Katipunan sa Kultura at Kasaysayan

Katipunan sa Kultura at Kasaysayan Samahan ng mga alagad ng sining, mga manggagawang pangkultura, at mga taliba ng kasaysayan para nagkakaisang isúlong natin ang diwa ng Himagsikang 1896.

09/05/2025

𝗣𝗔𝗚𝗕𝗔𝗕𝗔𝗚𝗢: 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗘𝗠𝗢𝗥𝗬𝗔

Nabása ko kung paanong ang walong silahis
Ay naging labindalawang Mandirigma ng himagsik
At pagkatapos, naging tatlong gulok
Para utasin ang Haring Tagalog.
Nagbasá pa ako ng mga aksidente
At mga di-akalain para patunayang di puwedeng
Iguhit ang tadhana.
Umiikot man ang kamay ng relo, tila elise,
Sa labindalawang oras, hindi tiyak kung saang kalye
Masasagasaan ang askal, at kung ito’y mangyayári
Sa ikatlo o ikawalo ng umaga o ng hápon;
Ang uniberso ng pagtitiyap at pagkakataón
Ay malakíng hámon upang ihakà nating sa ebolusyon
Ang bawat saglit ng pagbabago’y tungo sa pagsúlong
Ng sanlibutan,
Ng sanlibutang nais din nating palarùan
Ng ating yoyo at pikô, ng yakap sa kawayan
Ng palosebo, ng karera ng dagà sa peryahan,
Ng pataasan at gitgitan ng bilding sa ating siyudad,
Ng timpalak
Sa mekanisasyon ng bisig at makinasyon ng utak,
Ng bagong lahi ng pusà, ng bagong insenso sa burak,
Ng ating samot-saring ambisyon at kani-kaniyang pangarap,
Ng musika sa bumbong,
Ng kulay sa putik, ng karnabal ng sindak
At kakatwa sa bawat tolda’t tindahan ng aliw, at ng huwad
Na kasiyahan ng laman.

Bawat imperyo ng layaw
Ay itinuturo nating pagbabago sa ating nakamihasnang pananaw.
Kahit ang pagbitay:
Mula sa pagpugot, pagsúnog, hanggang de-koryenteng likmuan;
Kahit ang libingan:
Mula sa sagradong tapayan,
Nitso, mausoleo, hanggang tore-kolumbaryo ng bangkay.
Humuhusay táyo sa pagpaslang
At paggunaw
Bilang ultimong paraan
Para tapusin ang ating lumbay at mga pagkukulang.
Ang dami nating dapat pag-aralang pagsúlong
Sa makapal na bibliya ng ating tinipong dunong.
Kayâ kasámang nawaglit sa ating binabása
Ang walong silahis ng watawat na may baybaying Ka;
Mainam at ginawa palá ngayong payong na pulá,
Para ipamudmod sa kalsada ng mangmang at walâng pera,
Upang kahit paano’y iayuda
Kapalit ng marangal na bóto at katha nating demokrasya.

𝘙𝘪𝘰 𝘈𝘭𝘮𝘢
4 Mayo 2025

09/05/2025

𝗞𝗔𝗬 𝗢𝗥𝗬𝗔𝗡𝗚
(Sa kaniyang ika-150 kaarawan)

Kung pagsaulan kong basáhin sa isip
Ang mga nagdaang araw ng pag-ibig,
Mayroon pa kayâng titimo sa dibdib
Liban sa kay Oryang at bayan kong amis.

Ang Oryang kong lagìng pinangangambahang
Madamay sa aking mga kasawian;
Tanging Lakambini ng sangkapuluang
Binigkis ng aming puláng Katipunan.

Sa loob at labas ng bayan tang sawi
Kagalinga’t bait ay nalulugami;
Tulad tang ang buhay ay dusa’t pighati
Dahil kaliluha’y nangyayaring hari.

(Mahiganting Langit, nasaan ang bangis?
Laganap na dahas ano’t natitiis?
Mula ka ng aming katwiran at bait
Ano’t pinayagang ilubog ng lupit?)

Itong ating bayang kalong ng panimdim,
Sagana sa luha at madlang hilahil;
Ngayo’y tumatawag nang buong paggiliw,
At napatatanglaw sa iyong luningning.

Ang kaluluwa ko’y kusang dumadalaw
Sa lansanga’t nayong iyong niyapakan,
Sa Tundo ng ating lihim na kilusan,
Naging Balintawak at Pinaglabanan.

Aling pag-ibig pa ang hihigit kayâ
Sa ating sininta’t tinubùang lupa;
Kung saka-sakaling hininga’y mawala,
Kaligayahan din kung dahil sa layà.

Nagbabalik mandi’t lagìng nilalandas,
Yaong unang alay, ang pagod mo’t hirap,
Dahil kawikaang, sa bayan ng bulág,
Kailanga’y dugo ng mga namulat.

Noon ako’y dalhin sa bundok ng taksil
At paslangin doon sa dawag ng lihim;
Mahigit sambuwang hinanap mo giliw
Ang puntod ng aking bangkay at hilahil.

Ngunit ako’y buháy sa pusòng bayani,
Nagniningas ako sa diwang may puri;
Mangmang man’t mamulat sa lagay na api,
Di muling pipikit para maduhagi.

Oryang, talastas ko ang iyong dálitâ,
Nang dahil sa akin búhay mo’y naabâ;
Pigilin ang sindak, pahirin ang luha,
At nalalapit na ang Araw ng Tuwa!

Ahon sa dalatan, diwata’t sirena,
Ang abâng kundiman tonohan ng lira!
Ihatid kay Oryang tapat kong pagsinta,
At sa aking bayan, lagìng
MAY PAG-ASA.

𝘙𝘪𝘰 𝘈𝘭𝘮𝘢
9 Mayo 2025

07/05/2025
01/05/2025

𝗜𝗟𝗔𝗛𝗔𝗦

Para ng mga damo sa bukid at parang:
May sobrang talusaling na makahiyâ,
Tumitiklop konting magalaw,
Ngunit may amorsékong magiliw
Kumapit sa sinumang magdaan sa pilapil.
Bakit ba ang dahon ng kablíng
Ay paboritong hablutin at nguya-nguyain ng kambing?
Ay! Ang dahon ay mas matagal sumibol kaysa bulaklak!
May damong dahon lang ay pugad ng ibon at hamak.
Ang amarílyo’y bumubukad at humahalimuyak
Kasabay ng luha ng kandila kung undas;
Ang diliwáriw sa tumanà ay sagana sa dilaw
Na talulot kapag matinding-matindi ang init ng araw.
Parang alpombrang lungtian ang pagudpód,
Paborito ang málit ng kabayo, kalabaw, at malakîng hayop.
Parang gunitang matimyas, mahirap bunutin
Ang muthâ sapagkat ang ugat ay pagkalalim-lalim;
Lalo namang subersibo ang taláhib,
Muling tumutubò kahit sunugin nang sunugin;
Umaagos ang putîng-putîng hiyas kung taglagas.
At tingnan ang ligáw na palay! Matikas na matikas
At kabataang pangahas sumalungat sa simoy at liwanag;
Subalit pagtandâ’t yumuko sa haplos ng amihan,
Walâ kundi pipíng butil at ipá ang alay ng uhay.

𝘙𝘪𝘰 𝘈𝘭𝘮𝘢
19 Nobyembre 2024

07/02/2025

𝗞𝗔𝗟𝗜𝗞𝗔́𝗦𝗔𝗡, 𝗞𝗔𝗟𝗜𝗞𝗛𝗔𝗦𝗔𝗡, 𝗞𝗔𝗟𝗕𝗔𝗥𝗬𝗢 𝗦𝗔 𝗨𝗣 𝗗𝗜𝗟𝗜𝗠𝗔𝗡

DALAWANG MAGANDANG PANGYAYARI ang nasaksihan ko nitong unang linggo ng Pebrero sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. 𝗕𝘂𝘄𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗦𝗶𝗻𝗶𝗻𝗴 ang Pebrero sa buong Filipinas, at gayundin sa UP Diliman. Kayâ nitong Martes, Pebrero 4, binuksan ang pagdiriwang ng OICA—ang upisina para sa gawaing pangkultura ng UP at sa pangunguna ni Direktor Monica Fides Amada W. Santos—sa pamamagitan ng isang seremonya na may pamagat na 𝗞𝗮𝗹𝗶𝗸𝗵𝗮𝘀𝗮𝗻.

Kaakit-akit ang seremonya dahil sa mga bílang na may kaugnayan sa paglahok ng sining sa nagbabagong kalikásan. Una, ang “𝗞𝗮𝗶𝗯𝘂𝘁𝘂𝗿𝗮𝗻” na likha ni 𝗗𝗮𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗬𝗿𝗮𝗼𝗹𝗮—isang instalasyong binubuo ng mga túbo na may nakapalawit na mga piraso ng seramika at patay na korales sa bawat túbo. Nakaayos ang mga ito sa tatlong hanay, kumakatawan sa labas, loob, at puso ng katauhan, at parang mga kulintang na lumilikha ng iba’t ibang tunog. May espesyal na grupo, ang 𝗞𝗮𝗶𝗯𝘂𝘁𝘂𝗿𝗮𝗻 𝗘𝗻𝘀𝗲𝗺𝗯𝗹𝗲, na bawat isa ay nakapuwesto sa isang túbo, at kinakalog ang bawat túbo para lumikha ng iba-ibang klase ng tunog, batay sa isang score na sinulat ni Dayang. Napakapino ng tunog na likha ng mga seramika’t korales. Sabi ko nga kay Dayang, parang test sa tainga ko kung nabibingi na.

Ikalawa, ang sayaw na “𝗠𝗮𝗵𝗮𝗯𝗮̀𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗴𝗵𝗶𝗵𝗶𝗻𝘁𝗮𝘆 𝘀𝗮 𝗣𝗮𝗴𝗸𝗮𝗯𝗶𝗴𝗼” na konsepto ni 𝗞𝗮𝗿𝗹 𝗖𝗮𝘀𝘁𝗿𝗼 at choreography ni 𝗚𝗲𝗯𝗯𝘃𝗲𝗹𝗹𝗲 𝗥𝗮𝘆 𝗦𝗲𝗹𝗴𝗮. Nagtayô sila ng isang entabladong kawayan at dito sumayaw ang 𝗨𝗣 𝗗𝗮𝗻𝗰𝗲 𝗖𝗼𝗺𝗽𝗮𝗻𝘆. Ang musika ay nalilikha ng tunog ng sahig na kawayan kapag tinapakan ng mga mananayaw. May istorya ang sayaw na waring sinalakay sila ng dayuhang puwersa ngunit sa dulo ay natutuhan nilang itaboy dahil sa nagkakaisang pagkilos. Sabi ko nga kay Chancellor Vistan, parang anti-ballet ang buong koreograpiya, at parang mga zombie ang mga mananayaw sa pagkilos na pabigla-bigla at pabalu-baluktot. Nakagugulat ito para sa namihasa sa ballet ni NA Alice Reyes.

Ang ikatlong plataporma ay parang entablado na may dekorasyon mga uhay ng pandan (?) at ibang halaman. Isa-isang tinawag ang mga representante ng sektor sa UP, mula sa estudyante, kaguruan, mga admin, atbp at binigyan sila ng simbolikong arko ng bulaklak na isinasabit sa likod ng entablado. Nagtapós ang seremonya sa isang mensahe ni 𝗖𝗵𝗮𝗻𝗰𝗲𝗹𝗹𝗼𝗿 𝗘𝗱𝗴𝗮𝗿𝗱𝗼 𝗖𝗮𝗿𝗹𝗼 𝗩𝗶𝘀𝘁𝗮𝗻 𝗜𝗜. Ako naman ay napagitna kina Presidente Jijil at Chancellor Vistan sa isang bangkong kawayan, at siyempre palitan kami ng opinyon hinggil sa kakaibang karanasan at bunga ng pagsisikap na makalikha ng Sining kalahok ng kalikásan sa UP Campus.

Nito namang hapon ng Biyernes, Pebrero 7, ay inanyayahan ako ng 𝗞𝗼𝗹𝗲𝗵𝗶𝘆𝗼 𝘀𝗮 𝗔𝗿𝘁𝗲 𝗮𝘁 𝗟𝗶𝘁𝗲𝗿𝗮𝘁𝘂𝗿𝗮 (KAL) bílang dating dekano para lumahok sa 𝗣𝗮𝗿𝗮𝗱𝗮 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗛𝗮𝗿𝗮𝗴𝗮𝗻. Nagrali naman ang mga g**o, kawani, at estudyante ng KAL, mula sa Palma Hall hanggang Quezon Hall. Pumulá sa tshirts na pulá ang University Oval. Sa pagkakataóng ito, hindi naman impeachment ang nasa isip ng mga taga-KAL. (Bagaman, may nakíta akong plakard tungkol sa “Impeach Sara”). Ibig nilang idaing ang matagal na niláng inaasam na sariling gusali ng kolehiyo. Noon pang 2 Abril 2016 nasunog ang 𝗙𝗖 (𝗙𝗮𝗰𝘂𝗹𝘁𝘆 𝗖𝗲𝗻𝘁𝗲𝗿) at sa loob na 𝘀𝗶𝘆𝗮𝗺 𝗻𝗮 𝘁𝗮𝗼́𝗻 ay 𝗶𝘀𝗸𝘂𝘄𝗮𝘁𝗲𝗿 𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗔𝗟 sa Palma Hall na teritoryo ng Kolehiyo sa Agham Panlipunan at Pilosopiya. May matatapos nang kapalit ang FC at may sinimulan nang bilding para sa KAL at dapat ay naitayô na noong 2024. Ngunit sa di-malamang mga sanhi ay nakatengga ang konstruksiyon. Kayâ ang rali ng KAL ay tinawag na parada laban sa 𝗞𝗔𝗟𝗯𝗮𝗿𝘆𝗼 ng mga g**o at estudyante na walang espasyo para sa kanilang mga miting, group sessions, consultations, seminars, poetry readings, chamber theaters, atbp.

Biro mo, ang KAL ay nagdudulot ng pundasyong aralin sa wika, literatura, at mga sining ng mga estudyante ng UP. Nanggagáling dito ang mga premyadong manunulat at artist, national artists, medyor na mga artista sa pelikula, direktor, makata at fictionists ng bansa. Dito hinuhubog ang kaluluwa ng mga estudyanteng UP. Pagkatapos, walang sariling espasyo sa napakaluwang na Kampus ng Diliman!?!? May sariling science complex ang mga disiplina ng agham at may kani-kaniyang bilding ang ibang kolehiyo. Chancellor Vistan, nasaan ang inyong puso? Sana ay matapos na ang KALbaryo ng aming kolehiyo sa 2025.

𝓢𝓪𝓻𝓲̀-𝓢𝓪́𝓶𝓸𝓽
ni Virgilio S. Almario
Ferndale Homes
7 Pebrero 2025

📷 Larawan mula sa OICA at CAL FB Pages

02/12/2024

𝗔𝗪𝗜𝗧 𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗦𝗟𝗜𝗧

Huwag kang umiyak, alitaptap, kung kabilugan ang buwan;
Aawit din ang kuliglig at kamaksi pagkatápos magdasal.
Tingnan mo ang gagamba, naghahagis na ng lambat
At kasapakat ang simoy sa pagdakip ng palaboy na kulisap.
Hindi nagtitigil ang lagim sa mundo.
At sino ang mga natutúlog sa anino ng duklay at damo?
Huwag mong gisíngin at bakâ mga napágal na berdugo.
May nag-utos yatang dukutin ang nagpupuyát na mga bituin
Para maghari ang lamok at linta sa mga lawas ng dilim.
Kayâ tawagin ang hukbo mo’t maririkit na lumipad,
Alitaptap, isanib sa buwan ang laksa-laksang kislap ng kutitap.

𝘙𝘪𝘰 𝘈𝘭𝘮𝘢
26 Nobyembre 2014

13/11/2024

𝗔𝗥𝗠𝗔𝗦

Mahigit 3000 taón na noong magsagupa
Sa kapatagan ng Tollensen ang 4000 mandirigma
At itinuturing ngayong isang lunáng napakatandâ
Sa gayong malakihang pagpapatayan.
Nahukay dito ng mga arkeologo kamakailan
Ang mga baság na bungo, lasog na kalansay,
Balî-balîng sibat, palaso, palakol, patalim, kalasag,
At wasak na mga armas
Na hindi nilámon ng lupà, kalawang, bulate, at ugat.
Mula noon,
Hindi naman nagbago ang lagim ng digmaan;
Ngunit tinitiyak ng mga pabrika ng misil at bomba ngayon
Na pulbos ang milyon-milyong sundalo’t sibilyan,
Malinis ang mga tagpuan ng paglalaban
At lawas ng sindak, kapag hinukay.

𝘙𝘪𝘰 𝘈𝘭𝘮𝘢
12 Nobyembre 2024

Address

Quezon City

Telephone

+639257102481

Website

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Katipunan sa Kultura at Kasaysayan posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Contact The Organization

Send a message to Katipunan sa Kultura at Kasaysayan:

Share