12/06/2026
JUST IN | Araw ng Kalayaan : Ito'y hindi pamana, Isa itong Pananagutan.
Sa bawat pagdating ng ika-12 ng Hunyo, muling binubuhay ng sambayanang Pilipino ang alaala ng tagumpay laban sa kolonyalismo. Ipinagdiriwang natin ang Araw ng Kalayaan na tila isang pamana mula sa ating mga ninuno—isang karapatang basta na lamang naipasa sa kasalukuyang henerasyon.
Ngunit isang katotohanan ang hindi dapat malimutan: ang kalayaan ay hindi pamana. Ito ay pananagutan.
Hindi isinilang ang Pilipinas na malaya. Ang kalayaang tinatamasa natin ngayon ay bunga ng mga sigaw ng rebolusyon, ng mga pangarap na isinugal ng mga bayani, at ng mga buhay na kusang inialay para sa bayan. Kaya naman ang kalayaan ay hindi simpleng pribilehiyo na maaari nating balewalain; ito ay isang tungkuling dapat nating pangalagaan.
Sa kasalukuyang panahon, hindi na mga dayuhan ang pinakamalaking banta sa ating kalayaan. Ang tunay na panganib ay ang paglimot sa kasaysayan, ang pagtalikod sa katotohanan, at ang pagiging manhid sa mga isyung humuhubog sa kinabukasan ng bansa.
Nakalulungkot isipin na habang ipinagmamalaki natin ang pagiging malaya, marami pa rin ang nakakulong sa kawalang pakialam. Marami ang pinipiling manahimik sa halip na makialam, at mas pinahahalagahan ang pansariling kapakanan kaysa sa kabutihang panlahat.
Ngunit ang kalayaan ay hindi kailanman para sa iilan lamang. Ang tunay na diwa nito ay nakasalalay sa pagkakaroon ng mga mamamayang may malasakit, may paninindigan, at handang gampanan ang kanilang tungkulin para sa bayan.
🖋️ - Ejay A. Yongco
🖼️ - Francis Kian De Leon