23/02/2026
UKOL SA USAPIN NG PAGKAKAISA SA IKA-40 TAON NG EDSA
*Pahayag ng Trillion Peso March Movement (TPMM)
Ang Trillion Peso March Movement (TPMM) ay isang malawak na koalisyon ng mga social movements, mga lider ng Simbahan, mga grupo ng civil society, people’s organizations, at mga political parties. Ang aming pagkakaisa ay bunga ng demokratikong proseso at masinsing konsultasyon.
Malinaw ang tindig ng TPMM.
Una, nananawagan tayo na dapat managot ang lahat ng korap, lalo na ang mga sangkot sa multi-billion flood control corruption scandal.
Pangalawa, isinusulong natin ang pagpasa ng isang tunay na anti-political dynasty law upang lansagin ang mga dinastiya. Naniniwala ang TPMM na hindi ganap ang demokrasya kung iilan lamang ang may hawak sa kapangyarihan.
Pangatlo, itinutulak natin ang pagpasa ng isang batas na mag-iinstitutionalize at maglalaan ng sapat na pondo para sa isang Independent Commission on Infrastructure Corruption.
Tinututulan din ng TPMM ang mga panawagang lumilihis sa mga demokratikong prosesong nakasaad sa ating Konstitusyon tulad ng anumang porma ng kudeta, pseudo-revolutionary government, military junta, o transition council.
Iginagalang at kinikilala ng TPMM ang ibang mga pormasyon na may sariling mga pagsusuri at panawagan. Hinihiling lamang namin na igalang din ang aming pagsusuri at paninindigan. Ang pagkakaiba ng pananaw ay hindi kahinaan, ito ay bahagi ng isang buhay at malusog na demokrasya.
Ang TPMM ay para sa pagkakaisa. Ngunit batid namin, batay na rin sa aming karanasan, na ang pagkakaisa ay hindi dapat minamadali o ipinipilit.
Maraming porma ang pagkakaisa. Ang pagkilala at paggalang sa pagkakaiba ng isa’t isa ay hindi pagkawatak-watak, ito ay bahagi ng demokrasya at ng tunay na pagkakaisa. Ito ang isa sa mga ginintuang aral ng EDSA.