28/01/2026
MICE is an opportunity — but it should be an add-on, not the foundation.
Totoo: mas malaki ang gastos ng MICE visitors kumpara sa regular tourists. Malaki ang naitutulong nito sa hotels, restaurants, transport, at local products sa Puerto Princesa.
Pero para maging sustainable, kailangang unahin ang pagpapalakas ng lokal na ekonomiya.
Ang MICE ay hindi araw-araw. Kapag humina ang events, dapat matatag pa rin ang:
• local businesses
• MSMEs
• daily jobs at services
Strong local economy = strong host city.
Dapat siguraduhin na:
• local suppliers ang pangunahing kasali sa MICE
• MSMEs ay handa at kayang makipagsabayan
• ang kita ay umiikot sa loob ng lungsod, hindi palabas
Kung malakas ang local market, mas nagiging bonus ang MICE — hindi lang pansamantalang kita, kundi pangmatagalang kaunlaran para sa Puerto Princesa.
Pro-MICE.
Pro-local.
Pro-sustainability.
PUERTO PRINCESA CITY, MAS MAY KITA UMANO MULA SA MICE, O MEETINGS, INCENTIVES, CONFERENCES, AND EXHIBITIONS, KAYSA REGULAR TOURISM
Kaunti man ang bilang ng Meetings, Incentives, Conferences, and Exhibitions (MICE) visitors sa Puerto Princesa City kumpara sa regular na turista, mas malaki naman ang perang naiiwan nila sa lokal na ekonomiya.
Ito ang pangunahing dahilan kung bakit itinuturing ng pamahalaang lungsod na mahalagang growth sector ang MICE industry sa Puerto Princesa City.
Sa isang working paper ng Asian Institute of Management (AIM) na ibinahagi sa opisyal na page ni Mayor Lucilo Bayron, tinatayang gumagastos ang isang MICE attendee ng humigit-kumulang ₱29,694 kada biyahe.
Ito umano ay anim na beses na mas mataas kumpara sa ₱4,949 na karaniwang ginagastos ng isang regular na turista.
Ipinapakita umano ng datos na kahit hindi kasing dami ng leisure tourists ang MICE visitors, mas malaki ang direktang kontribusyon nila sa lokal na ekonomiya.
"Kung mas malaki ang gastos ng isang MICE participant kumpara sa regular na turista, mas malaki rin ang maitutulong nila sa ating ekonomiya—gaya ng pag-stay sa mga hotels o inns, pagkain sa restaurants, pagsali sa tours, pagbili ng pasalubong, atbp," ayon sa official page ni Mayor Bayron.
Mas mahaba ang kanilang pananatili at mas malawak ang saklaw ng kanilang gastusin, mula sa hotel accommodation, pagkain sa mga restaurant, transport services, pagkuha ng tour packages, hanggang sa pagbili ng lokal na produkto at pasalubong.
Sa Puerto Princesa City, makikita ang konkretong paglago ng sektor batay sa bilang ng aktibidad at bisita. Noong 2023, nakapagtala ang lungsod ng humigit-kumulang 800 MICE events na dinaluhan ng tinatayang 70,000 bisita. Pagsapit ng 2024, tumaas ito sa 956 MICE events na may kabuuang 129,149 na mga dumalo, halos doble ang bilang ng bisita sa loob lamang ng isang taon.
Isa umano sa mga dahilan kung bakit patuloy na pinipili ng mga organizers at kalahok ang Puerto Princesa ay ang “work and vacation” setup. Habang dumadalo sa mga pulong, kumperensiya, at corporate activities, sinasamantala rin ng mga bisita ang pagkakataong makapasyal sa mga eco-tourism sites ng lungsod. Dahil dito, mas humahaba ang kanilang stay at mas lumalaki ang kanilang kabuuang gastos.
"One of the main reasons why visitors choose Puerto Princesa is because they want to make the most of their trip—may event na, may bakasyon pa. Marami sa ating MICE guests ay pumupunta na rin sa ating mga eco-tourism locations," ayon pa sa pahayag.
Kasabay ng pagtaas ng demand sa MICE activities, lumalakas din ang interes sa tinatawag na green MICE venues. Ito ang mga pasilidad na isinasaalang-alang ang pangangalaga sa kalikasan, waste management, at mas maayos na paggamit ng enerhiya, na umaayon sa imahe ng Puerto Princesa bilang eco-tourism destination.
Dahil dito, plano ng pamahalaang lungsod na higit pang palakasin ang mga programa at polisiya na susuporta sa MICE industry. Kabilang dito ang paglinang ng mas maraming pasilidad, pagpapahusay ng serbisyo, at mas malinaw na ugnayan ng MICE tourism sa eco-tourism at sports tourism facilities ng lungsod.
Mas masusi pa ring pag-aaralan ng city government ang sektor upang matiyak na ang paglago ng MICE industry ay magreresulta sa mas maraming trabaho, pagtaas ng tourist arrivals, at mas malawak na suporta para sa micro, small, and medium enterprises o MSMEs at iba pang lokal na negosyo sa Puerto Princesa City.
Una nang sinabi ng alkalde na kabilang sa mga pokus ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapalakas ng sports tourism at MICE tourism, na kapwa itinuturing na may malaking potensyal sa paglikha ng kita hindi lamang para sa pamahalaan, kundi pati na rin para sa mga negosyong direktang umaasa sa sektor ng turismo sa lungsod.