22/03/2026
Rotaract Club of Kalinga Nakilahok sa RYLA 2026.
Dumalo ang mga kinatawan ng Rotaract Club of Kalinga sa ginanap na Rotary Youth Leadership Awards (RYLA) 2026, isang dalawang araw na programa para sa pagpapaunlad ng liderato at pagkakaisa ng kabataan, na isinagawa noong Marso 7–8, 2026 sa Triple E Agri Venture Farm and Resort sa Gapan, Nueva Ecija.
Pinangunahan ng Rotary Club of Marilao Circle sa ilalim ng Rotary District 3770, ang aktibidad ay may temang “Empowering Youth Leaders to Serve with Purpose.” Dinaluhan ito ng iba’t ibang youth leaders mula sa iba’t ibang bahagi ng distrito, kabilang ang delegasyon mula sa Rotaract Club of Kalinga na aktibong nakilahok sa mga talakayan at gawain.
Tampok sa programa ang serye ng mga leadership sessions, team-building activities, at fellowship na naglalayong patatagin ang kakayahan ng mga kabataan bilang mga lider sa kanilang komunidad. Isa sa mga pinakatampok na bahagi ng programa ang keynote address ni Atty. Chel Jokno, na nagbigay-inspirasyon sa mga kalahok na yakapin ang makabuluhang pamumuno at aktibong makibahagi sa nation-building.
Naging makabuluhan rin ang mga diskusyon ukol sa kahalagahan ng “service above self,” pagpapalakas ng youth leadership, at pagpapalalim ng ugnayan at kolaborasyon ng mga Rotaractors sa loob ng distrito.
Sa kabuuan, muling pinagtibay ng RYLA 2026 ang dedikasyon ng Rotary na linangin ang susunod na henerasyon ng mga lider, mga kabataang handang maglingkod at magdulot ng positibong pagbabago sa kanilang mga komunidad.