12/06/2026
IKA-128 ARAW NG KALAYAAN NG PILIPINAS
UNANG BAHAGI: MULA SA DIGMAANG ESPANYOL-AMERIKANO HANGGANG SA HUNYO 12, 1898.
Noong ika-1 ng Mayo, 1898, lumayag sa Manila Bay ang Asiatic Squadron ng Estados Unidos (US) sa pangunguna ni Commodore George Dewey. Pinatahimik nila ang mga depensa ng hukbong dagat ng Maynila at winasak ang armada ng Espanyol ni Admiral Patricio Montojo. Buhat nito, naiwan sa mga Amerikano ang kontrol sa Manila Bay, at dito na nagsimula ang panghihimasok ng US sa kalayaan ng PIlipinas.
Inatake ng US ang Espanya dahil sa isyu nito sa Cuba, hindi sa Pilipinas. Mula pa noong 1868, mayroon ng mga pag-aalsa dahil sa hindi maayos na pamamalakad ng Espanya sa Cuba. Sumiklab muli ang isang pag-aalsa noong 1895 nang magpadala ang Espanya sa ilalim ni Heneral Arsenio Martinez-Campos ng 160,000 na mga sundalo para durugin ito. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin ang pag-aalsa, kaya naman pinalitan siya ng kinatatakutang Heneral na si Valeriano Weyler, dating gobernador-heneral ng Pilipinas. Ipinatupad ni Weyler ang patakarang reconcentracion at scorched the country para durugin ang rebelyon.
Napansin ito ng US, lalo na ang yellow press nina Joseph Pulitzer at William Randolph Hearst na nilathala ang mga kuwentong nagpasiklab ng galit sa mga Amerikano laban sa kalupitan ng Espanya sa Cuba. Isa pa rito, naniniwala ang US na responsibilidad nilang protektahan ang Cuba dahil sa Monroe Doctrine at Manifest Destiny. Mula rito, tiningnan nila ang Caribbean bilang lawa ng Amerika.
Noong ika-15 ng Pebrero 1898, sumabog ang barkong Maine sa daungan ng Havana sa hindi maipaliwanag na dahilan. Ginamit naman ito ng US bilang katwiran para magdeklara ng digmaan laban sa Espanya. Kasabay rin nito ang isang rebolusyon sa Pilpinas.
Matapos ang unang pagsiklab ng rebolusyon ng 1896 at ang tagumpay ng mga rebolusyunaryo partikular na sa Cavite, nabawi muli ng mga Espanyol sa ilalim ni Heneral Jose de Lachambre ang lugar noong 1897. Gayundin, nakuha rin ng mga Espanyol ang iba pang mga muog tulad ng Kakarong de Sili sa Bulacan. Gaya sa Cuba, nagpatuloy pa rin ang digmaan sa iba’t ibang lugar. Gayunpaman, unti-unting humina ang puwersa ng mga Pilipino, kaya noong katapusan ng 1897, nagkaroon ng kasunduan sa Biak-na-Bato. Sa ilalim nito, pumunta sa exile ang mga rebolusyunaryo sa pangunguna ni Heneral Emilio Aguinaldo kapalit ng bayad-pinsala na 800,000 Mexican pesos.
Hindi rin nagtagal ang kapayapaang ito. Sa memoir ni Aguinaldo, inilahad niya na bahagi ng kasunduan ang pagpasa ng mga reporma na magpapahina sa kapangyarihan ng mga prayle. Gayunpaman, hindi ito ipinatupad ni Gobernador-Heneral Primo de Rivera para hindi mapahiya ang Espanya. Kaya nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng US at ng Espanya, nilapitan ng mga Amerikano si Aguinaldo bilang potensyal na kakampi laban sa parehong kaaway.
Ayon kay Aguinaldo, sinabihan siya ng dalawang beses ng kumander ng US Navy ship Petrel at ni Dewey na hindi na kinakailangan pa ng US ang mga kolonya dahil mayamang bansa na ito. Dagdag pa rito, sinabi niya rin na inalok siya ng American Consul sa Singapore na si E. Spencer Pratt ng malayang estado sa ilalim ng protektorado ng Amerika.
Nakumbinsi si Aguinaldo at ginamit ang pera mula sa Biak-na-Bato para bumili ng mga armas at bala para ipagpatuloy ang rebolusyon. Noong ika-19 ng Mayo, 1898, bumalik si Aguinaldo sa Pilipinas sakay ang USS McCulloch. Nagsimula na ang pangalawang yugto ng rebolusyon at dito na rin natalo ang garison ng mga Espanyol.
IKALAWANG BAHAGI: ANG DEKLARASYON NG KALAYAAN, HUNYO 12, 1898
Nang kalagitnaan ng Hunyo, tanging ang Maynila at ilang mga bayan na lang ang nasa kamay ng mga Espanyol. Para sa mga Pilipino, nalalapit na ang kalayaan kaya noong ika-12 ng Hunyo, idineklara ang kalayaan sa Kawit, Cavite. Nakasaad sa dokumento na akda ni Ambrosio Rianzares Bautista na malaki ang pasasalamat nila sa US sa natamasang kalayaan:
“At bilang saksi sa kadalisayan ng aming mga hangarin ang Kataas-taasang Hukom ng Sansinukob, at sa ilalim ng proteksyon ng Makapangyarihan at Makataong Bansa, ang Estados Unidos, taos-puso naming ipinahahayag sa ngalan at awtoridad ng mga mamamayan ng Pilpinas…”
“...at ang mga kulay na Bughaw, P**a, at Puti, na ginugunita ang watawat ng Estados Unidos ng Hilagang Amerika, bilang lubos na pasasalamat sa Dakilang Bansa para sa hindi makasariling proteksyong ibinigay at patuloy nitong ibinibigay sa atin.”
Bagaman inimbitahan si Dewey sa proklamasyon bilang representante ng US, hindi siya makapupunta kaya’t ang pumalit sa kaniya ay si L. M. Johnson na nagpakilalang artillery colonel pero walang opisyal na posiyon sa Pilipinas. Gayunpaman, iwinagayway ang bandila ng Pilipinas sa bahay ni Aguinaldo sa Kawit habang tumutugtog ang Marcha Nacional Filipina na kilala ngayon bilang pambansang awit ng Pilipinas. Dito, itinatag ng Pilipinas ang sarili bilang isang malayang bansa.
PANGATLONG BAHAGI: ANG MGA UMUUSBONG NA PAGDUDUDA
Ilang buwang pagkaraan ng deklarasyon ng kalayaan, nasaksihan ang paglubog ng paghahari ng Espanya sa Pilipinas. Isinagawa ang kunwaring labanan sa Maynila na primaryang binukod ang mga puwersa ng Pilipinong rebolusyunaryo. Isinaayos ng mga Amerikano ang hangganan ng militar sa lungsod. Unti-unti nang lumalaki ang tensyon sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano. Kinwestiyon ng mga rebolusyunaryo ang tunay na pakay ng US sa Pilipinas: pagsuporta sa kalayaan nito o pagharian ang bansa bilang bago nitong kolonya.
IKAAPAT NA BAHAGI: ANG PROKLAMASYONG BENEVOLENT ASSIMILATION
Sa mga sumunod na taon, nakita ang paglala ng relasyon sa pagitan ng Pilipinas at US. Habang abala ang mga rebolusyunaryong pamahalaan sa pag-o-organisa nang hindi paghihinalaan ng mga Amerikano, naging malinaw na ang tunay na pakay ng US sa bansa noong nilagdaan ang Treaty of Paris nang walang pahintulot mula sa mga Pilipino. Hindi rin nagtagal nang inilabas ni Pangulong William McKinley ang proklamasyong Benevolent Assimilation. Nakasaad dito ang pagpapalawig ng soberanya ng US sa Pilipinas kung saan maaaring gumamit ng dahas kung kinakailangan. Lalong tumindi ang tensyon nang patuloy na nagbabago ang hangganan ng militar ng Amerika sa Manila. Para sa mga rebolusyunaryong opisyal gaya ni Cailles, ang mga ganitong taktika ay banta sa kalayaan ng Pilpinas. Ang nagsimulang kooperasyon ng Pilipinas at US laban sa Espanya ay naging pakikibaka para sa kalayaan ng PIlipinas.
HULING BAHAGI: ANG PAGHAMON SA KALAYAAN NG PILIPINAS
Sumiklab na ang mga naipong tensyon noong ika-4 ng Pebrero, 1899 nang magsimula na ang digmaan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika. Wala pang walong buwan nang lumaya ang Pilipinas, pero humarap muli ito sa isang mananakop na siyang banta sa buwis-buhay nilang natamong kasarinlan. Sa pagdiriwang natin ng kalayaan, nawa’y maging hamon sa atin na isabuhay ang rebolusyunaryong diwa na siyang nagpalaya sa Pilipinas.
Mga Sanggunian:
Aguinaldo, Emilio. Reseña Veridica de la Revolución Filipina. Imprenta Nacional a cargo del Sr. Zacarías Fajardo, 1899.
Constantino, Renato. The Philippines: A past revisited. Quezon City: Renato Constantino, 1975.
Tan, Samuel K. The Filipino-American War, 1899–1913. University of the Philippines Press, 2002.
"The laws of the first Philippine Republic (the laws of Malolos) 1898-1899. / Compiled & edited by Sulpicio Guevara." In the digital collection The United States and its Territories, 1870-1925: The Age of Imperialism. https://name.umdl.umich.edu/aab1246.0001.001. University of Michigan Library Digital Collections. Accessed June 12, 2026.
Tungo sa isang kritikal at mas makabuluhang pag-aaral ng kasaysayan.