31/08/2026
[OPISYAL NA PAHAYAG NG UP PALAWEÑOS SA PAGDIRIWANG NG ARAW NG MGA BAYANI]
Ngayong araw ng mga bayani, nakiki-isa ang organisasyon sa pag alala at pagbibigay-pugay sa mga taong nagbigay daan at patuloy na tumitindig para sa kalayaan at kapayapaan ng ating bansa. Gaya ng paglaban ng ating mga ninuno para sa ating tinatamasang soberanya, may mga indibidwal, organisasyon, at komunidad na ipinagpapatuloy ang kanilang laban para sa isang payapa at patas na lipunan.
Kinikilala at taos-pusong nagpapasalamat ang UP Palaweños sa bawat mamamayan, lehislator, Non-Governmental Organizations (NGOs), katutubong pamayanan, tagapagtanggol ng kalikasan, at kapwa Pilipino na bumoboses at umaaksyon para sa ikabubuti ng Palawan—sapagkat kanilang ipinapakita ang kahalagahan ng pagtindig para sa karapatan ng bawat Pilipino sa marangal na pamumuhay.
Sa gitna ng nagpapatuloy na kampanya tungo sa mas payapa at patas na lipunan, may mga indibidwal, organisasyon, at komunidad katulad na lamang ng mga naki-isa noong ika-4 ng Mayo sa isang kilos protesta sa Brooke’s Point, Palawan na siyang kumokondena sa malawakang pagmimina. May takot man sa kanilang mga puso ay taas-noo nilang dinala ang kanilang mga panawagan sa lansangan upang igiit ang kanilang karapatan.
Dahil sa estado ng ating lipunan, paano natin nakakaya na manahimik kung mayroong mga katutubong pinagkakaitan ng kanilang lupa’t tahanan, kung patuloy ang pandarambong sa kalikasan para sa kapitalistang interes ng mga may kapangyarihan, at kung may mga dayuhan pa ring nais na makinabang sa ating likas na yaman?
Kasama ng UP Palaweños ang mga kapwa-Palaweño na tumitindig sa pagtutol sa mga minahan, pag-giit sa karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupa, pag-kondena sa malawakang korapsyon at pagsira sa kalikasan.
Ngayong Araw ng mga Bayani, maging kabahagi ng paglaban, tulad ng mga bayaning nauna sa atin na piniling manindigan para sa bayan. Sapagkat ang kabayanihan ay hindi natatapos sa kasaysayan—patuloy itong isinasabuhay sa bawat paninindigan at pagkilos para sa kapwa at sa bayan.
📝: Jasmin Antonio, Ysabelle Dreo, Allyza Lasch
🖼️: Macky Madaje