28/08/2026
𝗜𝗣𝗔𝗚𝗟𝗔𝗕𝗔𝗡 𝗔𝗡𝗚 𝗗𝗘𝗠𝗢𝗞𝗥𝗔𝗧𝗜𝗞𝗢𝗡𝗚 𝗘𝗦𝗣𝗔𝗦𝗬𝗢 𝗔𝗧 𝗞𝗔𝗥𝗔𝗣𝗔𝗧𝗔𝗡! 𝗜𝗧𝗜𝗚𝗜𝗟 𝗔𝗡𝗚 𝗥𝗘𝗗𝗧𝗔𝗚𝗚𝗜𝗡𝗚 𝗔𝗧 𝗣𝗔𝗡𝗔𝗡𝗔𝗞𝗢𝗧!
𝘗𝘢𝘩𝘢𝘺𝘢𝘨 𝘯𝘨 𝘑𝘶𝘴𝘵𝘪𝘤𝘦 𝘢𝘯𝘥 𝘗𝘦𝘢𝘤𝘦 𝘈𝘥𝘷𝘰𝘤𝘢𝘵𝘦𝘴 𝘰𝘧 𝘒𝘢𝘭𝘪𝘯𝘨𝘢 𝘬𝘢𝘶𝘨𝘯𝘢𝘺 𝘴𝘢 𝘯𝘢𝘨𝘱𝘢𝘱𝘢𝘵𝘶𝘭𝘰𝘺 𝘯𝘢 𝘳𝘦𝘥𝘵𝘢𝘨𝘨𝘪𝘯𝘨 𝘢𝘵 𝘩𝘢𝘳𝘢𝘴𝘴𝘮𝘦𝘯𝘵 𝘬𝘢𝘺 𝘒𝘢𝘣𝘢𝘵𝘢𝘢𝘯 𝘗𝘢𝘳𝘵𝘺𝘭𝘪𝘴𝘵 𝘙𝘦𝘱. 𝘙𝘦𝘯𝘦𝘦 𝘊𝘰
Mariing kinokondena ng Justice and Peace Advocates of Kalinga (JPAK) ang malawakang redtagging at harassment kay KABATAAN PARTYLIST Representative Renee Co matapos na isagawa ng kanyang opisina ang isang konsultasyon sa Kalinga State University (KSU) noong Agosto 14, 2026.
Si Rep. Co, na isang lehitimong halal na kongresista, ay mayroong karapatan at tungkulin na magsagawa ng konsultasyon sa mga kabataan at estudyante bilang lehitimong programa ng kanyang opisina. Ang ginawang panghihimasok ng mga myembro ng AFP at PNP sa konsultasyon ay malinaw na pagpapakita nila ng intensyon na manakot, mang-intimida, at tapakan ang demokratikong espasyo sa paaralan na para sana sa mga kabataan at estudyante na kasalukuyang humaharap sa mga epekto ng krisis sa edukasyon lalo na sa mga pampublikong unibersidad tulad ng KSU.
ANG MGA PAARALAN BILANG PEACE ZONES
Naninindigan ang JPAK na dapat itaguyod at ipaglaban ang karakter ng mga paaralan at unibersidad bilang mga "peace zones". Maging ang mga internasyunal na institusyon at organisasyon, tulad ng United Nations (UN), ay mahigpit na iginigiit ang pagtatanging ito sa mga paaralan.
Naniniwala ang JPAK na ang naging presensya ng AFP at PNP sa KSU sa mismong araw ng konsultasyon ni Rep. Co sa mga estudyante ay lantarang paglabag sa prinsipyo ng pagiging "peace zone" ng mga paaralan. Nilabag ng AFP at PNP ang mga internasyunal na batas at kasunduan na pumoporotekta sa mga kabataan at estudyante laban sa anumang uri ng psychological harm, pananakot, at exposure sa mga instrumento ng digma. Dagdag pa, ang kanilang presensya ay nagdulot ng tensyon at takot sa mga estudyante at limitasyon sa kanilang malayang pagpapahayag at paglahok sa isang lehitimong aktibidad ng isang halal na opisyal ng bansa.
BANTA SA DEMOKRASYA ANG DISIMPORMASYON AT REDTAGGING
Mariin din na kinondena ng JPAK ang maling impormasyon na ipinakalat ng 5th Infantry Division sa kanilang social media. Ipinahayag nila ang umano’y “kolaborasyon” sa pagitan ng AFP at ni Rep. Co - na hindi nangyari. Ang totoo, humingi lamang sila ng litrato kasama ang kongresista. Matapos umalma ang mga kabataan sa social media, kabilang si Rep. Co, pinalitan ng 5th ID ang kanilang naratibo sa kanilang mga sumunod na pahayag, patunay na hindi totoo ang kanilang naunang pahayag.
Hindi na bago ang pagpapakalat ng maling impormasyon ng mga ahente ng estado tulad ng AFP. Walang ibang nakikitang layunin ang JPAK sa ginawang ito ng AFP kundi linlangin at baluktutin ang katotohanan na tinangka nilang pigilan ang isang lehitimo at makabuluhang programa ng isang opisyal ng gobyerno sa KSU.
Imbes na humingi ng paumanhin, dinagdagan pa ng AFP ang kanilang kasalanan sa pamamagitan ng pagpapakalat ng redtagging at paninira sa Kabataan Partylist.
Patuloy na naninindigan ang JPAK na mapanganib ang redtagging sa buhay at kalayaan ng mamamayan. Mismong ang Korte Suprema at Komisyon sa Karapatang Pantao na ang nagsabi na ang redtagging ay mapanganib dahil nilalabag nito ang mga pundamental na karapatan ng mga indibidwal at ito ay nagbubunga ng mas malala pang paglabag tulad ng iligal na pag-aresto, pag-dukot, at pag-paslang.
IPAGLABAN ANG DEMOKRATIKONG ESPASYO SA KALINGA, ITIGIL ANG REDTAGGING!
Nananawagan ang JPAK sa mamamayan na ipaglaban ang demokratikong espasyo at labanan ang malaganap na disimpormasyon at redtagging sa probinsya ng Kalinga. Lubhang mapanganib kung pahihintulutan at palalampasin lamang ang ganitong mga aksyon ng AFP at PNP.
Nananawagan din ang JPAK sa mga lokal na pamahalaan ng Tabuk City at probinsya ng Kalinga na mag-pasa na ng batas para sa pagtataguyod at proteksyon ng karapatang pantao, kabilang dito ang pag-pasa ng Human Rights Defenders Ordinance na kumikilala sa redtagging at political vilification bilang paglabag sa demokrasya at karapatang pantao. Dapat din na suportahan at ipasa ang lahat ng probisyon ng Kalinga Human Rights Action Center (KHRAC) upang maging epektibong instrumento ng mamamayan ng Kalinga sa pagtatanggol sa karapatang pantao at pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng paglabag sa kanilang karapatan.
Nananawagan din ang JPAK kay Congresswoman Carol Agyao na kondenahin ang redtagging, pagbabanta, intimidasyon, at harassment na ginawa kay Rep. Renee Co. bilang bahagi ng Kongreso at representante ng probinsya ng Kalinga.
Ang pananahimik sa harap ng ganitong pang-aabuso ay pagsang-ayon sa kultura ng karahasan, panunupul, at impunidad. Hindi ito dapat na hayaang lumaganap at dapat kagyat na tutulan at labanan.
Sa panghuli, naninindigan ang JPAK na mahalagang ipaglaban ang mga demokratikong espasyo sa Kalinga. Ang disimpormasyon, redtagging, pananakot, at pagpigil sa malayang pagpapahayag ay magbubunga laman ng ibayo pang pangabin sa probinsya. Ang bulag na pagsunod at pananahimik ay magbibigay-daan laman sa malayang pagpasok ng mga proyektong wawasak sa probinsya, pagpapatuloy ng pagnanakaw sa kaban ng bayan, at pagkakait sa ating mga karapatan. Ang unang hakbang upang tutulan ang mga ito ay ang pagtataguyod at pag-protekta sa mga batayang karapatan nating mamamayan.