20/07/2026
Bukas na Liham ng Bayay Sibuyanon Inc. sa mga Kagalang-galang na Miyembro ng Sangguniang Bayan ng San Fernando
Mga Kagalang-galang na Miyembro ng Sangguniang Bayan,
Una sa lahat, taos-puso kaming nagpapasalamat sa pagbibigay ninyo sa amin ng pagkakataong maipahayag ang aming panig sa Committee of the Whole Hearing noong Hulyo 6, 2026. Ang pagbubukas ng espasyo para sa ibaāt ibang pananaw ay mahalagang bahagi ng isang demokratiko at responsableng pamamahala, lalo na sa mga usaping may pangmatagalang epekto sa ating bayan at sa mga susunod na henerasyon.
Sa hearing na iyon, nakapagsumite kami ng kabuuang 157 pahina ng Position Paper bilang ambag sa deliberasyon ng Sangguniang Bayan. Napag-alaman din namin na noong Hulyo 8 ay nakapagsumite ang mining company ng isang 10-pahinang Position Paper. Umaasa kami na ang lahat ng mga isinumiteng posisyon ay nabigyan ng sapat na panahon upang mabasa, mapag-aralan, mapagdebatehan, at mapagnilayan bilang bahagi ng inyong deliberasyon bago ginawa ang naging desisyon.
Magalang din naming hinihiling na ang pagsusuri ay huwag lamang nakatuon sa humigit-kumulang 42 ektaryang saklaw ng kasalukuyang hinihinging endorsement. Ang bahaging ito ay hindi hiwalay sa mas malawak na ecosystem ng Sibuyan Islandāsa mga watershed, kagubatan, ilog, biodiversity, mga pamayanan, at maging sa kabuuang lugar na saklaw ng umiiral na Mineral Production Sharing Agreement (MPSA). Ang anumang pagpapasya sa isang bahagi ng lupain ay maaaring magkaroon ng implikasyon sa mas malawak na sistemang ekolohikal na bumubuhay sa ating mga mamamayan.
Naniniwala rin kami na kinakailangang maging malinaw muna ang mga scientific at legal na batayan, gayundin ang saklaw at limitasyon ng mismong hinihinging endorsement. Ang mga tanong na ito ay nararapat masagot nang malinaw upang matiyak na ang anumang pasya ay nakabatay sa batas, sa pinakamahusay na magagamit na siyentipikong impormasyon, at sa tunay na kapakanan ng mamamayan.
Kasabay nito, nananawagan kami ng mas malawak, bukas, at makabuluhang public consultation na may tunay na pakikilahok ng mga barangay, mangingisda, magsasaka, kababaihan, kabataan, mga sektor ng negosyo, simbahan, academe, at iba pang stakeholder. Ang isang desisyong may ganitong kalaking epekto sa kinabukasan ng San Fernando at ng Sibuyan ay nararapat lamang na samahan ng pinakamataas na antas ng transparency at makabuluhang partisipasyon ng publiko.
Nauunawaan namin na noong Hulyo 17, 2026 ay nagpasya ang Sangguniang Bayan na magbigay ng endorsement. Gayunman, naniniwala kami na ang naging pasyang iyon ay maaari pa ring muling suriin sa liwanag ng mga legal, siyentipiko, at teknikal na usaping nananatiling mahalagang linawin. Ang muling pagtingin sa isang naunang pasya ay hindi tanda ng kahinaan, kundi ng responsableng pamumuno at paggalang sa due diligence, transparency, at sa kapakanan ng mamamayan. Ang isang pasyang may malalim at pangmatagalang epekto sa kalikasan at kinabukasan ng San Fernando ay nararapat lamang na masuri nang lubos at may bukas na pag-iisip.
Naniniwala kami na ang bawat isa sa inyo ay nanumpang unahin ang kapakanan ng mamamayan ng San Fernando. Naniniwala rin kami na nananatili ang kabutihan, malasakit, at pagmamahal ninyo sa ating bayan. Ang paglilingkod ay hindi lamang nasusukat sa isang naging boto, kundi sa patuloy na kahandaang makinig, magsuri, at muling pag-isipan ang isang pasya kung hinihingi ito ng katotohanan, ng batas, at ng kabutihang panlahat.
Hindi pa huli ang lahat. May panahon pa upang muling pag-aralan at, kung kinakailangan, muling isaalang-alang ang endorsement na ipinasa noong Hulyo 17. Ang isang endorsement ng Sangguniang Bayan ay bahagi lamang ng mas malawak na proseso at hindi nag-aalis sa pananagutan ng lahat ng sangkot na tiyaking ang bawat hakbang ay naaayon sa batas, sa pinakamahusay na magagamit na siyensya, at sa pangmatagalang kapakanan ng mamamayan.
Ang inyong magiging pasya ay hindi lamang maaalala ng kasalukuyang henerasyon. Ito rin ang magiging bahagi ng kasaysayan ng San Fernando at ng buong Sibuyan Island. Darating ang panahon na tatanungin tayo ng ating mga anak at apo kung ano ang ating ginawa nang dumating ang pagkakataong pumili sa pagitan ng pansamantalang pakinabang at pangmatagalang pangangalaga sa ating bayan. Nawaāy piliin natin ang landas ng katotohanan, pananagutan, at malasakit sa ating iisang tahanan.