22/05/2026
Noong Miyerkules, Mayo 13, ay may mga natagpuang materyales na nakatambak para sa pagpapatayo ng SDG Park at pati na rin sa outpost, kung saan mananatili ang mga blue guards o gwardiya para harangan, bantayan at agarang matapos ang mga proyekto sa Pook Aguinaldo. Kasabay na rito ang itinatayo na learning hub na bahagi ng SDG Park na galing mismo sa administrasyon ng UP. Apektado rin ang ibang lugar tulad ng Area 17 at Pook Malantik. Ang malawakang pagtutol ng komunidad at mga Iskolar ng Bayan sa pagtayo ng mga proyektong ito ay ang pagtutol sa SDG Park dahil malinaw para sa komunidad na maraming residente ang maapektuhan sa loob ng Barangay UP campus. Hindi makamasa ito bagkus sila ay malalagay sa panganib.
Marapat na kwestiyunin natin kung ano nga ba ang tunay na layunin ng administrasyon ng ating pamantasan. Tunay nga bang ang proyektong ito ay para sa atin o para sa komunidad? Walang maayos na proseso ang UP Admin sa pagkonsulta sa mga residente ng Pook Aguinaldo kung kayaโt marami sa kanilang tahanan ay madadamay dahil sa pagtayo ng SDG Park na ito. Nais natin ng isang kolektibong sistema kung saan naririnig ang panig ng mga miyembro ng komunidad ng Pook Aguinaldo.
Ang konseho ng Kolehiyo ng Ekonomistang Pantahanan ay nakikiisa sa mga taga Pook Aguinaldo at nanawagan sa sangkaestudyantehan na tugunan at depensahan ang patuloy na pagbanta sa demolisyon ng Pook Aguinaldo dulot ng kapabayaan ng administrasyon ng UP. Sama sama natin tutulan ang pagtayo ng SDG Park sa loob ng ating pamantasan dahil hindi nararapat ang pagkakaroon ng komersyalisasyon at pribatisasyon sa loob mismo ng ating kampus.
Suportahan natin ang kanilang binubuong barikada para ipaglaban ang kanilang karapatan at pangkabuhayan. Bukas ang donation channels ng CHESC para sa mga nais magbigay ng karagdagang suporta. Maaari ding magiwan ng in-kind donations sa SRO 101A tulad ng pagkain at inumin para sa mga nagbabantay.