27/07/2026
SONAsaan ang pag unlad?
Pahayag ng Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan (PKKK) sa ika-5 SONA ni PBBM
Sa ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Marcos Jr. matingkad ang usapin ng korapsyon bunga ng sinabi niya noong nakaraang SONA na “… mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino!” Importante ang isinasagawang imbestigasyon sa mga opisyal ng gobyerno at mambabatas na sangkot sa mga kaso ng korapsyon at pandarambong, bilang pagpapatibay ng mga mekanismong pagpapanagot sa batas.
Subalit sa gitna ng ingay ng sunod sunod na drama sa Senado at bangayan sa VP impeachment trial, ay labis nang nakaligtaan ang kalagayan ng kababaihan sa kanayunan na higit na nahihirapan sa patong patong na krisis sa kabuhayan at klima.
Simula noong tumaas ang presyo ng langis, dumausdos na ang kabuhayan sa kanayunan lalo na iyong nakadepende sa krudo para sa transportasyon at produksyon. Lumalaganap ang kagutuman lalo na sa mga kababaihang may pangunahing responsibilidad sa pagba-budget. Madalas ay nilalaktawan nila ang pagkain upang pagkasyahin ang kakarampot na kita sa batayang gastusin ng pamilya. Bagamat may ayuda mula sa gobyerno, ito’y napakaliit, madalang, at hindi nakaka abot sa karamihan ng kababaihan sa komunidad.
Ayon sa Philippine Commission on Women mas bumibigat ang pasanin ng kababaihan sa gawaing pag aalaga at gawaing bahay na hindi sinusuwelduhan, tuwing panahon ng krisis. Higit anya silang gumugugol ng oras at lakas sa paghahanap ng rekurso upang itaguyod ang kanilang pamilya. Kasabay nito ang dagdag na panganib ng karahasan laban sa kababaihan. Kabilang rin sila sa higit 70 porsiyentong manggagawa sa impormal na ekonomiya na walang social protection, regular na sahod, at proteksyong legal.
Kasabay ng krisis sa ekonomiya ay mga kalamidad na dulot ng krisis sa klima. Sa maraming lugar sa Visayas at Mindanao, nanalanta ang mga nagdaang bagyo sa mga taniman tulad ng niyog at palay. Samantala maraming lugar ang nakakaranas ng matinding tagtuyot, na inaasahan pang lalala pagdating ng “strong” El Nino sa mga susunod na buwan. Tinukoy ng Department of Agriculture ang tagtuyot partikular sa mga rehiyon 1,2,3, Western Mindoro at Central Mindanao at ang kakulangan ng hanggang 700,000 metriko toneladang palay.
Nagpapatuloy ang kapabayaan ng gobyerno sa mga programang dapat sana’y nagtatanggol sa karapatan at kabuhayan ng kababaihang magsasaka at mangingisda. Tinanggal ng Korte Suprema ang eksklusibong akses ng maliliit na mangingisda sa 15 kilometrong municipal waters, at pinayagang pumasok ang malalaking commercial fishers. Pinayagan din ng pamahalaan at mga LGU ang pagmimina sa dagat, o seabed quarrying, at mga proyektong reklamasyon na lubhang nakakasira sa kalikasan na siyang ikakasira din ng kabuhayan ng kababaihang mangingisda.
Tinalikuran na ng Department of Agrarian Reform ang pamamahagi ng lupa sa ilalim ng programa ng repormang agraryo, at madalas pa itong kasabwat ng mga landlords at developer na kumakamkam ng lupa ng mga kababaihang magsasaka. Mayroong higit 600,000 ektaryang pribadong lupang agricultural ang hindi pa naipapamahagi. Maraming magsasaka ang wala pa ring lupa at pinapalayas sa kanilang mga tahanan; samantalang maraming agrarian reform beneficiaries naman ang binabawian ng natanggap na CLOA o titulo, kaya’t nasasadlak silang muli sa kawalan ng kaseguruhan sa buhay.
Gayundin, lumalala ang kriminalisasyon at red-tagging laban sa kababaihan sa kanayunan na tumitindig para sa kanilang karapatan sa lupang sakahan, lupang ninuno at kabuhayang may dignidad.
Dalawang taon bago matapos ang termino ng gobyernong Marcos Jr., nananatili itong bigo sa pagtupad ng kanyang mga pinangako, lalo na sa larangan ng ekonomiya, enerhiya at proteksyong panlipunan.
Sa huling yugto ng kanyang pamamahala, hinihikayat ng PKKK ang gobyernong Marcos Jr na kagyat na tugunan ang mga krisis na ito upang maiangat ang kalagayan ng mga napag iiwanan ng ating lipunan. Pangunahin dito ang tulong na nakabatay sa komunidad tulad ng pagkilala at pagbibigay ng suporta sa gawaing pag aalaga at gawaing bahay na hindi sinusuwelduhan, tulad ng pag alaga sa mga bata at matatanda o may sakit; pamimigay ng pagkain at fuel subsidy; akses sa serbisyong pangkalusugan at palugit sa mga utang.
Dapat tiyakin ang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng suporta at proteksiyon sa kabuhayan ng mga kababaihang mangingisda, magsasaka, katutubo at manggagawa sa impormal na ekonomiya; tapusin ang repormang agraryo at ipatupad and rice industry roadmap; ipagtanggol ang 15 kilometrong coastal waters laban sa malalaking komersiyong kumpanya ng pangisda; mag moratorium sa lahat ng pagmimina at iba pang banta sa pagpapalit gamit ng mga lupaing agrikultural at kabundukan, gaya ng nakaambang Pax SIlica sa Central Luzon; at upang maramdaman ng kababaihang rural ang seryosong pagkilala sa mga usaping ito, tuparin ang pagbubuo ng Inter-Agency Council on Rural Women.