23/06/2026
STATEMENT ON THE TACLOBAN SCHOOL SHOOTING:
๐๐๐๐๐ ๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐ ๐๐๐๐ ๐๐๐ ๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐๐๐๐๐๐๐
Nakikiramay ang Salinlahi sa mga pamilya at komunidad na nagdadalamhati sa trahedyang naganap sa Tacloban City. Mariin naming kinokondena ang karahasang kumitil ng buhay at sumugat sa mga kabataan. Nananawagan kami ng hustisya para sa mga biktima at pananagutan para sa lahat ng responsable sa insidenteng ito.
Ngunit hindi dapat gamitin ang trahedyang ito upang muling itulak ang pagpapababa ng minimum age of criminal responsibility.
Bago natin tanungin kung may sapat na discernment ang mga bata, dapat muna nating itanong: Anong klase ng lipunan ang humuhubog sa mga batang naniniwalang katanggap-tanggap ang pumatay, manakit, at mambully ng kapwa?
Hindi natututuhan ng mga bata ang karahasan nang hiwalay sa kanilang kapaligiran. Lumalaki sila sa isang lipunang laganap ang karahasan, diskriminasyon, at kawalan ng pananagutan pangunahin sa mga matataas na opisyal ng gobyerno na hindi napapanagot sa sa kasalanan nila sa mamamayan lalo na sa mga kabataan. Kapag normal ang dahas sa lipunan, hindi kataka-takang makita rin ito sa pag-uugali ng mga bata.
Ipinapakita rin ng insidenteng ito ang malalim na pagkukulang ng estado sa pagprotekta at pagsuporta sa mga bata. Habang mabilis ang panawagan para sa mas mabigat na parusa, nananatiling kulang ang mental health services, guidance counselors, social workers, anti-bullying programs, at iba pang support systems para sa kabataan. Kulang din ang mga ligtas na pampublikong espasyo tulad ng community libraries, youth centers, sports facilities, at mga parke kung saan maaaring matuto, makilahok, at humingi ng suporta ang mga bata.
Dapat ding managot ang mga nasa hustong gulang at institusyong nagkulang sa kanilang tungkulin, kabilang ang usapin kung paano nagkaroon ng akses sa baril ang isang menor de edad mula sa pulis at security guard. Hindi maaaring sa mga bata lamang ibaling ang sisi habang tinatakasan ng mga may sapat na gulang ang kanilang pananagutan.
Tutol din ang Salinlahi sa anumang pagtatangkang gawing normal ang militarisasyon o permanenteng presensya ng mga armadong pwersa sa mga paaralan. Hindi armas, surveillance, o mas mababang edad ng criminal liability ang sagot sa karahasan. Ang tunay na kaligtasan ay nakabatay sa paggalang sa karapatan ng mga bata, matatag na support systems, at mga komunidad na nag-aaruga at nakikinig sa kanilang mga pangangailangan.
Kung patuloy nating babalewalain ang mga ugat ng karahasan at ang krisis sa kapakanan ng kabataan, hindi ito ang huling trahedyang masasaksihan natin.
Ang sagot sa karahasan ay hindi higit na pagpaparusa sa mga bata. Ang sagot ay pananagutan, proteksyon sa karapatan ng mga bata, at pagtugon sa mga kondisyong nagtutulak sa karahasan.