28/08/2026
PAHAYAG NG KASAMMA-KO SA PAGSABOG AT SUNOG SA ISANG PABRIKA SA CHEONAN, SOUTH KOREA
Ang Katipunan ng mga Samahang Migranteng Manggagawa sa Korea (KASAMMA-KO) ay taos-pusong nakikiramay sa mga pamilya, kaibigan, at mga kasamahan sa trabaho ng mga nasawi sa malagim na insidenteng ito. Nakikiisa rin kami sa panalangin para sa mabilis na paggaling ng mga nasugatan.
Isang malakas na pagsabog at sunog ang naganap sa isang pabrika ng mga hilaw na materyales para sa pintura sa Dongnam-gu, Cheonan, Chungcheongnam-do, South Korea, dakong 11:44 ng umaga noong Agosto 28, 2026.
Ayon sa paunang ulat, 21 manggagawa ang nasa loob ng pabrika nang mangyari ang pagsabog. 17 ang ligtas na nakalabas, 3 ang nasawi, at 2 ang nasugatan. Kabilang sa mga nasawi ang dalawang Pilipinong manggagawa 🇵🇭 at isang babaeng Koreanong empleyado.
Sa harap ng trahedyang ito, nananawagan ang KASAMMA-KO sa lahat ng Filipino migrant workers sa Korea na magtulungan at magbahaginan ng anumang mahalagang impormasyon upang makatulong sa agarang pagtukoy sa kalagayan ng mga biktima at sa kanilang mga pamilya.
Nanawagan din kami sa mga kinauukulang awtoridad para sa masusing, malaya, at transparent na imbestigasyon sa insidente, kabilang ang mga posibleng paglabag sa mga pamantayan sa kaligtasan at proteksyon sa lugar ng trabaho.
Muling binibigyang-diin ng KASAMMA-KO na ang kaligtasan, karapatan, at kapakanan ng bawat manggagawa—Pilipino man o migranteng manggagawa—ay dapat pangalagaan at igalang. Hindi dapat maging kapalit ng paghahanapbuhay ang buhay at kaligtasan ng mga manggagawa.
Nanawagan din kami kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa pamahalaang Pilipinas na magsagawa ng madaliang aksyon at tulong para sa mga pamilya ng mga nasawing Pilipinong manggagawa, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng South Korea, pagbibigay ng kinakailangang konsular na suporta, at pagtiyak na makukuha ng mga pamilya ang nararapat na tulong at benepisyo.
Hinihikayat din namin ang pamahalaang Pilipinas na higit pang palakasin ang mga mekanismo para sa proteksyon ng mga Filipino migrant workers sa Korea, lalo na sa usapin ng occupational safety, labor rights, emergency response, at access sa legal at konsular na tulong.
Sa mga pamilya ng mga nasawi, nakikiramay kami at nakikiisa sa inyong pagdadalamhati. Sa mga nasugatan, hangad namin ang inyong mabilis at ganap na paggaling.
Eric Invierno
Chairperson