23/07/2026
NCRPO KASADO NA PARA SA SONA 2026! MAHIGIT 21,000 PULIS, AARANGKADA SA METRO MANILA
Ganap nang nakahanda ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa seguridad ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasabay ng pagpapatupad ng komprehensibong security plan upang matiyak ang mapayapa, maayos, at ligtas na pagdaraos ng pambansang okasyon.
Sa ilalim ng pamumuno ni NCRPO Regional Director PMGEN ANTHONY A. ABERIN at alinsunod sa PNP Focused Agenda ni Chief PNP PGEN JOSE MELENCIO C. NARTATEZ JR., magtatalaga ang NCRPO ng 21,261 police personnel sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila. Nakaantabay rin ang 3,000 augmentation personnel mula sa Police Regional Office 2, PRO4B, at PRO5 kung kinakailangan.
Kabilang sa babantayan ng kapulisan ang Batasang Pambansa Complex, mga pangunahing lansangan, transport terminals, border control points, itinakdang rally areas, mga tanggapan ng pamahalaan, at iba pang mahahalagang lugar. Magpapatuloy rin ang anti-criminality operations at police visibility upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa buong Metro Manila.
Upang mapanatili ang kaayusan sa mga pampublikong pagtitipon habang iginagalang ang karapatang pantao at kalayaan sa mapayapang pagpapahayag, 11,196 Civil Disturbance Management (CDM) personnel ang itatalaga sa iba't ibang lugar.
Ayon kay PMGEN ABERIN, mahigpit na pinaalalahanan ang lahat ng naka-deploy na kapulisan na pairalin ang maximum tolerance, propesyonalismo, disiplina, at paggalang sa karapatang pantao sa lahat ng isasagawang security operations.
Simula July 24, alas-5:00 ng hapon, isasailalim ang NCRPO sa Full Alert Status, kasunod ang sunod-sunod na deployment at paghahanda bago ang SONA. Kasama sa ipatutupad ang mas pinaigting na intelligence monitoring, Quick Reaction Teams, SWAT, Explosive Ordnance Disposal (EOD) units, medical response teams, at mahigpit na koordinasyon sa Presidential Security Command, Armed Forces of the Philippines, MMDA, BFP, BJMP, Philippine Coast Guard, mga lokal na pamahalaan, at iba pang partner agencies.
Ipatutupad din ang No Fly Zone/No Drone Zone sa mga itinalagang lugar at pansamantalang suspensyon ng Permit to Carry Fi****ms Outside Residence (PTCFOR) sa July 27 bilang bahagi ng pinatatag na seguridad.
Nagpaalala rin ang NCRPO sa publiko na makiisa sa mga ipatutupad na traffic reroutine at security advisories at agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa 911 Emergency Hotline ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Binigyang-diin ni PMGEN ABERIN na nananatiling pangunahing layunin ng NCRPO ang pangalagaan ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko habang iginagalang ang mga karapatang nakasaad sa Konstitusyon.
Source: PNP National Capital Region Police Office
PIO NCRPO
(Kabuuang detalye sa Comment Section)