22/09/2025
KURAKOT NOON, KURAKOT NGAYON
HANGGANG KAILAN? HANGGANG SAAN?
Tatlumpu’t siyam na taon na ang lumipas ng pinabagsak ng taumbayan ang diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. May nagbago ba sa buhay ng karaniwang Pilipino? Ang kasakiman at pagnanakaw ba ay natuldukan na natin sa ating lipunan?
Talamak ang korapsyon sa ating pamahalaan, di lamang sa DPWH kundi sa iba pang ahensya at departamento nito. Sino sa atin ang hindi pa nakaranas ng transaksyon sa mga ahensya ng pamahalaan na kinakailangan ng “padulas” para umusad ang ating papel? Sino sa atin ang humanap ng padrino para makapasok sa pwesto?
Ang iskandalo sa DPWH ay isang butil pa lamang sa isang kaban ng katiwalian sa pamamahala ng ating lipunan. Pribilehiyo, lagay, tongpats, SOP, kickback ang kalakaran sa bawat galaw ng mga ahensya ng pamahalaan.
Ninakawan tayo noong panahon ng diktadura, patuloy tayong ninanakawan sa panahon ng kanyang anak na si BBM. Ang karapatan ng taumbayan ay ilang ulit nang niyurakan. Ang kagalingan ng taumbayan ay ilang beses nang isinantabi. Ang kinabukasan ng ating mga anak ay ilang ulit nang inilagak sa peligro.
Hanggang kailan tayo magtitiis? Hanggang saan ang dulo ng ating pagtitimpi?
Nakakapagngitngit ang lantarang pagpapakita ng yaman ng iilan habang ang masa ay naghihikahos at naghahanap ng ikabubuhay pang-araw-araw. Nakakasuka ang takipan ng mga magkakasabwat sa nakawan. Garapalan ang kanilang pagkagahaman. Sunod ang kanilang mga luho at kasakiman, nagpapakasasa sa karangyaan gamit ang mga pinaghirapan at pinagsumikapan ng taumbayan. Maayos sana ang buhay ng lahat ng mamamayan kung walang iilang ganid sa yaman at kapangyarihan.
Panahon na upang tumindig at isigaw – Tama Na, Sobra Na! Wakasan na ang pandarambong sa kaban ng bayan! Litisin at ikulong na ang mga kawatan!
Hindi sasapat ang "investigation in aid of legislation” sa Senado at Kongreso. Hindi sapat ang deklarasyon na "Mahiya naman kayo!"
Itatag ang isang indipendienteng komisyon mula sa hanay ng taumbayan para siyasatin, imbestigahan, kasuhan, at lubos na panagutin ang mga kawatan.
Ibasura na ang mga dinastiya sa ating pulitika at ekonomiya. Tama na ang pagpapasasa ng iisang pamilya o angkan sa poder ng kapangyarihan. Kapangyarihan na ginagamit hindi para paglingkuran ang taumbayan bagkus para magkamal ng dambuhalang kita mula sa ating buwis at pinagpaguran.
Walisin ang lahat ng korap sa ating lipunan. Ito ang kagyat na mga panawagan! Ito ang hamon sa mga nanunungkulan!
Sa taumbayan, panahon ng imulat ang ating mga mata sa kalakaran sa ating pamahalaan – limpak-limpak na ganansya para sa iilan, paghihirap sa ating mga ordinaryong mamamayan.
Panahon na para isigaw:
Wakasan ang Korapsyon!
Tapusin na ang paghahari ng iilan!
Baguhin ang Sistema!
Ipagtanggol ang karapatan at kagalingan ng nakararaming api at dukha!
Itaguyod ang Simbahan ng mga Dukha!
Itayo ang Gobyerno ng Masang Pilipino!
TASK FORCE DETAINEES OF THE PHILIPPINES
September 21, 2025