31/03/2026
𝓑𝓪𝓫𝓪𝓮, 𝓱𝓲𝓷𝓭𝓲 𝓼𝓾𝓼𝓾𝓴𝓸—𝓫𝓪𝓫𝓪𝓮, 𝓹𝓪𝓽𝓾𝓵𝓸𝔂 𝓷𝓪 𝓵𝓪𝓵𝓪𝓫𝓪𝓷.
Sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, kinikilala ng Citizens’ Disaster Response Network (CDRN) ang patuloy na pakikibaka ng kababaihan sa gitna ng lumalalang krisis—mula sa climate change, kahirapan, at gyera hanggang sa pagnipis ng civic space. Sa mga rehiyong tulad ng Eastern Visayas at Bicol na nakaharap sa Karagatang Pasipiko at unang tinatamaan ng malalakas na bagyo, malinaw ang kritikal na papel ng kababaihan sa pagpapatatag ng kanilang mga komunidad.
“Ang mga kababaihan, partikular ang mula sa mga bulnerableng sektor, mga manggagawa at magsasaka, ang higit na naaapektuhan. Sila ang unang nakakaranas ng pagkawala ng kabuhayan, seguridad, at tahanan. Ngunit sila rin ang nasa unahan ng pagtugon, pagbangon, at pagbibigay ng lakas sa iba,” ani Aubrey Versoza, Executive Director ng Tarabang para sa Bicol, Inc.
“Mahalaga na ang mga kababaihan ay organisado at napapakilos upang mabawasan ang epekto ng mga kalamidad. Ang CDRN ay isang matatag na network na nagbibigay ng espasyong nagpapalakas sa mga lider-kababaihan upang makapag-ambag sa pagpapaunlad ng kanilang mga komunidad. Ang mga inisyatibang kanilang pinamumunuan ay napatunayang tumutugon sa panandalian at pangmatagalang pang-ekonomiyang pangangailangan ng mga komunidad,” ayon kay Jazmin Jerusalem, Executive Director ng Leyte Center for Development, Inc.
Sa kabila nito, humaharap ang mga kababaihan at kanilang mga organisasyon sa lumalalang banta sa civic space, kabilang ang harassment at red-tagging. Gayunpaman, nananatiling matatag ang kanilang paninindigan. “Sa kabila ng mga banta at pagtatangka na patahimikin ang ating mga boses, nananatili tayong matatag sa ating paninindigan para sa karapatan, hustisya, at kalikasan. Mahalaga na ipagpatuloy natin ang laban hindi lamang para sa ating mga sarili kundi para sa susunod na henerasyon,” dagdag ni Versoza.
Sa panahong ito ng matitinding hamon, nananawagan ang CDRN na ipagtanggol at depensahan ang civic spaces, at patuloy na suportahan ang pamumuno ng kababaihan sa disaster risk reduction. Ang lakas ng kababaihan ay lakas ng komunidad—sa paghahanda, pagtugon, at pagbangon tungo sa isang makatarungan, ligtas, at sustenableng kinabukasan.