14/08/2026
๐๐ฎ๐ง๐ญ๐ข๐ง๐ ๐๐ฎ๐ญ๐ข๐ฅ, ๐๐๐ค๐ข๐ฅ๐๐ง๐ ๐๐๐ฒ๐ฎ๐ง๐ข๐ง
Ni: Msgr. Lito F. Castillo
Ilocos Sur-Abra Archdiocese
Maliit, payak, at tila walang labis na halaga kung titingnan lamang ang butil ng palay. Nakatago ito sa loob ng balat na kulay ginto ngunit upang magbunga, hindi ito maaaring manatiling buo at ligtas. Kailangan nitong mahulog at matabunan ng lupa, dumanas ng lamig ng gabi, init ng araw, at buhos ng ulan.
Kailangan nitong mamatay sa dating anyo upang mabiyak ang balat para lumabas ang munting usbong, at unti-unting tumangkad, maging matibay na tangkay, hanggang sa magkaroon ng marami pang butil na saganang aanihin.
Kung mananatili lamang ito sa kamay, hindi ito lalago ngunit kung ibibigay, itatanim, at titiisin ang hirap sa ilalim ng lupa, ito ay nagiging daan sa buhay at nagbibigay-sustento sa marami.
Ganyan din ang buhay nating may pananampalataya. Ang mga pagsubok, hirap, at sakripisyo ay parang pagtatanim at pagpapalago. Minsan, pakiramdam natin ay nalulubog, nasasaktan, o nawawalan ng sarili, ngunit sa kamay ng dakilang magsasaka, ang lahat ay may layunin. Ang pagpapakumbaba, pagtitiwala, at pagbibigay ng sarili sa Diyos ay nagbubunga ng mabuting gawa, pag-ibig, at buhay na may kabuluhan.
Kaya huwag matakot sa panahon ng paglago at pagsubok. Ang butil ng palay ay nagpapatunay na sa pamamagitan ng pagtitiwala at pagsuko sa plano ng Panginoon, ang maliit at payak na buhay ay magbubunga ng marami at magiging pagpapala para sa iba.
Ang munting butil ng trigo ay patuloy na nagpapaalala na ang bawat pagbabago at pagsubok ay maaaring maging simula ng isang bagong buhay. Sa tamang panahon, ang pagtitiis, pananampalataya, at pagtitiwala ay nagbubunga ng pag-asa at biyayang hindi lamang para sa sarili kundi para rin sa kapwa.
Ang butil ng palay ay nagpapaalala na ang pagtitiis ay may gantimpala, at ang pagsuko sa Diyos ay nagbubunga ng buhay. Hindi nawawala ang buhay na iniaalay sa Panginoon. Ito ay lumalago, nagiging mas mabuti, at nagbibigay-buhay sa kapwa.