24/09/2026
https://www.facebook.com/share/p/1Ejt6EnU3Y/
ISINUSULONG sa Kamara ang panukalang dagdagan mula limang araw hanggang 10 araw ang annual paid service incentive leave ng mga kwalipikadong empleyado.
Sa ilalim ng House Bill 3233 o Expanded Service Incentive Leave for Employees Act, nais amyendahan ang Labor Code upang gawing 10 araw ang kasalukuyang limang araw na paid leave para sa mga empleyadong nakapagtrabaho nang hindi bababa sa isang taon.
Ayon kay Deputy Majority Leader Luigi Vincenzo Villafuerte, makatutulong ang dagdag na leave para makapagpahinga ang mga manggagawa, asikasuhin ang personal na pangangailangan at harapin ang mga emergency nang hindi kailangang mawalan ng kita.
Hindi sakop ng panukala ang mga empleyadong mayroon nang hindi bababa sa 10 araw na paid vacation leave.
Hindi rin kasama ang mga establisimyentong wala pang 10 empleyado o mga negosyong maaaring i-exempt ng Labor Secretary dahil sa kanilang financial at operational capacity.
Kapag naging batas, kailangang maglabas ang Department of Labor and Employment ng implementing rules sa loob ng 90 araw. | BULGAR