28/08/2026
PALAYAIN AGAD ANG KASIBU 13! ITIGIL ANG PANDARAHAS SA MGA TAGAPAGTANGGOL NG LUPA AT KALIKASAN!
Mariing kinukundena ng Tambisan sa Sining ang ilegal at marahas na pag-aresto ngayong Agosto 28 sa 13 residente at tagapagtanggol ng kalikasan sa anti-mining barikada sa Barangay Pacquet, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Mapayapang nagbabarikada ang mga mamamayan upang pigilan ang muling pagpasok ng krudo para sa mga backhoe ng North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC) nang sila ay dahasin at arestuhin ng kapulisan. Sa halip na pakinggan ang lehitimong pagtutol ng komunidad, ginamit na naman ang mga pulis bilang es**rt at tagapagtanggol ng interes ng korporasyong naglalayong magmina sa kanilang lupain.
Hindi ito hiwalay na insidente. Noong Agosto 19, tatlong residente rin ang inaresto habang ipinagtatanggol ang parehong barikada laban sa pagpasok ng krudong gagamitin sa kagamitan ng NLMRC. Ang sunod-sunod na pag-aresto, pagsasampa ng mga kaso, pananakot, at presensya ng mga armadong pwersa sa komunidad ay malinaw na pagtatangkang buwagin ang pagkakaisa at paglaban ng mamamayan.
Mayo 8 pa lamang ay nagtayo ng barikada ang mga mamamayan ng Kasibu upang tutulan ang mineral exploration ng NLMRC. Saklaw ng permit na iginawad ng DENR–MGB noong Hunyo 25, 2025 ang 4,456 ektarya ng lupain sa kanilang komunidad. Tinututulan ito ng mga residente dahil wala itong tunay na konsultasyon at FPIC, at nagbabanta sa kanilang lupang ninuno, kabuhayan, kabahayan, at kalikasan.
Hindi maaaring ihiwalay ng mga artista at manggagawang pangkultura ang ating sarili sa pakikibakang ito. Malaking bahagi ng ating hanay ay nagmumula sa mga katutubo at mamamayan sa kanayunan. Sa kanilang lupa umuusbong ang wika, awit, sayaw, ritwal, kasaysayan, at kolektibong identidad. Kapag inaagaw at winawasak ang lupang ninuno, winawasak din ang materyal na bukal ng kultura.
Nananawagan ang Tambisan sa Sining sa lahat ng artista, manunulat, manggagawang pangkultura, at mamamayan na makiisa sa Kasibu 13 at sa mga komunidad na nagtatanggol sa kanilang lupa, kabuhayan, kultura, at kinabukasan.
Palayain agad ang Kasibu 13!
Ibasura ang lahat ng gawa-gawang kaso laban sa mga tagapagtanggol ng kalikasan!
Palayasin ang pulis at militar sa mga komunidad at barikada!
Palayasin ang NLMRC!
Itigil ang mapaminsalang pagmimina sa Kasibu!
Ipagtanggol ang lupang ninuno, kabuhayan, kultura, at kalikasan!