12/06/2026
Manindigan Para sa Tunay na Kalayaan: Pahayag ng Council for People’s Development and Governance (CPDG)
Sa paggunita ng ika-128 na Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas, muling nagpapatuloy ang laban ng mamamayang Pilipino para sa tunay na kalayaan, demokrasya, at kagalingan. Hindi kailanman magiging ganap ang ating kalayaan habang ang bansa ay nakasandig sa mga mapanirang patakaran na naglilingkod lamang sa dayuhan at lokal na naghaharing uri.
Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, lalong nabaon ang bansa sa krisis. Sa halip na unahin ang sapat na sahod, lokal na industriyalisasyon, tunay na reporma sa lupa, at ang dekalidad na edukasyon at serbisyong pangkalusugan, patuloy na ibinubukas ng pamahalaan ang ating mga likas na yaman at soberanya sa dikta ng mga dayuhang kapangyarihan.
Ang pananahimik at pagwawalang-bahala sa harap ng lumalalang kahirapan at pang-aapi ay pagtalikod sa makasaysayang pakikibaka ng masang mamamayan para sa katarungan. Kaya naman sa araw na ito, buong-lakas na nananawagan ang CPDG sa lahat ng sektor: itakwil ang taksil at papet na rehimeng Marcos.
Gisingin ang ating makabayang diwa. Singilin ang pamahalaan sa mga napako nitong pangako, at ipaglaban ang isang sistemang tunay na naglilingkod sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Ipaglaban ang tunay na kalayaan at pag-unlad.
Depensahan ang mga manggagawang pangkaunlaran.
Serbisyo sa pamayanan, huwag hadlangan.