang sa pagkamit ng ganap na hustisya para sa mga biktima ng karahasang nakabatay sa kasarian.
Batay sa ulat ng The Society of Trans Woman in the Philippines (STRAP) kabilang sa mga naitalang kaso ng transfemicide ay kinabibilangan nina: Kai Sorem (26) na kasama sa namatay sa Toboso 19; Bella Lutap (20) na natagpuang patay sa kanal ng Zaragoza, Nueva Ecija; Teddy Federico (32) na isang Barangay cultural worker at IP (Indigenous People) youth worker na nawala ng walong araw at namatay sa Barangay Del Monte, Veruela; Jang Macawili (17) na pinatay ng madaling araw noong August 10 2026 matapos nakaranas ng pag-atake sa loob ng internet cafe sa Cebu; Teacher Dan Barba (37) pinatay noong August 24, 2025; Kierra Apostol (18) pinatay noong June 23, 2025; Shalani Dolina (37) pinatay noong February 21, 2025; at iba pang undocumented na mga kaso lalo na sa kawalan ng sapat na boses at representasyon.
Ang mga ulat na ito ay hindi lamang basta-bastang numero kundi mga buhay na marahas na pinutol ng transmisoginiya, transphobia, at sistemang patuloy na nagkakait sa mga transgender ng kanilang batayang karapatan. Sa ilalim ng patriyarkal na lipunan, patuloy na itinutulak sa laylayan ang mga transgender, inilalantad sa diskriminasyon at karahasan, at pinagkakaitan ng sapat na akses sa serbisyong pangkalusugan, seguridad, at pagkilala sa kanilang pagkatao. Lalong pinalalala ang ganitong kalagayan ng kawalan ng komprehensibong proteksiyong legal laban sa diskriminasyong nakabatay sa S*xual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, and S*x Characteristics (SOGIESC), habang ilang dekada nang ipinaglalaban ang pagpasa ng SOGIESC Equality Bill.
Bukod pa rito, habang nanatalili ang mga US-military bases at mga kasunduang kagaya ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa bansa—ang mismong estado ay nananatiling tuta at hindi tunay na magiging malaya ang lipunan sa pagkamit ng hustisya para sa pagkamatay ni Jennifer Laude. Ginagamit itong propaganda sa pagpapalawak ng kapangyarihan ng mga dayuhan upang mas mapagsamantalaan ang mga Pilipino sa iba’t ibang hugis ng karanasan, partikular sa karahasang nararanasan ng mga transgender. Hindi maituturing na ganap na malaya ang bansang patuloy na na nakagapos sa dayuhang kapangyarihan, gayundin ang isang lipunang ipinagkakait sa mga transgender ang kanilang karapatang mabuhay nang ligtas, malaya, at may dignidad.
Ang pagpaslang kay Jennifer Laude at ang patuloy na transfemicide sa bansa ay hindi maihihiwalay sa patriyarkal na pang-aapi, transmisogyny, at imperyalismong US. Ang mga transgender, lalo na ang mga transwoman, ay patuloy na hinaharap ang karahasang nag-uugat sa sistemang tumatanggi sa kanilang identidad, dumudusta sa kanilang pagkatao, at nagkakait sa kanila ng karapatan sa kaligtasan at hustisya.
Kung kaya, naniniwala ang buong hanay ng sangkabaklaan na kailanma’y dapat hindi pinapatay ang mga transgender dahil sa kung sino sila. Hindi dapat maging kapalit ng kanilang identidad ang kanilang buhay, at hindi dapat maging normalidad ang karahasang patuloy na kumikitil sa kanilang hanay. Dahil ang bawat transgender at gender-diverse person na pinapaslang ay patunay ng isang lipunang patuloy na nagpapa-iral sa transphobia at patriyarkal na pang-aapi. Kaya ang paglaban sa transfemicide ay hindi lamang panawagan para sa hustisya sa mga pinaslang, kundi pagtutol sa sistemang patuloy na naglalagay sa buhay ng mga transgender sa panganib. Karapatan ng mga transgender ang mabuhay. Hindi sila dapat pinapatay. At hindi dapat manahimik ang lipunan habang patuloy silang pinapatay dahil kailanma’y hindi magiging malaya ang ari, kung hindi malaya ang uri.
𝙃𝙪𝙨𝙩𝙞𝙨𝙮𝙖 𝙥𝙖𝙧𝙖 𝙠𝙖𝙮 𝙅𝙚𝙣𝙣𝙞𝙛𝙚𝙧 𝙇𝙖𝙪𝙙𝙚! 𝙃𝙪𝙨𝙩𝙞𝙨𝙮𝙖 𝙥𝙖𝙧𝙖 𝙨𝙖 𝙡𝙖𝙝𝙖𝙩 𝙣𝙜 𝙗𝙞𝙠𝙩𝙞𝙢𝙖 𝙣𝙜 𝙩𝙧𝙖𝙣𝙨𝙛𝙚𝙢𝙞𝙘𝙞𝙙𝙚! 𝙄𝙥𝙖𝙜𝙡𝙖𝙗𝙖𝙣 𝙖𝙣𝙜 𝙠𝙖𝙧𝙖𝙥𝙖𝙩𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙢𝙜𝙖 𝙩𝙧𝙖𝙣𝙨𝙜𝙚𝙣𝙙𝙚𝙧 𝙣𝙖 𝙢𝙖𝙗𝙪𝙝𝙖𝙮 𝙣𝙖𝙣𝙜 𝙢𝙖𝙡𝙖𝙮𝙖 𝙖𝙩 𝙡𝙞𝙜𝙩𝙖𝙨! 𝙄𝙗𝙖𝙜𝙨𝙖𝙠 𝙖𝙣𝙜 𝙞𝙢𝙥𝙚𝙧𝙮𝙖𝙡𝙞𝙨𝙢𝙤 𝙖𝙩 𝙥𝙖𝙩𝙧𝙞𝙮𝙖𝙧𝙠𝙖𝙡 𝙣𝙖 𝙥𝙖𝙣𝙜-𝙖𝙖𝙥𝙞!