07/06/2026
Para sa ilan na lumaki sa dalampasigan, ang dagat ay buhay, at ang bawat hampas ng alon ay may kubling kuwento.
Basahin ang akda sa ibaba na bahagi ng ikalawang isyu ng Lilay.
๐๐๐ ๐ฌ๐ ๐๐ฅ๐จ๐ง
ni Akin Cullarin
Lumaki ako sa dalampasigan, kapiling ng buhangin at banayad na hampas ng alon sa aking talampakan. Limang minutong lakarin lamang ang dagat mula sa tinutuluyan naming paupahan nina Mama noon sa probinsiya, kaya limang taong gulang pa lang ako, natutuhan ko na agad na mahalin ang buhay-isla.
Dyusko, gaano ko minahal ang buhay-isla. Pakiramdam ko kasi, kahit ano man ang ikuwento ko sa mga alon, walang panghuhusga silang babalik at babalik sa buhangin para makinig. Parang matalik na kaibigan.
Dyusko, gaano ko minahal ang dagat.
Maka-ilang beses nang nalapnos, nasunog, at nagpalit ang musmos kong balat dahil sa maghapong pagbibilad sa dalampasigan, at wala akong pinagsisihan. Yapos-yapos ko ang alon na parang daster ng aking ina sa tuwing sapilitan akong susunduin ni Kuya, dahil palubog na ang araw at delikado kung mananatili ako roon nang mag-isa.
Sing-alat ng dagat ang mga luhang mag-uunahang umagos sa aking mukha. Patalikod ako palaging maglakad pauwi sa amin, sa takot na baka paglingon ko, hindi ko na mahanap ang daan pauwi sa dalampasigan.
Sampung taong gulang ako noong kinailangan naming manirahan sa siyudad.
Mas malaki kasi ang kikitain ni Mama kung doon siya mamamasukan, kaya sa piling na ng karagatan ng mga nagtatayugang gusali at bumbilyang hindi natutulog kami nagpaanod.
Natulog akong humihikbi noong unang gabi namin sa bago at mas maganda naming apartment.
Pinilit kong bumisita pa rin sa dagat paminsan-minsan. Parang isdang hindi hiyang ang hasang sa hangin, nasusulasok ako sa ingay at usok ng siyudad, kaya nagsisikap akong palaging umuwi sa mga alon. Parang isda nga talaga.
Sunod akong bumalik sa dalampasigan noong kinailangang mangibang-bansa ni Mama.
Mas malaki kasi ang kikitain niya kung doon siya mamamasukan, kaya sa piling na ng karagatan ng mas nagtatayugang gusali at mas puyat na mga bumbilya siya magpapakalunod.
Sa paliparan, yapos-yapos ko ang daster ng aking ina na parang mga alon sa paborito kong dagat at hindi ako masundo ni Kuya. Ma, delikado kung mananatili ka roon nang mag-isa, ginusto ko itong sabihin sa kanya ngunit ang gawin ito ay pagmamakasarili.
Sinisi ko ang dagat noong sunod ko itong makadaupang-palad. Kinasuklaman ko ang lawak nitong datiโy hinahangaan ko, dahil hindi ko kayang languyin ang pampang ng bagong islang bumibihag kay Mama. Hindi maaalo ng banayad na haplos ng mga alon ang pangungulila ko sa kanyang malambing na hagod sa aking likod sa tuwing ako ay umiiyak.
Sa gitna at kabila ng aking galit, nanatiling banayad ang hampas ng alon sa aking talampakan.
Huling beses akong bumalik sa dagat noong pumanaw ang lolo ko. Sing-alat ng dagat ang mga luhang nag-unahang umagos sa aking mukha.
Ako ang paboritong apo ni โLo. Hawig ko raw kasi ang yumao kong ama, ang paborito niyang anak, kaya namana ko rin ang pabor niya. Walang araw na hindi ko napahagalpak ng tawa si Lolo dahil sa kadaldalan ko.
Wala akong imik noong ibaba sa hukay ang kanyang kabaong. Nakatitig lamang akoโnag-aabang, nagbabantay. Patalikod akong naglakad pauwi sa amin, sa takot na baka paglingon ko, malilingat ako sa kung anong milagro ang muling bubuhay sa kanya.
Umuwi ako sa pampang; nanatili sa hukay si Lolo. Sa dagat daw dapat siya ililibing, buti hindi natuloy. Ayaw kong maalala ang yumao na sa paborito kong kadaldalan.
Pero hindi naman puro pait at kabiguan ang nasasaksihan ng dalampasigan sa buhay ko. Sa katunayan, nakasakay ulit ako sa bus ngayonโmaaraw.
Nakatagpo ako ng bagong pag-ibig. Hindi na lang ang dagat. Dyusko, gaano ko siya kamahal.
Sa dagat ko sana balak mag-propose. Wish me luck.