25/04/2025
AUTHORITY: QCPD PR NO. 04-24-2025-007
Senior Citizens, Arestado sa Isang Swindling Entrapment sa Loob Ng Fast Food Chain Sa QC
QUEZON CITY, ABRIL 24, 2025----Inanunsyo ni Deputy District Director for Administration/Officer-In-Charge ng QCPD, PCOL RANDY GLENN SILVIO ang pagkaka-aresto ng tatlong senior citizens ng mga operatiba ng Novaliches Police Station (PS4) matapos mahuli sa isang entrapment operation kaugnay ng kasong Estafa (Swindling) dakong 12:30 ng tanghali nitong Abril 23, 2025, sa loob mismo ng Jollibee Kingspoint Branch, Quirino Highway, Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City.
Kinilala ni PLTCOL ALJUN BELISTA, Station Commander ng PS 4 ang mga suspek na sina Evangeline Joven, 65 anyos, residente ng Brgy. Bagbag, Novaliches; Loida Dantes, 70 anyos, residente ng Victoria, Laguna; at Escolastico Dantes, 72 anyos, at residente rin ng Victoria, Laguna.
Ayon sa ulat, isang barangay volunteer worker ang nabiktima ng panlilinlang ng mga suspek matapos itong mapasangla ng halagang Php250,000.00 kapalit ng lehitimong duplicate ng isang titulo ng lupa sa pamamagitan ng isang "mortgage" scheme. Ngunit nang malapit nang mabayaran ng biktima ang buong halaga, sinabi ng mga suspek na ibenta na lamang ang bahagi ng lupa na naging dahilan upang magsagawa siya ng beripikasyon sa Land Registry Authority (LRA). Sa kanyang pagkagulat, napag-alamang kumpiskado na pala ng LRA ang naturang lupain. Sa kabila nito, patuloy pa ring hinikayat ng mga suspek ang biktima na magbigay ng karagdagang halagang Php200,000.00.
Dahil dito, agad na nagsampa ng reklamo ang biktima sa PS 4 na humantong sa ikinasang entrapment operation. Sa naturang operasyon, nadakip ang mga suspek at nakumpiska ang boodle money at isang (1) brown envelope na ginamit bilang lalagyan ng marked money.
Ang mga nadakip na suspek ay nasa kustodiya ng QCPD para sa karampatang imbestigasyon at dokumentasyon. Samantala, tinutugis na rin ang isa pang suspek na si Lucena Durana Alcoy, residente rin ng Brgy. Bagbag, na kasalukuyang at-large.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Article 316 ng Revised Penal Code o Swindling sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Pinupuri ko ang mga operatiba ng PS 4 sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL Aljun Belista sa kanilang mabilis at maagap na aksyon na nagresulta sa pagkakahuli ng mga suspects. Ito ay isang patunay ng dedikasyon sa paglilingkod at pagbibigay proteksyon sa ating mga kababayan. Ang ganitong kahusayan sa serbisyo ay tunay na huwarang maipagmamalaki ng buong QCPD, saad ni PCOL SILVIO, OIC, QCPD. # # #