25/04/2026
HUSTISYA PARA KINA ALYSSA, RJ, ERROL, AT MAU! HUSTISYA PARA SA TOBOSO 19!
Mariing naninindigan ang BatamPasig laban sa brutal at walang habas na pagpaslang kina Alyssa Alano, RJ Ledesma, Errol Wendel, at Maureen Keil Santuyo, kasama ang iba pang biktima ng pasismo ng estado sa Negros. Ang insidenteng ito ay malinaw na manipestasyon ng isang sistemang gumagamit ng dahas upang patahimikin ang mga kabataang naglilingkod at lumalaban para sa mamamayan.
Isa itong malinaw na operasyon ng panunupil. Planado, organisado, at nakabalot sa mga kasinungalingang paulit-ulit na ibinibenta sa publiko. Sa pagbanggit ng salitang engwentro, tinatangkang burahin ang katotohanang ang mga pinaslang ay mga sibilyan, organisador, at tagapagtanggol ng karapatan ng mamamayan.
Sina Alyssa, RJ, Errol, at Mau ay mga kabataang isinabuhay at isinapraktika ang panawagang serve the people. Hindi sila nanatili sa komportableng espasyo ng katahimikan. Pinili nilang gamitin ang kanilang talino, husay, at lakas upang magsilbi sa sambayanan.
Si Alyssa na isang anti-imperyalista, mananaliksik, lider-estudyante ay ginamit ang edukasyon upang ilantad ang ugat ng kahirapan at pagsasamantala. Si RJ na isang community journalist, aktibista, manunulat ay naging daluyan ng katotohanan sa gitna ng panlilinlang. Si Errol na isang organisador, artista at aktibista ay ginawang sandata ang sining upang gisingin ang diwa ng pakikibaka. At si Mau, na isang peasant advocate at organisador na naglingkod sa hanay ng mga magsasakang patuloy na pinagkakaitan ng lupa at karapatan.
Bilang kabataang Pasigueño, kinikilala namin sina Alyssa, RJ, Errol, at Mau bilang mga anak ng bayan. Ang kanilang buhay ay patunay na ang tunay na serbisyo ay nasa hanay ng mamamayan. At sa isang estadong takot sa mulat at organisadong kabataan, ang ganitong uri ng pagkitil ay nagiging sandata ng pananakot.
Hindi hiwalay ang probinsya ng Negros sa mas malawak na konteksto ng militarisasyon. Ito ay bahagi ng sistematikong pag-atake sa mga komunidad ng magsasaka, manggagawa, at kabataan. Ang presensya ng militar sa mga sibilyang lugar ay hindi nagdudulot ng kapayapaan. Ito ay nagdudulot ng takot, intimidasyon, at paglabag sa karapatang pantao.
Kaya dapat nating panagutin ang mga arkitekto ng ganitong sistema ng karahasan. Panagutin ang administrasyong Marcos at Duterte, ang NTF-ELCAC, ang AFP at PNP na patuloy na nagbibigay-katwiran at nagpapatupad ng mga patakarang nagreresulta sa pagdanak ng dugo ng mamamayan. Ang pananagutan ay hindi lamang para sa mga nasa ibaba ng utos, kundi para sa buong istrukturang nag-uutos at nakikinabang sa panunupil.
Ito rin ang numero unong dahilan kung bakit hindi dapat pinapapasok ang militar sa mga kampus, at hindi dapat pinapapasok ang pulisya sa mga paaralan, lalo na sa mga high school. Dahil ang edukasyon ay espasyo ng pagkatuto, kritikal na pag-iisip, at malayang pagpapahayag. Hindi ito dapat gawing larangan ng pananakot, surveillance, at indoctrination ng estado. Kapag pinapasok ang dahas sa loob ng paaralan, pinipigilan ang kabataan na mag-isip, magtanong, at manindigan.
Nanawagan kami ng isang independyente, malaya, at tunay na patas na imbestigasyon sa mga kamakailang operasyon ng AFP sa Negros at agarang pag-alis ng mga militar sa kanayunan! Sapagkat hindi sasagot ang pasismo sa ugat ng armadong tunggalian. Sa halip, lalo lamang nitong pinatitindi ang krisis at pinapalalim ang paglaban ng mamamayang api sa iba’t ibang anyo ng pakikibaka.
Hangga’t patuloy ang panunupil, patuloy ding lalaban ang mamamayan. Dahil ang katahimikan na ipinipilit ng dahas ay hindi kailanman tunay na kapayapaan!