26/05/2026
Ralph Recto, Tinawag na “Harassment lang” ang kaso sa kanya sa pananagutan sa bilyong pondo ng PhilHealth na dapat pinakinabangan ng milyong mamamayang Pilipino
Tinawag ni Executive Secretary Ralph G. Recto na “nuisance at harassment case” ang inihaing reklamo kaugnay ng umano’y iligal na paglipat ng pondo ng PhilHealth, iginiit na ang transfer ay nakasaad sa 2024 GAA at ipinatupad niya “in good faith.” Binanggit niya ang mga hiwalay na opinyon ng ilang mahistrado na nagsabing walang kriminal na pananagutan dahil ministeryal lamang umano ang kaniyang ginampanan. Gayunman, kapansin-pansin na sa halip na sagutin ang esensyal na usapin ng accountability sa bilyon-bilyong pisong nailipat, inuna ni Recto ang pagdiskredito sa nagreklamo at ang pag-giit na ibinalik na ang ₱60 bilyon, na hindi rin direktang tumutugon kung bakit nangyari ang paglipat at sino ang mananagot sa naging epekto nito.
Sa kaniyang pahayag, mariing itinanggi ni Recto na siya’y personal na nakinabang sa pondo at tinawag na “libelous” ang paratang. Ipinunto rin niya na walang “criminal intent” batay sa mga sinipi niyang pahayag mula sa ilang mahistrado, at na ang DOF circular ay bahagi lamang ng pagtalima sa batas na noon ay presumed valid. Subalit ang pagbaling sa legal technicalities at personal na tirada laban sa nagreklamo ay nag-iiwan ng puwang sa mas mahalagang tanong: kung may deklarasyon ng unconstitutional na probisyon, paano at kailan masisiguro ang ganap na remedyo, transparency sa proseso, at reparasyon sa mga naapektuhan, kabilang ang mga ospital at pasyenteng umano’y naperwisyo?
Dagdag pa rito, sa halip na maglatag ng malinaw na audit trail, timeline ng pagbalik ng pondo, at mga hakbang para maiwasan ang pag-uulit, nagtanong si Recto kung sino ang “nagdodono” sa kaso at iniuugnay ito sa umano’y pagtatakip sa ibang “scam.” Ang ganitong depensa; pag-asa sa pahapyaw na pag-amyenda ng kredibilidad ng nagrereklamo at pagbanggit ng mga pahayag ng hukom nang walang kompletong konteksto ng desisyon, ay lalong nagpapakita na imbes tugunan ang pananagutan at institusyonal na pagkukulang, mas pinipiling ilihis ang usapan. Sa dulo, nananatiling bukas ang usapin ng full accountability: sino ang magpapaliwanag, paano sasagutin ang naging delay sa serbisyong pangkalusugan, at anong konkretong reporma ang agad na ipapatupad.