14/08/2026
BUKAS NA LIHAM SA MGA KAWANI AT KANILANG MGA UNYON
Sa ating mga kapwa lingkod-bayan, mga unyon, at mga organisasyon ng mga kawani ng pamahalaan:
Pagbati at pagpupugay sa lahat ng patuloy na naglilingkod sa sambayanan.
Nasa isang kritikal na yugto ang ating serbisyo publiko.
Kasalukuyang isinasagawa ang Government Optimization Program (GOP), at kaliwa't kanan na ang mga ulat hinggil sa minamadaling paghahanda at pagsusumite ng mga Optimization Plan ng mga ahensya, na nakatakdang isumite sa Agosto 29, 2026. Ang Republic Act No. 12231 o Government Optimization Act ay ipinapakilala bilang hakbang tungo sa mas simple, matipid, episyente, at mahusay na pamamahala. Sa papel, mahirap tutulan ang mga layuning ito. Sino bang may ayaw sa maayos na pamamahala?
Subalit kailangan nating mga kawani na maging mapanuri:
Ano ba talaga ang layunin ng optimization? Ano ang ugat ng inefficiency ng pamahalaan? At makakamit ba ang mahusay na serbisyo publiko sa pamamagitan ng pagpapaliit ng burukrasya at pagbabawas ng mga kawani?
ANO NGA BA ANG OPTIMIZATION?
Hindi lingid sa atin ang mga kapalpakan ng pamahalaan—mga delayed at mababang kalidad na proyekto, mga programang hindi naaabot ang target, at mga pondong nasasayang o nawawaldas.
Ngunit ang mahusay na pamahalaan ay hindi lamang nasusukat sa laki ng gastos o bilang ng empleyado. Ito ay yaong nakapaghahatid ng tamang serbisyo sa tamang tao, sa tamang panahon, at sa responsableng paggamit ng pampublikong resources.
Nangangailangan ito ng sapat na kawani, maayos na sistema, sapat na resources, malinaw na accountability, at kakayahang maghatid ng serbisyo.
Maraming paraan upang maging mahusay ang pamahalaan: paglalaan ng badyet sa mga kinakailangang serbisyo, pag-iwas sa hindi kailangang gastos, pagpapahusay ng proseso, at higit sa lahat, paglaban sa korapsyon at katiwalian.
Subalit sa ilalim ng RA No. 12231, ang optimization ang inihahain bilang pangunahing tugon sa inefficiency. Kabilang dito ang pagtanggal ng redundancy, overlap at duplication; pagsasama o pag-merge ng mga ahensya; paglilipat ng functions; at, kung kinakailangan, pag-scale down, pag-phase out, o pag-abolish ng mga programa, units, o functions.
Kaakibat nito ang posibilidad ng pagpapanipis ng burukrasya at pagkawala ng mga posisyon at trabaho. Sa pamamagitan ng Organizational Review and Study (ORS), kailangang suriin at bigyang-katwiran ang mga functions, istruktura, staffing pattern at manpower complement ng mga ahensya bilang batayan ng Optimization Plan.
Kaya hindi maiiwasan ang mga tanong:
Bakit natin papasanin ang epekto ng inefficiency ng pamahalaan? Tayo bang mga kawani ang dahilan ng mga kapalpakan nito?
HINDI DAPAT ANG KAWANI ANG MANAGOT AT MAGBAYAD SA KAPALPAKAN NG GOBYERNO
Isipin natin ang araw-araw na gawain ng isang karaniwang kawani ng pamahalaan.
May target. May workplan. May performance commitment. May Individual Performance Commitment. May accomplishment report. May monitoring, scorecard, validation, means of verification, deadlines at compliance requirements.
Sa madaling salita, matagal nang sinusukat ng pamahalaan ang productivity at performance ng mga kawani. Taun-taon ding sinusuri ang mga programa at badyet ng mga ahensya upang matiyak na umaayon ang mga ito sa kanilang mga mandato at plano.
Kung tunay na performance at efficiency ang layunin, bakit hindi muna tiyaking mayroon ang mga kawani ng sapat na sahod, seguridad sa trabaho, sapat na staffing, kagamitan, at resources upang magampanan nila nang maayos ang kanilang tungkulin?
Hindi maaaring ipasa sa empleyado ang mga problemang nagmumula sa katiwalian, maling pamamahala, political interference, underfunding, dysfunctional processes, at institutional failures.
Ang kawani ay hindi dapat maging kabayaran sa kapalpakan ng institusyon.
LUMANG TUGTUGIN NA ANG KATWIRANG “MAS EPEKTIBO ANG MAS MALIIT NA GOBYERNO”
Hindi na bago ang pagbabago sa istruktura ng burukrasya. Sa iba't ibang administrasyon, isinulong ang rightsizing, rationalization, reengineering, reorganization at iba pang anyo ng restructuring.
Ngunit sa kabila ng paulit-ulit na reorganisasyon, nananatili ang maraming problema sa kalidad at accessibility ng serbisyo publiko.
Madalas sabihin na “bloated” na ang burukrasya. Ngunit tinatayang 9.5% lamang ng employment sa Pilipinas ang nasa pampublikong sektor, mas mababa sa humigit-kumulang 19.6% na pandaigdigang average.
Hindi nangangahulugang wala nang redundancy o overlap. Ngunit hindi rin nangangahulugang mas maliit na pamahalaan = mas mahusay na pamahalaan.
Ang mas mahalagang tanong ay:
Sapat ba ang bilang ng mga kawani upang maihatid ang serbisyong kinakailangan ng mamamayan?
Sa maraming lugar, ang problema ay hindi sobrang daming kawani kundi kakulangan ng kawani—social workers, health workers, teachers, technical personnel at frontline workers. Sa 4Ps pa lamang, kinailangang dagdagan ang plantilla positions upang palakasin ang service delivery.
Kaya hindi maaaring gawing simpleng arithmetic ang efficiency: Mas kaunting empleyado = mas maliit na gastos = mas mahusay na pamahalaan.
Kung mas kaunti ang kawani ngunit mas mahaba ang pila, mas marami ang backlog, mas mabagal ang serbisyo at mas lumalayo ang gobyerno sa mamamayan, hindi iyon efficiency. Capacity reduction iyon.
MALAWAKANG TANGGALAN ANG TUNAY NA HATID AT EPEKTO NG OPTIMISASYON
Sa mismong disenyo ng programa, may mga mekanismong nakalaan para sa mga maaapektuhan ng restructuring, kabilang ang retirement benefits at separation incentives.
Kung tunay na pangunahing layunin ng optimization ang pagpapahusay ng serbisyo publiko, bakit kinakailangan nitong maghanda ng mekanismo para sa pagreretiro at paghihiwalay sa serbisyo?
Ang pagkakaroon ng mga ito ay nagpapakitang ang pagkawala ng mga posisyon at trabaho ay isang inaasahang epekto ng optimization.
At gaano nga ba ka-“voluntary” ang separation kung ang mismong posisyon na iyong kinabubuhayan ay nanganganib mawala?
Kung sa 1,000 kawani ay 100 positions na lamang ang mananatili, maaaring tawaging boluntaryo ang separation package. Ngunit sino ang tunay na may malayang pagpili sa 900 kawani na mawawalan ng kanilang dating posisyon?
Ang tinatawag na voluntary separation ay maaaring boluntaryo sa papel ngunit napipilitan sa aktuwal na kalagayan.
OPTIMISASYON AT PRIBATISASYON
May isa pang panganib na kailangang bantayan: ang paggamit ng optimization upang magbukas ng puwang para sa pribatisasyon.
Sa COEB Memorandum Circular No. 2026-1, kabilang sa maaaring irekomenda matapos ang ORS ang scaling down, phasing out, elimination, o discontinuance ng functions, programs at projects, kabilang ang mga gawaing direktang nakikipagkompetensya sa pribadong sektor o maaaring isagawa umano nang mas mahusay nito.
Dito dapat maging mapanuri ang mga kawani at mamamayan.
Kapag inalis ang isang pampublikong function, ano ang papalit?
Kung ang serbisyong dating tungkulin ng Estado ay ipinasa sa pribadong sektor, paano titiyaking hindi ito magiging mas mahal, mas limitado, o mas mahirap ma-access ng ordinaryong mamamayan?
Maaaring magsilbi ang restructuring at pagbabawas ng kapasidad ng ahensya bilang unang hakbang sa paglikha ng espasyo para sa pribadong sektor.
Kaya hindi dapat maging pribatisasyon na itinago sa likod ng teknikal na terminong “optimization” ang pagbabago sa burukrasya.
WALANG PUWANG ANG MAKABULUHANG PARTISIPASYON NG MGA KAWANI AT KANILANG MGA UNYON SA ISANG MINAMADALING PROSESO
Sinasabi ring may partisipasyon ang mga unyon sa pamamagitan ng Change Management and Placement Teams (CMPT).
Ngunit kailangang itanong:
Tunay ba itong partisipasyon kung ang mahahalagang direksyon ng restructuring ay nabubuo na bago pa man magkaroon ng makabuluhang konsultasyon?
Kung naihahanda at naipapasa na ang Optimization Plans bago pa ganap na makonsulta ang mga kawani at kanilang mga unyon, maaaring maging pormalidad na lamang ang partisipasyon—consultation after the fact.
Ang tunay na konsultasyon ay hindi lamang pagbibigay ng pagkakataong magsalita matapos mabuo ang plano. Dapat may tunay na pagkakataong makaapekto ang mga kawani at kanilang mga kinatawan sa mismong pagbuo nito.
Mas nakababahala ang mga ulat hinggil sa pagmamadali sa paghahanda ng mga Optimization Plan, kabilang ang mga memorandum na nag-oobliga sa mga opisina na apurahin ang pagsusumite kahit umaabot sa mga araw na dapat sana ay pahinga ng mga kawani.
Kung ang programang ito ay maaaring makaapekto sa libu-libong trabaho at sa kalidad ng serbisyo publiko, bakit kailangang minamadali ang proseso?
Dapat malinaw sa mga kawani at mamamayan: ano ang mawawala, sino ang maaapektuhan, at sino ang papalit?
MALA-DIKTADOR NA KONTROL SA BURUKRASYA
Sa ilalim ng batas, binibigyan ng malawak na kapangyarihan ang Executive upang baguhin at i-reorganize ang burukrasya. Mahalaga ang flexibility sa pamamahala, ngunit dapat itong may kasamang transparency, accountability, consultation, at malinaw na pamantayan.
Ang burukrasya ay hindi simpleng collection of offices. Ito ang institusyong nagpapatupad ng batas at programa, nangangalaga sa pampublikong resources, at araw-araw na naghahatid ng serbisyo sa mamamayan.
Kapag masyadong nakasentro sa iisang sangay ng pamahalaan ang kapangyarihang magpasya kung aling ahensya, function, unit o position ang mananatili o mawawala, maaaring maapektuhan hindi lamang ang serbisyo kundi pati ang institutional balance ng Estado.
Ang isang mahusay na burukrasya ay hindi dapat maging burukrasya ng sinumang nakaupo sa Malacañang.
Dapat itong maging burukrasya ng Republika—propesyonal, matatag, accountable, at may kakayahang maglingkod sa mamamayan anuman ang magpalit na administrasyon.
PAGLABAN SA KORAPSYON ANG TUNAY NA SUSI SA EFFICIENCY
Ang inefficiency ng pamahalaan ay hindi lamang usapin ng organizational structure. May mga problemang nagmumula sa maling paggamit ng pondo, kawalan ng pananagutan, political interference, mahinang procurement, dysfunctional systems, underfunding, at kawalan ng pangmatagalang pagpaplano.
Hindi nagkakaroon ng anomalya sa flood control projects dahil masyadong maraming plantilla positions.
Hindi nagkakaroon ng maling paggamit ng pampublikong pondo dahil masyadong maraming frontline workers.
Hindi bumababa ang kalidad ng edukasyon dahil masyadong maraming public school employees.
At hindi nasosolusyunan ang korapsyon sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga kawani na mismong nagpapatupad ng mga programa ng gobyerno.
Ang pagtanggal ng kawani ay hindi anti-corruption policy.
Kung may korapsyon, palakasin ang audit at accountability. Kung may procurement anomalies, panagutin ang responsable. Kung may political interference, palakasin ang institutional safeguards. Kung inefficient ang proseso, ayusin ang proseso. Kung kulang ang capacity ng ahensya, dagdagan ang resources at personnel.
Hindi lahat ng problema sa pamahalaan ay problemang pang-organizational chart.
Hindi namin sinasabing walang dapat baguhin sa burukrasya.
May mga proseso na kailangang ayusin. May mga function na maaaring pagsamahin. May mga sistemang kailangang i-modernize. May mga posisyong maaaring kailangang suriin.
Ngunit ang reporma ay dapat nakabatay sa pagpapahusay ng serbisyo, hindi lamang sa pagbabawas ng gastos.
Kung nais talaga ng pamahalaan ng mahusay na serbisyo publiko, dapat nitong tiyakin ang:
-sapat at permanenteng workforce;
-makatarungan at sapat na sahod;
seguridad sa trabaho;
-sapat na kagamitan at resources;
-maayos at digitalized na proseso;
-malinaw na accountability mechanisms;
-proteksyon laban sa political interference;
-transparent at participatory na organizational review; at
-tunay na paglaban sa korapsyon at maling paggamit ng pampublikong pondo.
Dahil ang efficiency ay hindi lamang tungkol sa kung magkano ang natipid ng gobyerno.
Ang tunay na sukatan ng efficiency ay kung gaano karaming mamamayan ang nakatanggap ng serbisyong kailangan nila, kung gaano kabilis at kalidad itong naihatid, at kung gaano karesponsable ginamit ang kanilang buwis at yaman.
Mga kapwa kawani, huwag nating hayaang ang mga problemang hindi natin nilikha ay ipasan sa ating mga balikat.
Hindi dapat ang mga kawani ang magbayad para sa kapalpakan ng pamahalaan.
Hindi natin kailangan ng pamahalaang mas maliit lamang sa papel.
Kailangan natin ng pamahalaang mas mahusay, mas accountable, mas makatarungan, at higit na may kakayahang maglingkod sa sambayanan.
At ang isang mahusay na pamahalaan ay hindi itinatayo sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga taong nagpapatakbo nito.
Pinapalakas ito sa pamamagitan ng pagpapalakas sa mga taong naglilingkod sa bayan.
KAWANI AT UNYON, MAGKAISA: ANG PAGLABAN SA OPTIMISASYON AY PAGLABAN SA KORAPSYON
“Kung kailangan talagang i-reorganize ang aming ahensya, haharapin ko na lamang ang proseso.”
Ang Optimization Plan ay direktang usapin ng ating trabaho, kabuhayan, workload, at kakayahang maglingkod. May karapatan tayong malaman kung paano ito binuo, kwestyunin ang batayan nito, at maglatag ng alternatibo.
Kailangan nating makialam bilang mga kawani. Kailangan nating magtanong. Kailangan nating pag-usapan ang ating sitwasyon kasama ang ating mga kaupisina. Tiyak na hindi lang isa, kundi daan-daan, buong upisina, buong ahensya ang posibleng matanggal. Kailangan nating magkaisa.
Para sa mga unyon, kailangan nating manindigan: DAPAT WALANG TANGGALAN!
Ngayon ang panahon upang mag-organisa.
Hingin ang mga dokumento. Suriin ang ORS at Optimization Plan. Konsultahin ang rank-and-file. Tipunin ang datos sa workload at staffing. Tukuyin ang mga kritikal na functions at bumuo ng malinaw na alternatibo sa pagbabawas ng workforce at paglilipat ng pampublikong functions sa pribadong sektor.
Huwag maging tagatanggap lamang ng impormasyon ang mga unyon. Maging aktibong kinatawan at tagapagtanggol ng mga kawani at ng serbisyo publiko.
Mag-organisa. Maghanda. Maglatag ng alternatibo. Makipagnegosasyon. Magprotetsa. Sama-samang manindigan.
SAHOD, TRABAHO AT KARAPATAN, IPAGLABAN!
MAGLINGKOD SA SAMBAYANAN!