16/10/2025
Sa isang bansang sagana sa lupa, yamang-dagat, at likas-yaman, nananatiling kabalintunaan na patuloy ang pagdami ng mga nagugutom. Ang Pilipinas, na kilala bilang bansang agrikultural, ay dapat kayang pakainin ang mamamayan nito, ngunit sa halip, milyon-milyon ang hindi makakain nang sapat araw-araw. Ang gutom ay hindi lamang kakulangan ng pagkain, kundi repleksyon ng kawalang-katarungan sa lupa at kabuhayan.
Sa ilalim ng kasalukuyang sistemang piyudal at malapyudal, iilan lamang ang nakikinabang sa yaman ng bansa. Hawak pa rin ng mga panginoong maylupa at mga dayuhang korporasyon ang malalawak na lupain, habang ang mga magsasakang tunay na nagpapakain sa sambayanan ay patuloy na dinadahas, pinagsasamantalahan, at pinagkakaitan ng karapatan sa lupa.
Ang mga huwad na reporma sa lupa at mga programang agraryo ng gobyerno ay hindi naglilingkod sa interes ng mamamayan. Sa halip, ito ay nagsisilbing tabing upang patuloy na makapangamkam ng lupa ang mga naghaharing-uri. Idagdag pa rito ang militarisasyon sa kanayunan na nagdudulot ng takot at panggigipit sa mga komunidad ng magsasaka.
Habang patuloy ang ganitong sistema, lalong tumitindi ang kagutuman. Patunay ito na ang problema ng pagkain ay nakaugat sa kawalan ng tunay na reporma sa lupa at sa dominasyon ng dayuhan sa ating ekonomiya.
Kaya naninindigan ang NNARA Youth na ang pagkain ay hindi pribilehiyo kundi isang karapatang pantao. Ang bansa ay may kakayahan at sapat na likas-yaman upang matugunan ang pangangailangan ng lahat, ngunit hangga’t ang lupa ay hindi napupunta sa mga kamay ng mga magsasaka, mananatiling gutom ang sambayanan.
Kaya ang kabataan ay kailangang makiisa sa hanay ng mga magsasaka sa pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ang laban para sa lupa ay laban din para sa kinabukasan ng isang kinabukasang walang gutom, walang pang-aapi, at kung saan ang yaman ng bayan ay para sa mamamayan.