21/09/2025
Mensahe sa ika-31 na taon ng pagkatatag ng Alay Sining.
Mabuhay ang mga Artista ng Bayan na ipinagbubuklod ng apoy ng pag-asa!
Ilang dekada nang saksi sa pagbabago ng panahon ang Alay Sining. Bitbit nito ang kasaysayan ng pagbabago ng mga dekada, higit sa tahanan nito sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Naging tayo ang musika sa dagundong ng panawagan. Bitbit ang mga kantang lapit sa mga sikmura ng mga kapwa natin iskolar at mga kasama sa malawak na komunidad ng UP. Lumipas man ang mga taon ay hindi kumupas ang mga ito dahil ganun pa rin ang danas sa patuloy na komersyalisasyon ng mga espasyo, kaliwa’t kanang demolisyon at kontrakwalisasyon ng mga manggagawa sa loob at labas ng pamantasan.
Higit sa paggawa at pagpapahusay ng iba’t ibang porma ng sining sa paggawa ng musika, sining-biswal, pagsusulat at pagtatanghal— sinusubukan nitong maging tahanan sa mga artistang nais baguhin ang lipunan sa kanilang natatanging paraan. Pinapalalim ang praktika ng sining sa paglapit sa mga komunidad. Sa pagkakaroon ng mga palihan sa mga mag-aaral at komunidad, hinahayaan natin silang lumikha at isalaysay ang kanilang kwento para tunay na ‘mula sa masa, tungo sa masa’
Ngunit hindi marahan ang nagdaang panahon, tulad ng karahasan sa pag-inog ngayon ng mundo ay ang malagim na mga pagsubok. Tulad ng korapsyon sa pamahalaan at pagtatakip nito ng kanilang mga sala, darating ang oras na tila pagtigil at pagkawasak dahil sa pang-aabuso ng kapangyarihan ng ilang mga namuno sa organisasyon. Ilang taon na ang lumipas mula noon ay ramdam pa rin ang pilay na dulot nito sa Alay Sining.
Sinubukan mang itakwil ang mga mapang-abuso at ang pang-aabuso ay hindi pa rin lubos na ligtas na espasyo ang Alay Sining sa mga taong nais lamang itong gamitin sa mababaw na paraan taliwas sa pangako at kasaysayan nito. Sila ang buhawing sumalanta sa katatayo lamang na pundasyon. Ang mga mapanlinlang na may korapsyon sa isip at damdamin ang pumapatay sa sining at pumupurol sa pagpapanday ng samahan nito.
Ngunit sa kamatayan ay muling babangon. Mula sa abo ay muling magniningas.
Ang sining ay hindi lamang umiiral dahil sa angking ganda nito kundi dahil sa marapat na ito’y may saysay. Ang apoy ng pag-asa ang alay nito sa lahat ng may nagbabagang galit at hinagpis anumang bagyo ang sumusubok na kitilin ito.
Tanging ang mga busilak ang magpapalago sa buhay na ito mula sa ugat hanggang sa muling pagbubunga.
Tungo sa sining at lipunang malaya at mapagpalaya.
Para kina Kerima, Ericson, Chad, Len, Kevin at lahat ng mga rebolusyonaryong martir. At higit sa lahat para sa sambayanan.
Magmulat, maglingkod, magtanghal at makibaka.