12/06/2026
KALAYAAN MULA SA KASINUNGALINGAN ๐ต๐ญ
Pahayag ng Liberal Party ng Pilipinas sa Araw ng Kalayaan
12 Hunyo 2026
Mahigit isang siglo na ang nakalipas mula nang ideklara ng mga Pilipino ang kanilang kalayaan mula sa dayuhang paghahari. Gayunpaman, ang bawat henerasyon ay may sarili nitong anyo ng pagkakagapos na kailangang harapin.
Sa ating panahon, hindi tanikala at kanyon ang pinakamalaking banta sa kalayaan. Mas tahimik ito.
Dumarating ito sa anyo ng kasinungalingang inuulit hanggang magmukhang katotohanan. Ng propagandang ginagawang magkakalaban ang kapwa Pilipino. Ng katiwaliang tinatanggap na lamang bilang normal. Ng pag-abuso sa kapangyarihang ipinagkikibit-balikat hangga't hindi tayo ang direktang naaapektuhan.
Unti-unti nitong ninanakaw ang kakayahan nating magtiwala sa isa't isa. Pinapaliit nito ang ating mga inaasahan sa pamahalaan, sa lipunan, at sa ating sarili. Sa halip na maghangad ng mas mabuting bansa, marami ang natutong makuntento sa mas mababa pa sa bare minimum na transparency, pananagutan, at pagmamalasakit.
Ito ang pagkakabilanggong kailangang lampasan ng ating panahon.
Sapagkat ang isang mamamayang hindi makilala ang katotohanan mula sa kasinungalingan ay madaling malinlang. Ang isang lipunang nawawalan ng malasakit sa pagdurusa ng iba ay madaling mahati. At ang isang bayang nasasanay sa paghahari-harian ay unti-unting nawawalan ng kakayahang ipagtanggol ang sarili nitong kalayaan.
Hindi ganito nakilala ang Pilipino sa kasaysayan.
Tayo ang bayang tumindig laban sa kolonyalismo. Tayo ang bayang nagpatalsik sa diktadura. Tayo ang bayang paulit-ulit na nagpapatunay na may lakas na higit sa pera, propaganda, at pananakot: ang lakas ng mamamayang mulat, nagkakaisa, at may paninindigan.
Kaya ngayong Araw ng Kalayaan, marahil ang pinakamahalagang tanong ay hindi kung malaya ba ang ating bansa.
Ang tanong ay kung malaya ba ang ating isip mula sa kasinungalingan.
Kung malaya ba ang ating budhi mula sa pagwawalang-bahala.
Kung malaya ba ang ating politika mula sa pagtingin sa kapwa Pilipino bilang kalaban sa halip na kababayan.
Sa ating pambansang awit, ipinangako natin na tayo ay โhindi pasisiil.โ
Ang pangakong iyon ay hindi lamang tungkol sa pagtindig laban sa mga manlulupig. Tungkol din ito sa pagtanggi sa anumang nagpapaliit sa ating pagkatao bilang isang bayan: kasinungalingan, katiwalian, takot, at pagkamanhid sa pagdurusa ng iba.
Ang kalayaan ay hindi lamang isang pamanang tinanggap natin mula sa ating mga ninuno.
Isa itong gawaing kailangang ipagpatuloy.
At ang susunod na yugto ng gawaing iyon ay nagsisimula sa pagpapalaya sa ating mga sarili.