01/05/2026
Buong talumpati ni Jacq Ruiz sa Mayo Uno 2026
Tagapagsalita ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK)
Pagbati sa lahat ng manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, mga propesyunal, at iba pang mga sektor na kumilos ngayong Pandaigdigang Araw ng Paggawa!
Sa pagpapatuloy ng krisis sa buong mundo, ramdam na ramdam ng manggagawang Pilipino ang hagupit nito sa araw-araw. Ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo ay mga sistemang nagsasabwatan upang lalong pigain ang ating lakas-paggawa at pigilin ang pagkamit ng ating mga batayang karapatan, kabilang na rito ang nakabubuhay na sahod, regular na trabaho, at tunay, palaban, at makabayang pag-uunyon.
Nang binomba ng imperyalistang US at zionistang israel ang Iran, pinatindi pa lalo nito ang paghihirap ng mga Pilipino. Sumirit ang presyo ng langis at iba pang produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado. Hindi na nakasabay ang barat na sahod ng mga manggagawa habang tumubo ng PHP 5 bilyon ang rehimeng Marcos Jr. noong Marso 2026 sa value-added tax (VAT) at excise tax sa langis. Tinataya namang PHP 13 bilyon ang nakuha sa VAT sa lahat ng bilihin sa pagpapatuloy ng oil price hike noong Abril 2026. Syempre, bukod kay Marcos Jr., kumamal din ng tubo ang mga malalaking negosyante.
Sa huling tala ay nasa 2.66 milyong Pilipino ang walang trabaho at nasa 5.84 milyong manggagawang Pilipino naman ang naghahanap ng dagdag na kita o dagdag na oras dahil sa barat na sahod. Nanatiling kontraktwal ang mayorya ng manggagawang Pilipino at ang mga manggagawang kababaihan ay napapasok sa impormal na paggawa, na lalong nagpapabulnerable sa kanilang mga kalagayan. Kaliwa't kanan din ang paghihigpit sa mga unyon o mga nagtatayo ng unyon na siyang lumalaban para sa pagtataas ng sahod, makataong kondisyon sa paggawa, at iba pang mga benepisyo. Ang mga welga naman ay sapilitang binubuwag.
Sa ganitong kalagayan, walang aasahan ang mga manggagawang Pilipino kundi lumaban at tumindig para sa ating mga batayang karapatan. Tapusin na natin ang ating deka-dekadang pagsasakripisyo para lang sa mga luho ng naghaharing-uri. Palakasin ang ating hanay at kolektibong lakas sa pagkamit ng marami pang tagumpay sa susunod na mga buwan at taon.
Mabuhay ang uring manggagawa! Mabuhay ang sambayanang nakikibaka! # # #