18/05/2026
Ang mga outbreak ng leptospirosis ay karaniwan sa Timog-Silangang Asya at madalas na iniuugnay sa mga monsoon at pagbaha. Partikular na naobserbahan ang malalaking outbreak sa mga urbanisadong lugar na may mahinang sistema ng sanitasyon. Sa pandaigdigang antas, ang Timog at Timog-Silangang Asya ay kabilang sa mga rehiyong may pinakamataas na antas ng pagkakasakit at kamatayan, kasama ang Oceania, Latin America, at East Sub-Saharan Africa.
Pinag-aralan nina Dr. Windell L. Rivera, kasama sina Chembie A. Almazar at Yvette B. Montala mula sa Pathogen-Host-Environment Interactions Research Laboratory ng UP Institute of Biology, ang distribusyon at transmisyon ng leptospirosis, gayundin ang mga hamon sa pagtukoy nito. Ayon sa pag-aaral, ang distribusyon ng leptospirosis ay naiimpluwensyahan ng ibaβt ibang salik gaya ng rehiyon, lokasyon, at panahon. Nag-iiba rin ang mga pagtatantiya sa paglaganap nito dahil sa pagkakaiba sa mga pamamaraan ng pagsusuri, cut-off values, panahon ng pagkuha ng sampol, at komposisyon ng laboratory panel. Ang mga baryasyong ito ay nagpapakita ng pangangailangan para sa mga estandardisadong pamamaraan sa pagsubaybay at pananaliksik sa leptospirosis. Mahalaga rin ang pagpapalawak ng mga pagsisikap sa pagkuha ng sampol sa antas ng buong bansa at komunidad, gayundin ang pagpuno sa mga kakulangan sa batayang datos.
Ang mga hayop ay mayroon ding papel sa transmisyon ng leptospirosis. Ang mga baka at baboy ay kilalang imbakan o pinagmumulan (reservoirs) ng pathogen, habang ang mga a*o naman ay nagsisilbing maintenance hosts, na nangangahulugang maaari silang patuloy na maglabas ng Leptospira sa kapaligiran. Bukod dito, ang mga rodent at pusa ay kumikilos din bilang mga reservoir. Sa Pilipinas, laganap din ang impeksyon sa mga ligaw na hayop. Ang kakayahan ng leptospirosis na makahawa sa kapwa tao at hayop ay isang mahalagang salik na dapat isaalang-alang sa pagsubaybay at pagbuo ng mga epektibong estratehiya sa pagkontrol.
Ang tropikal na klima, na kinatatampukan ng mataas na temperatura, madalas na pag-ulan, at mahabang panahon ng tag-ulan, ay lumilikha ng mga paborableng kondisyon para sa pananatili at transmisyon ng leptospirosis. Ang mga lungsod at kanayunan ay nakakaapekto rin sa pagkalat nito, dahil ang tubig-baha ay may malapit na ugnayan sa transmisyon. Ang paggamit ng lupa at ang kapal ng mga halaman ay lalo pang nakakaapekto sa distribusyon ng sakit.
Ang leptospirosis ay isang masalimuot na sakit na maaaring magmula sa banayad hanggang sa malubha, na madalas na humahantong sa maling pagtukoy ng sakit. Ang mga wastong protokol at maagang pagsusuri ay mahalaga upang matiyak ang paggaling ng mga nahawaang indibidwal. Upang epektibong masugpo ang leptospirosis sa pandaigdigang antas, kinakailangan ang malawakang pagtutulungan ng iba't ibang sektor at larangan. Kabilang dito ang pagsubaybay sa ugnayang tao-hayop-kapaligiran, ang estandardisasyon at balidasyon ng mga pagsusuring diagnostiko, at ang pagpapatupad ng mga wastong estratehiya sa pagbabakuna. Karagdagan pa rito, ang edukasyon ng publiko, mga hakbang sa kaligtasan sa trabaho, at pinahusay na imprastruktura sa lungsod ay makakatulong upang mabawasan ang pagkakalantad sa sakit.
Link sa pag-aaral: https://www.mdpi.com/2414-6366/11/1/18
Ang Science Flash ng College of Science ay ginawa para ibahagi, sa mas simple at mabilis na paraan, ang mga bagong pag-aaral ng ating mga siyentipiko. Kung may gustong panayam o may tanong para sa media, mag-email lang sa media(at)science.upd.edu.ph.
Isinulat ni: Benedict Bula
Isinalin ni: Mary Ann Corrales