02/01/2026
𝘉𝘰𝘰𝘬 𝘙𝘦𝘷𝘪𝘦𝘸 #291 | 𝘙𝘦𝘣𝘺𝘶 𝘯𝘪 𝘊𝘩𝘶𝘣𝘪𝘣𝘰 𝘔𝘰𝘯𝘥𝘦𝘫𝘢𝘳
𝐖𝐚𝐲𝐚𝐧𝐠 𝐀𝐥𝐢𝐦𝐚𝐠𝐧𝐮𝐦
𝐧𝐢 𝐉𝐨𝐞𝐥 𝐃𝐨𝐧𝐚𝐭𝐨 𝐂𝐡𝐢𝐧𝐠 𝐉𝐚𝐜𝐨𝐛
📚📚📚
𝐌𝐠𝐚 𝐩𝐚𝐚𝐥𝐚𝐥𝐚 𝐤𝐮𝐧𝐠 𝐛𝐚𝐤𝐢𝐭 “𝐊𝐚𝐡𝐚𝐧𝐠𝐚-𝐡𝐚𝐧𝐠𝐚 𝐚𝐧𝐠 𝐭𝐚𝐭𝐚𝐠 𝐚𝐭 𝐭𝐚𝐥𝐢𝐧𝐨 𝐧𝐠 𝐦𝐚𝐠𝐬𝐚𝐬𝐚𝐤𝐚𝐧𝐠 𝐅𝐢𝐥𝐢𝐩𝐢𝐧𝐨” 𝐬𝐚 𝐖𝐚𝐲𝐚𝐧𝐠 𝐀𝐥𝐢𝐦𝐚𝐠𝐧𝐮𝐦 𝐧𝐢 𝐉𝐨𝐞𝐥 𝐃𝐨𝐧𝐚𝐭𝐨 𝐂𝐡𝐢𝐧𝐠 𝐉𝐚𝐜𝐨𝐛.
I
Ang bawat magsasakang Filipino ay nagtataglay ng mga katangian: Talinong hinubog ng mahabang panahon nilang paglalaan ng oras sa pagsasaka, walang kapantay na pagtitiyaga sa pagtatanim, at ‘di matatawarang sipag sa pag obserba at pag-aaral sa taunang takbo klima upang matukoy ang tamang panahon kung kailan dapat anihin ang mga palay. Sa kabila ng kaliwa’t kanang banta at panganib ng pangangamkam sa mga lupang sakahan ng Panginoong Maylupa, kasapakat ng Burgesya Komprador na silang mga pangunahing dahilan sa pagpapanatili ng bansot at atrasadong pag-usad ng Agrikultura sa Filipinas ay hindi nagpatinag si Joel Donato Ching Jacob na ilahad at isalarawan sa librong ito, na sa kabila ng anumang panganib at mga banta sa buhay ng mga magsasaka, ang lenteng sinisipat ng Wayang Alimagnum ay may magandang kinabukasan pa ring naghihintay para sa mga magsasakang Filipino. Kung bibigyan lamang ito ng puwang at halaga para mas mapayabong pa ang Agrikultura sa Filipinas. Sa tulong ng inobasyon at teknolohiya upang mapadali ang mabigat na trabaho at nakakapagod na proseso ng pagsasaka. At higit sa lahat ay dapat na maipamahagi sa kanila ang lupang kanilang sinasaka.
II
Si Waya, kabataang babae na pangunahing bida sa nobelang ito ay isang buhay na patunay na wasto ang tanyag na kasabihang “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” ay may kaakibat na tamang gabay ng mga nakakatanda na magsisimula sa tahanan. Si Quicay, ang madrastang naging isang magandang ehemplo upang pagyabungin ang pagmamahal ni Waya sa pagsasaka, kasabay ng nakababatang kapatid na sina Pia, at Isa. Si Mang Juan, ang haligi ng tahanan bilang tagapag bungkos ng tibay ng pamilya. Upang sama-sama nilang harapin ang hamon at unos ng buhay.
III
Bagamat nakasentro ang kuwento ng nobelang ito sa kanilang baryo, sa taunang paligsahan at tagisan sa pag-aani, pag-aararo, at pagtatanim ng palay. Ito rin ang malakas na katangiang taglay ng nobelang ito upang ilapit sa mga kabataang mambabasa ang tila immersion sa gawaing bukid upang ipaintindi na hindi biro ang mabigat na trabaho at mahabang proseso ng pag-aani, pag-aararo ng lupa upang maging maayos ang pagtubo at pagbunga ng palay at kalaunan ay magiging bigas bilang pinal na produkto. Mahusay ang pagwawaksi ni Joel Donato Ching Jacob sa tila “utak talangka” na bansag sa mamamayang Filipino. Ang Alimango bilang Simbolismo ng paghila pababa sa mga nakakaangat sa buhay, ay ginawa niyang “Ali-Mech-Sag” bilang paglapat sa modernong inobasyon ng teknolohiya na siyang naging kaagapay nina Waya, Quicay, maging ng kanilang katunggali na si Aling Berta bilang isang modernong makinarya na magagamit sa pagsasaka.
IV
Ang pagiging malay ngunit maingat na pagsasalarawan ni Joel Donato Ching Jacob sa kalakasang tinataglay ng mga tauhang kababaihan sa nobelang ito ay patunay na hindi kailangang maging sagadsagaring p**t sa mga tendensiya ng kalalakihan ng pagiging “Macho,” “Misogynist,” at “Sexist” na sinasalamin ng isang patriyarkal na lipunan upang i-angat ang antas ng kababaihan. Bagkus ay marahan at puno ng pagmamahal niyang tinahi ang bawat kabanata upang maging katulong ang ibang kalalakihan sa pagtataguyod ng mga kababaihan sa Modernong Panahon, kaakibat ang inobasyon at teknolohiya ng Ali-Mech-Sag.
Sobrang husay din ang paraang ginawa ni Joel Donato Ching Jacob sa Ham Ensaymada, at Ube Ensaymada bilang simbolismo sa pagsipat at pagsukat ng moralidad ni Mang Juan sa kanyang sarili, bilang isang lalaki na muling umibig kahit pa matagal na siyang nangulila sa namayapang asawa.
V
Para sa akin, ang Wayang Alimagnum ay ang alternate universe na lagi’t lagi kong inaasam. Nasabi ko nga kay Joel Donato Ching Jacob sa messenger na Si 'Nay Quicay ang inang matagal ko nang hinihiling, ngunit ipinagdamot sa akin ng mundo. Ang Alimagnum ni Waya bilang kaagapay niya sa pagharap sa pagsubok ng buhay, katuwang ang nakababatang kapatid na sina Pia, at Isa. Ang ama nilang si Mang Juan na hindi sila pinabayaan, at si ‘Nay Quicay bilang madrasta na itinuturing siyang tunay na anak. Ang alternate universe na ito na may mapagmahal na Ama, mga kapatid na malalambing at laging handang sumuporta, at ang Madrastang mas hinigitan pa ang pagiging mapagmahal na ina, ay mga bagay sa mundong ito na kailanman ay hindi ipinagkaloob sa akin. Hinilom ng librong ito ang sugatan kong kamusmusan na nilamon ng takot at pag-aalala mula sa di kaaya-ayang karanasan mula pagkabata. Hindi ko napagtanto kung gaano kalalim ang aking pagluluksa sa isang bagay na hindi ko kailanman naranasan, hanggang sa matagpuan ko na lamang ang sarili na tila nabuhay sa loob ng mga pahinang iyon, magaan sa dibdib ang bawat paghinga sa 'di matukoy na pakiramdam ngunit may kung anong kirot itong bitbit. Sa bawat sandali ng pagkalinga, sa bawat marahang pag gabay, sa bawat pagpaparamdam ng tunay na pagmamahal ay tila maingat kong naisulat ang sariling kuwento. Hindi ito pagtakas sa reyalidad, kundi pagkilala, isang pagpapatunay na ang pagmamahal na matagal ko nang inaasam-asam ay kailanman hindi labis na paghahangad. Ang mga nasaksihan ko sa pamilyang ito na bunga lamang ng isang malikhaing pagkukuwento, ay naghatid sa akin upang matagpuan bagaheng matagal nang bumabagabag sa aking dibdib, at sa hindi inaasahang pagkakataon, hinayaan kong mahibang ang sarili sa pag-aakalang may darating pang iba na sa akin ay makikiramay.
VI
Ang pinaka importanteng bagay na tumimo sa akin sa aklat na ito: kahit saan man tayo dalhin ng modernong panahon, lagi’t lagi nating isaalang-alang ang kapakanan ng sambayanan, lalong lalo na ang masang api na matagal nang inaalipusta na bulok na sistemang umiiral sa ating kasalukuyang lipunan. At ilan lamang yan sa mga paalala kung bakit “Kahanga-hanga ang tatag at talino ng magsasakang Filipino” sa Wayang Alimagnum ni Joel Donato Ching Jacob.
---